Di alam ni Maki kung saan sila papunta ni Talia. Wala na ring oras para magtanong pa dahil nag-practice na sila ng kakantahin niya habang nasa biyahe. Pilit niyang pinalis ang kaba. Isa itong magandang pagkakataon para maipakita niya ang talento niya. Isa pa ay pabor ito para sa kaibigan niya. At pagkakataong makaawit sa harap ng mga tao na di niya basta-basta magagawa. Higit sa lahat ay malayo sa paningin ng madrasta niya.
Bumagal ang takbo ng sasakyan. Di nagtagal ay tumigil ang sasakyan nila dahil sa dami ng mga taong nakabarikada sa harapan. “Mukhang may rally yata. Kailangan ba nating maghanap ng ibang daan?”
“Pwede na siguro tayong bumaba dito,” sabi ni Talia at binuksan ang pinto ng kotse. Nauna na itong bumaba at isinukbit ang backpack.
Napilitan siyang bumaba. Nasa Welcome Rotonda sila at sa pagkakatanda niya ay wala namang masyadong bar banda doon. “Saan ba talaga ang gig?” tanong niya habang naglalakad sila sa gilid ng karamihan ng mga tao at papunta sa direksiyon ng entablado.
“Dito mismo sa program na ito.”
Gulat niya itong nilingon at tumigil sa paglalakad. “Ano? Pakakantahin mo ako sa rally?” tanong niya sa mataas na boses.
“Saan mo ba inaasahan ang tugtugan natin? Sa isang five star hotel? Alam mo naman na sa ganito lang kami naiimbitahan o kaya sa mga bar na puro OPM ang tugtugan.” Ibinuka nito ang mga kamay. “At ito na ang pinakamalaking audience na mayroon kami kung sakali. Isipin mo nga. Sinu-sino na lang ba ang nakaka-appreciate ng mga OPM at mga kantang may social relevance? Sila lang din na mga mahihirap at api.” Saka ito nagpatuloy sa paglalakad, mas mabilis kaysa kanina.
Napilitan siyang habulin ito. “Oo nga. Pero…pero…”
“Kakausapin ko lang ang organizer. Mukhang kailangan na nating mag-set up.”
“P-Pero…”
Hindi na niya nagawang tumutol dahil iniwan na siya ng kaibigan. Naiwan siya sa likod ng stage na naguguluhan. Gusto niyang tumakas, tumakbo palayo doon. Ang madrasta niya. Tiyak na magwawala ito oras na makarating dito ang pangyayari. Sinapo niya ang pisngi. Ang Papa niya, tiyak na madidismaya ito sa kanya oras na malaman ito. Hindi niya alam kung kakayanin niyang umakyat ng stage para kumanta. Anong gagawin niya ngayon?
Napansin marahil ni Talia ang pag-aalinlangan niya nang balikan siya nito. Ginagap nito ang mga kamay niya. “Alam mo ba kung sino ang mga naghihintay na kantahan mo? Mga magsasaka sila na naghihirap. Ginigipit sa mga lupa nila, binabarat sa mga ani nila habang bumabaha ng mga smuggled na produkto sa bansa natin. Sila ang naaapi. Sila ang aawitan mo para sa mga karapatan nila. Hindi ba gusto mong maipaabot sa iba ang mensahe ng kanta mo? Para sa bayan. Para sa mga mahihirap na mga tao. Bibiguin mo ba sila?”
Lumunok siya at umiling. “H-Hindi. Pero kinakabahan ko. Kasi ang pamilya ko…”
She smiled reassuringly. “Wala kang dapat na ikatakot. Ang sabi sa akin nakaalis na ang mga reporters na nag-cover ng balita. Hindi ka naman siguro pagagalitan ng pamilya mo kundi nila malalaman.” Saka ito kumindat na parang may sabwatan ito.
Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya pero naroon pa rin ang kaba. Mauubusan na siya ng palusot dito. Hanggang isa sa mga organizer ang lumapit sa kanila para sabihing naka-set up na ang banda at siya na lang ang hinihintay. “Umakyat ka na. Its time.” Niyakap siya nito. “Goodluck. Kung kinakabahan ka, isipin mo kung para kanino mo ito ginagawa.”
Maya maya ay ipinakilala ang banda nila ng host. Nanginginig ang tuhod niya nang umakyat sa entablado. Inabot sa kanya ang mikropno. Nanlalamig siya nang hawakan niya ang mikropono. Iginala niya ang tingin sa mga taong nasa ibaba ng entablado. Mga magsasaka. Pawang maliliit na mga tao. Lahat ay may pag-asam sa mga mata. Bawat isa sa mga ito ay lumalaban para sa kabuhayan ng pamilya nito. Para sa kinabukasan ng mga anak nito.
Pumikit siya at pinakaramdaman kung anong nasa puso niya. She hummed a tune… a tune that they didn’t practice. It was not exactly a part of her song either. Pinakiramdaman ang hangin – ang emosyon na nagmumula sa mga magsasaka at maliliit na mga tao, ang sakit at kaapihang naranasan ng mga ito pati na rin ang pag-asa ng pagbabago.
Naramdaman din niya ang pagbabago sa kanya. Naramdaman niya ang unti-unting paglaya niya sa tanikala habang pumapailanlang ang boses niya.
Itinaas niya ang daliri at isa-isang pumasok ang tunog ng mga instrumento para sabayan siya. Nang dumilat siya ay nawalan na siya ng takot. Tanging ang naramdaman niya ang paglaya sa musika. Ang paglaya ng kanyang kaluluwa. At sa palagay niya ay nagawa niya ang layunin niya para sa araw na iyon nang makita niya ang ngiti sa labi ng mga simpleng magsasaka. Ang palakpakan at hiyawan ng mga ito. Dahil nakakapag-usap sila nang puso sa puso.
Umimbay ang katawan ni Maki sa sayaw kasabay ng awitin niya. Pumailanlang ang boses niya. Animo’y tinatangay ng hangin. At nang makatapos siya ng isang kanta at nagpalakpakan at hiyawan ang mga tao ay umapaw ang saya sa puso niya.
Ito ang tunay niyang mundo. Ito ang tunay na siya.
"HINDI pa rin ako makapaniwala na nagawa kong kumanta sa harap ng maraming tao. Na nagawa kong kantahin ang original kong kanta at nagustuhan ng mga tao."
Lumulutang pa rin ang pakiramdam ni Maki habang kausap si Talia. May isa’t kalahating oras siyang gap bago ang susunod na klase niya. Hindi pa rin maaalis ang ngiti sa mga labi niya. She had such a thrill last night. Halos di nga siya makatulog nang makauwi siya. At dahil sa sobrang excitement ay may bagong kanta na namang nabubuo sa utak niya. Gusto niya ang ganitong pakiramdam. Nagawa niya ang isang bagay na ipinagbabawal pero di siya nagi-guilty. Dahil ito talaga ang gusto niya.
Tinapik nito ang balikat niya. "Sabi ko naman sa iyo wala kang dapat ikatakot. May sinabi ba ang pamilya mo nang medyo umuwi ka nang gabi?"
Ngumisi siya. "Wala."
Nasa isang party sina Franco at Santina kaya wala ang mga ito nang dumating siya. Sinundo na lang siya ng driver niya sa Cubao dahil sinabi niyang may group activity silang magkakaklase.
Hindi niya gawain na magsinungaling at magpalusot. Di siya ganoon pinalaki. Pero katwiran niya ay necessary evil ang ginawa niya kahapon. Maliit na sakripisyo para sa mga bagay na natamo niya nang nakaraang araw - ang magpasaya ng mga tao at na-feed din ang bahagi niya bilang isang artist. Para sa kabutihan ng mas nakararami.
Malaking bagay din na mas naging mulat siya sa mga nangyayaring kahirapan ng buhay. Kung paanong di lang sa teleserye nangyayari ang panggigipit sa mahihirap. Mas malala pa iyon sa tunay na buhay. Gaya ng mga magsasakang ito na nagmula pa sa Mindanao na naglakad patungong Maynila para iparating sa gobyerno kung paanong kinakamkam ng isang pribado at higanteng kompanya ang lupain ng mga ito para sa isang magarbong resort. Lupain na nagpapakain sa mga tao. Lupain na bumubuhay sa pamilya ng mga ito.
Kung paanong di makalaban ang mga ito sa goons at baril at tanging ang paglalakad sa kahabaan ng kalye ng Pilipinas lamang at ang pagra-rally ang magagawa para maiparating ang hinaing ng mga ito. Alam di sapat ang boses niya pero alam niyang pwede siyang makatulong sa sarili niyang paraan. Para magpatuloy ang mga ito sa laban.
"Gusto mo na bang mag-member sa banda namin?" nakangising alok nito. "Gusto na akong i-kickout ng mga kabanda ko para sa iyo."
Lumagok siya ng juice. "No! Siyempre hindi. Minsan lang naman iyon. Saka hindi papayag ang mga magulang ko."
"Hindi mo ba mami-miss na kumanta? Aminin mo na nakaka-addict iyon,” anitong may nanunuksong ngiti sa labi. Parang inaakit na naman siya na tumakas. “Gusto mong kumanta nang kumanta nang kumanta. As if your heart is crying out for it.”
Natahimik siya at tinitigan ang orange juice sa baso sa harap niya. Iyon mismo ang nararamdaman niya. Sumisigaw ang puso niya na umawit muli. Ang magpasaya sa mga tao. Pero paano ang pamilya niya? Tiyak na tututol ang mga ito. Masama ang alaala ng mga ito sa musika, sa kanyang ina. Pero paano kung ito na ang pagkakataon niya? Palalagpasin ba niya?
Isang ideya ang kumislap sa utak niya. Sumilay ang ngiti sa labi niya. "Titingnan ko."
Pwede niyang sabihin kay Benedikt ang tungkol sa pagkanta niya. Plano naman talaga niyang sabihin dito kapag nagkita sila ng dinner. Suportado naman nito ang pagkanta niya. Ang kailangan lang niyang makuha ay ang suporta nito kung magpapatuloy pa siya sa larangan ng musika. Pwede niyang simulan sa fund raising concert para sa mga magsasaka. Ito lang ang pwedeng tumulong sa kanya. He would serve as a buffer between her and her parents. Kung suportado siya ni Benedikt ay hindi basta-basta magagalit ang mga ito. Maybe they would consider or at least tolerate her. Hangga’t nariyan si Benedikt, alam niyang magagawa niya ang kahit na ano. Hindi siya matatakot.
Excited tuloy siya sa dinner nila ni Benedikt. Ito ang susundo sa kanya sa eskwelahan. Tiyak na matutuwa ito sa ibabalita niya.
Wala siyang professor sa huling subject niya kaya tinawagan niya ito. "Hey, honey! I am free. Pwede mo akong sunduin nang mas maaga. Wala akong professor sa huling subject."
Bumuntong-hininga ito. "I am sorry. Hindi na muna matutuloy ang dinner natin."
"B-Bakit? Marami ka bang trabaho?" malungkot niyang tanong.
"Inatake sa puso si Papa pagkatapos ng meeting namin. Isinugod siya dito sa ospital."
Natutop niya ang labi. Minsan nang inatake sa puso si Malvar tatlong taon na ang nakakaraan. Kaya nga hangga’t maari ay di na ito masyadong pinapagod. Dumami ang responsibilidad ni Benedikt para huwag nang masyadong maraming alalahanin ni Malvar.