You’re Still My Man (Filipino) Chapter 40

Kagat ni Maki ang labi habang pinagmamasdan ang paggalaw ng kamay ng relong pambisig niya. Nasa open cottage siya na gawa sa nipa at kawaya sa Serenata Cove, isang pribadong beach na pag-aari ng isang kaibigan ng nanay niya bagamat pwedeng puntahan ng publiko. Walang tao doon kapag weekdays kaya perpekto ang lugar na iyon para sa pag-uusap nila ni Benedikt. Walang ibang mang-aabala sa kanila.

Nag-practice siya sa choir hanggang alas kuwatro ng hapon. Dati ay hanggang alas singko siya kung mag-practice pero sinabi niyang may importante siyang aasikasuhin. Ngayon lang niya mas inuna ang ibang bagay kaysa sa choir dahil kay Benedikt. Ayaw niyang ma-late sa usapan nila dahil ayaw niyang bigyan ito ng rason para hindi matuloy ang pag-uusap nila. Sa tulong ng nanay niya ay inayos nito ang kubo na iyon sa Serenata Cove at ito pa mismo ang nagpaalam sa may-ari kung pwedeng gamitin iyon.

“Five-twenty-five na,” aniya habang malakas ang kaba ng dibdib niya.

Excited pa mandin siya noong una hanggang napansin niya ang tuluyang paglubog ng araw at di man lang nagpapakita kahit anino ni Benedikt. Hanggang alas singko y media lang ang free time ng dating nobyo. Oras na lumagpas doon ay hindi na ito magpapakita pa.

Halos hindi na niya inaalis ang tingin sa orasan habang palapit nang palapit ang oras na pinag-usapan nila ni Benedikt o mas tamang sabihing pinag-usapan nila ng sekretarya nitong si Patty. Ang sabi lang nito ay ini-relay na nito ang mensahe kay Benedikt. Hindi daw sumagot ang binata kung pupunta ito. Alam niyang suntok sa buwan ang ginawa niya pero malaki ang pag-asa niya na tutuloy ito. After all, he didn’t cancel or decline the appointment.

Malakas ang kaba sa dibdib niya habang palapit nang palapit ang alas singko y media. “Five twenty six…. Five twenty-seven… five twenty-eight… five twenty-nine…” Pigil niya ang hininga sa paglipat ng bawat segundo. “Five thirty.”

Bumagsak ang balikat niya at tiningnan ang hilera ng mga puno ng niyog sa likod ng kubo kung saan posibleng manggaling ang binata kapag nagpunta doon. “Alas singko y media na. Baka na-late lang siya.”

Hindi naman na bago ang pagiging late ng dating nobyo lalo na kapag may tinatapos itong trabaho. Baka naman na-delay lang ito sa meeting o may emergency pero papunta na. Magpapakita pa rin ito sa kanya. Alam nitong maghihintay siya.

Para di mainip ay umalis muna siya ng kubo. Sumalampak si Maki buhanginan sa tabing-dagat at pinapanood ang papalubog na araw habang humahampas ang mabining alon.

Unti-unti nang dumilim hanggang mapansin na lang niya na alas sais na ng gabi. Lumamig na ang pagkaing ihinanda niya sa kubo para dito. Parang maiiyak siya dahil habang papalubog ang araw ay papalubog na rin ang pag-asa niya na dadating pa si Benedikt.

“Hindi na siya dadating. Titikisin niya ako tulad ng pagtikis ko sa kanya noon,” usal niya at iniyukyok ang mukha. Kinagat niya ang labi habang pinipigilan ang pagtulo ng nangingilid na luha.

At hindi naman niya masisisi ang dating nobyo kundi man ito nakipagkita sa kanya at pinagmumukha siyang tanga. Hindi ba’t nagmukha rin itong tanga sa harap ng maraming tao dahil sa kanya? And it cost him his father’s life.

Simple pa nga itong pinagdadaanan niya kung tutuusin. Hindi naman siya napahiya sa maraming tao. Kailangan lang niyang magmukmok sandali at maglabas ng sama ng loob. Iiyak lang siya ng konti tapos ay tatayo na siya at uuwi sa kanila saka niya ipagpapatuloy ang buhay niya. Kung ayaw man nitong makita pa siya o makausap ay irerespeto niya iyon. Dapat nga siguro ay kalimutan na niyang magkakilala sila. Hahayaan na lang niya ang sarili na kainin ng guilt kundi man siya makahingi ng tawad dito.

Nasa kasagsagan siya ng pag-iyak nang makarinig ng ugong ng motor sa di kalayuan. Nang iangat niya ang tingin ay nakita niya ang isang jet ski na humahagibis sa ibabaw ng tubig at sinasaga ang alon. Kumunot ang noo niya. Wala namang jet ski na napapadpad sa lugar na iyon dahil wala namang resort na nagmamay-ari ng jet ski… maliban sa La Reina Resort.

Pumitlag ang puso niya. Sa La Reina Resort galing ang jet ski na iyon. Posible ba na…

Bago pa niya natapos ang tanong ay nakita niya na papalapit sa dalampasigan ang jet ski. Sakay niyon ang isang lalaki na nakasuot ng orange na lifevest. Hindi niya inaalis ang tingin dito. Kahit na hindi pa tuluyang nakikilala ng isipan niya ay kilala na iyon ng puso niya – si Benedikt ang sakay ng jet ski.

Ayaw niyang umasa. Masasaktan lang siya kapag umasa siya sa wala. Paano kung naligaw lang ito doon? Paano kung dumaan lang ito ng Serenata Cove pero di naman ito lalapit sa dalampasigan? Paaasahin lang siya.

Pero gusto niyang umasa. Gusto niyang isipin na gusto pa rin siya nitong makita at makausap kahit sa huling pagkakataon. Kahit minsan lang.

Hindi halos humihinga si Maki habang palapit nang palapit ang jet ski sa dalampasigan. Tuluyan na niyang nakilala si Benedikt na sakay ng jet ski. Malakas na malakas ang tibok ng puso niya. She was keeping her fingers crossed that he was there for her. Na tuluyan nitong ilalapit ang jet ski sa beach. Please, Benedikt, huwag mo akong biguin. Please. For the last time, ibigay mo sa akin ang pagkakataong ito.

Nang ihimpil nito ang jet ski ilang metro mula sa kanya ay napa-‘Yes!’ siya. Di na niya napigilan ang sarili. Tumayo siya at patakbo itong sinalubong. “Benedikt!” tawag niya dito. Dahil sa bugso ng damdamin niya ay hindi niya napigilan ang sarili at niyakap ito nang mahigpit. It felt like coming home. Pakiramdam niya ay gaya ng dati kung saan hinihintay niya ito lagi at sobrang saya niya kapag dumadating ito. “A-Akala ko hindi ka na dadating.”

“Sorry. I got tied up with a video conference,” anito sa pormal na boses. “Biglang naiba ang schedule ng client ko.”

“It is okay. I understand. Sinabi ko naman na maghihintay ako sa iyo, hindi ba? Kahit pa gaano katagal maghihintay lang ako dito hanggang dumating siya,” mangiyak-ngiyak na sabi niya at lalong hinigpitan ang yakap dito. Wala siyang pakialam kahit na basang-basa pa ito at nababasa na rin ang suot niyang dress.

She was just relieved. Takot na takot talaga siya dahil akala niya ay hindi na ito magpapakita pa sa kanya. Na tuluyan na siya nitong babalewalain. Nakakita siya ng pag-asa. Baka sakaling may puwang pa rin siya sa puso nito.

“Is this how you conduct your business meetings, Miss Veracruz?” tanong nito sa pormal na boses. “It seems like you are too familiar with me. Not so business-like, isn’t it?”

NANLAMIG ang buong katawan ni Maki nang mahimigan ang kapormalan at lamig sa boses ni Benedikt. Business meeting. Too familiar. Not so business-like. Iyon ang tumining sa isipan niya.

Hindi na sila ang dating Maki at Benedikt. Hindi na sila magnobyo. Hindi na siya ang dating nobya nito na matiyagang naghihintay dito kapag abala ito at masaya itong sasalubungin ng yakap at halik. It was a “business meeting” according to the appointment she requested. At sa isang business meeting, hindi niya dapat na yakapin ang ka-meeting niya.

Dali-dali siyang humiwalay kay Benedikt at tumingala. Nakita niya ang katigasan ng anyo nito. His eyes were dead cold. Doon niya na-realize na maaring napipilitan lang itong makipagkita sa kanya. Na dapat nga niyang ipagpasalamat na nakipagkita pa ito sa kanya. Pero kailangan din niyang umakto ng tama. Ayaw niyang bigyan ito ng rason para ipagtulakan pa siya palayo nang di niya nasasabi ang pakay niya dito.

Inilahad niya ang kamay sa direksyon ng kubo. “Uhmmm… doon tayo.”

Nauna na siyang nagpunta ng kubo para hamigin ang sarili. Binuksan din niya ang rechargeable lamp na nakapaloob sa makulay na lantern shade. Inalis din niya ang takip ng pagkain at sinindihan ang citronella candle para pantaboy ng insekto. Saglit niyang pinagmasdan ang paligid. With the nice beach, sunset and attractive food, it was like a romantic dinner.

It was supposed to be a romantic dinner. Or something to that effect. And she felt stupid in a way. Bakit niya hinayaan ito? Dahil sa puso niya, di pa rin siya makawala sa nakaraan at sa magagandang alaala ng pagmamahalan nila ni Benedikt.

“Sorry. I don’t have a suit and tie with me,” anang binata sa likuran niya. “Nag-jet ski na lang ako para makapunta agad dito. The sea is the fastest way to get here.”

Nang lumingon siya ay tinanggal na nito ang orange na lifevest at iniwan sa jet ski. Nakasuot na lang ito ng black sando at printed beach shorts na blue and black. He had wide shoulders and a bunch of muscles on his pectorals. Masarap maglambitin sa braso nito at humilig sa balikat nito. At dahil nabasa ang sando nito ay nakahakab ang itim na tela sa katawan nito. Washboard abs. Nanuyo ang lalamunan niya. Her ex was one hell of a hunk.

Iniwas agad niya ang tingin sa matipuno nitong katawan. Wrong timing ito. Ngayon pa nito ibinalandra ang kakisigan nito sa kanya kung kailan di na niya ito maaring angkinin o pagnasaan man lang.

“S-Sorry. Uhmmm.. malamig na ang pagkain,” sabi niya at umupo sa bench na kawayan. “Pasensiya ka na kung iyan lang ang nakayanan ko.”

Vegetable salad na may makulay na edible flower at honey mustard sauce at prawn paella. May buko rin na nakahanda sa mesa para sa inumin nila.

“Hindi ka na sana nag-abala pero salamat sa paghahanda,” sabi nito at umupo. Nakailang subo lang ito ng salad at saka inangat ang tingin sa kanya. “So, what can I do for you, Miss Rubella? Or should I call you Miss Veracruz?”

“B-Bahala ka kung anong gusto mong itawag sa akin.”

Hindi naman siya sanay na pormal ito sa kanya kapag tinatawag siya. And it had a chilling effect that he was all business-like with her.

Naglagay ito ng prawn paella sa plato nito. “Nang tawagan ako ng sekretarya ko para sabihing nagpa-set ka ng appointment, hindi ko talaga inaasahan iyon. Hindi ko lubos-maisip kung anong kailangan ng isang magaling na guro na tulad mo sa isang contractor gaya ko. Maliban na lang kung magpapatayo ka rin ng malaking resort.”

“No.” Mariing nagdikit ang labi niya at pinagsalikop niya ang nanlalamig na mga palad. “Ano…” Huminga siya ng malalim. “I… I don’t know where to start.”

Nagsalubong ang kilay ng binata. “I hope you are not wasting my time, Miss Rubella. Kung hindi mo pa alam, mahalaga ang bawat oras ko. Pinagbigyan lang kita dahil isa ka sa nirerespetong guro sa bayan na ito. Hannah likes you a lot. Huwag mo sanang ubusin ang pasensiya ko. You already ruined my schedule.”

“Ang sabi ni Patty wala kang meeting kaninang four-thirty to five-thirty,” matapang na kontra ni Maki dito. “Ibig sabihin hindi ko sinira ang schedule mo.”

Pagkakataon naman nito para mariing magdikit ang mga labi. “So what do you want?” tanong nito sa mataas na boses.

Ipinikit niya ang mga mata habang pigil ang hininga. “I am sorry. I am sorry that Tito Malvar had a heart attack when I didn’t attend our wedding. I am sorry that he died.”

“How did you know?” namumutla nitong tanong. Di marahil nito inaasahan na iyon ang pag-uusapan nila o malalaman niya ang tungkol sa pagkamatay ng ama nito.

“Sinabi sa akin ni Miss Hannah. H-Hindi siguro niya alam ang tungkol sa atin. Hindi niya alam kung sino ako. Sinabi lang niya na hindi ka sinipot ng bride mo sa araw ng kasal mo at iyon ang dahilan kung bakit namatay ang papa mo. And it was me. Ako ang runaway bride mo. Ako ang pumatay sa ama mo. And I am sorry,” aniya at mariing ipinikit ang mga mata.

Nakakabingi ang katahimikan na sumunod. Wala halos siyang naririnig maliban sa hampas ng alon at ang malakas na tibok ng puso niya. But she could feel the thickening tension in the air, so thick she could almost taste it.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.