"Kumusta na siya?" nanginginig ang boses niyang tanong.
"Still unconscious. Inoobserbahan pa ng mga doktor."
"Saang ospital?"
"Sa St. Luke’s."
"Pupunta na ako diyan,” aniyang tumatakbo na papunta sa gate ng eskwelahan.
"Hindi na kailangan. Alam ko na busy ka rin sa school."
"It doesn’t matter. I will be there in half an hour."
Pumara siya ng taxi at tinawagan ang driver niya na sa ospital na siya tutuloy. Malakas ang kaba niya kaya dasal siya nang dasal habang bumibiyahe patungong ospital na maging maayos ang kalagayan ng ama ni Benedikt na si Malvar.
Pumasok siya ng suite. Nakita agad niya na nakahiga sa hospital bed si Marval at may oxygen mask. Bukod kay Teresina at Benedikt ay naroon din sina Franco at Santina. Hindi niya alam kung bakit biglang may tensiyon sa paligid nang makita siya ng mga ito subalit nanatili namang tahimik.
"Kumusta na po si Tito?" tanong niya. Sana naman ay di ganoon kalala ang kondisyon. Baka kaya tahimik ang mga ito ay dahil sa pag-aalala.
Malamig ang tinging ipinukol sa kanya ni Teresina. "Anong ginagawa niya dito?" tanong nito sa mas malamig na boses. Hindi ganoon ang klase ng pagtanggap na inaasahan niya mula dito. Something was wrong. Something was very, very wrong.
Hinaklit ni Santina ang braso niya at hinila siya palabas ng silid. "Halika dito! Halika!"
Mangiyak-ngiyak siya nang halos bumaon sa balat niya ang mga kuko nito. Nasasaktan siya pero wala siyang magawa. Wala itong pakialam kung nasa pasilyo sila ng ospital at may makakita sa kanila. "A-Ano po bang nangyari?"
"Ito ang nangyari!" Isang malakas na sampal ang pinakawalan nito na halos nagpabingi sa kanya. "Inatake sa puso si Malvar dahil sa kagagawan mo!”
“Ano pong ginawa ko?” mangiyak-ngiyak niyang tanong habang sapo ang pisngi. Hindi niya maintindihan kung bakit galit na galit ito sa kanya.
“Nagtatanong ka pa?” Hinaklit ulit nito ang braso niya at saka siya dinuro. Nanlilisik ang mga mata nito. Kulang na lang ay maglabas ng apoy. “Akala mo ba hindi namin malalaman na sumama at kumanta ka sa rally ng mga hampaslupang magsasaka na iyon? Tatanga-tanga ka naman dahil hindi mo nalaman na isang malaking kompanya ang kinakalaban ng mga hampaslupang iyon. At ang kompanya din na iyon ay dalawang taon nang nililigawan nila Malvar para makipag-venture sa kanila. Kung kailan magkakapirmahan na ng kontrata saka naman umurong dahil sa kagagawan mo. Wala ka nang ginawang tama."
Parang sinuntok siya sa sikmura ng mga sinabi nito. Nanlamig ang buong katawan niya at parang nahihilo siya. Kasalanan ko. Kasalanan ko. Kasalanan ko.
Saka parang isang di magandang pelikula na bumalik sa alaala niya ang nakaraang gabi. Kung paano niyang sinuway ang lahat ng ipinagbabawal sa kanya. Napakasaya niya noon pero ito ang kapalit. Dahil sa pagtulong niya sa iba ay may ibang napahamak. Napahamak ang kabuhayan ng pamilya ni Benedikt pati ang buhay ng ama nito. Hindi niya inaasahan na aabot sa ganito ang munting pagrerebelde niya.
"Sorry po. Hindi ko naman alam,” mahina niyang usal at tumulo ang luha sa mata niya. “Hindi ko po talaga alam.”
“Wala ka naman talagang alam.” Idinuldol nito ang hintuturo sa sentido niya. “Dahil ka katangahan mo, maswerte na kung gugustuhin ka pang pakasalan ni Benedikt.”
Nanigas ang buong katawan niya. Bakit pa nga ba siya gugustuhing pakasalan ni Benedikt? Dahil sa isang pagkakamali ay mawawala sa kanya ang lahat. Si Benedikt na lang ang nakakaintindi sa kanya pero pati ito ay mawawala pa sa kanya.
"Santina! Anong ginagawa mo?" anang dumadagundong na boses ng ama niyang si Franco. Nakatayo ito sa tabi ng pinto at matiim ang anyo. Subalit wala dito ang atensiyon niya kundi nasa kay Benedikt na nasa likuran ng ama niya. Lalong tumindi ang takot na nararamdaman niya. Kaya niyang tiisin kahit ilang sampal ni Santina. Kahit gulpihin pa siya nito para makabawi sa kasalanan niya huwag lang mawala sa kanya si Benedikt
Lumapit sa kanya si Benedikt at niyakap siya. “Are you okay?”
Sinapo nito ang pisngi niya. Napaigik siya sa sakit at muling tumulo ang luha sa mata niya. Hindi dahi sa sakit kundi dahil nabawasan ang takot na nararamdaman niya. Takot na tuluyang mawala sa kanya si Benedikt.
Namaywang si Santina at hinarap si Franco. "Tinuturuan ko ng leksiyon ang magaling mong anak. You know what? I am through trying to teach her how to be a proper lady. Mukhang wala talaga akong magagawa. Nasa dugo na niya ang magdala ng kahihiyan. She's shameless like her mother! That worthless whore! She’s starting to act like her."
Muli siyang nayanig. Sa loob ng mahabang panahon ay itinuring niya itong ina. Pero hindi niya alam na isasampal nito sa kanya kung gaano kababa ang tingin nito sa kanya. Na walang kwenta ang lahat ng pagsisikap niyang maging proud ito sa kanya. She would always be her mother’s daughter.
Ang babaeng walang kahihiyan. Ang babaeng sumama sa ibang lalaki at iniwan ang asawa at anak nito. Ganoon ba talaga siya kababa? Katulad na ba siya ng nanay niya?
"Enough!” Mahigpit na hinawakan ni Franco ang braso ni Santina. “Uuwi na tayo. Mas malaking gulo pa ang ginawa mo dahil sa pag-eeskandalo mo. Di ka na makapaghintay umuwi ng bahay para saktan ang anak ko? Now who is shameless?”
“Kasalanan ng anak mo!” giit pa rin ni Santina.
“Gusto mo na bang umuwi?” tanong ni Benedikt sa kanya sa malumanay na boses.
Umiling siya. Everything was still raw. Gusto pa niyang manatili sa bisig ni Benedikt. Pakiramdam niya protektado siya ng yakap nito mula sa galit ni Santina. Alam niya na marami pa siyang kailangang sabihin dito. Kailangan niyang humingi ng tawad.
“Sir, ako na po ang mag-uuwi sa kanya,” magalang na wika ni Benedikt.
Isang matigas na tango ang ibinigay ni Franco dito saka tumutok ang mga mata sa kanya. “At mag-uusap tayong dalawa pag-uwi sa bahay,” anang ama niya sa malamig na boses bago hinatak palayo ang madrasta niya.