You’re Still My Man (Filipino) Chapter 96

“SIR BENEDIKT! Ikeng! Ayos lang ba kayo diyan?” narinig nilang may kahinaang sigaw ng ng principal na si Mr. Esteves sa labas ng kuweba. “Sana ligtas lang kayo. Huwag kayong mag-alala. Babalikan namin kayo. Hihingi lang kami ng tulong.”

Nanlulumong napaupo si Maki habang nakatingin sa nagsarang lagusan. Tumigil na ang lindol pero sa palagay nila ay hindi sila ligtas doon. “Ayos ka lang ba? May masakit ba sa iyo?” tanong ni Benedikt.

“May kaunting galos lang ako. Kailangan nating makaalis dito. Di tayo pwedeng magtagal,” nag-aalala niyang sabi at niyakap ang sarili.

“Ikeng, may iba bang lagusan palabas dito?” tanong ni Benedikt.

Umiling ang lalaki. “Wala po, Sir. Ito lang po ang lagusan dito sa kuweba palabas. Ang iba pong parte ng kuweba ay palalim na. Masyado pong mapanganib. Ang magagawa lang natin ay ang maghintay po dito hanggang dumating ang tulong. Mahirap lang po sa lugar na ito ay mahina ang signal ng cellphone. At sa lakas po ng lindol na iyon ay baka po mas mahirapang maka-contact kapag nasira ang mga cellsite.”

Kailan pa kaya iyon? Sobrang lakas ng lindol at kinakabahan siya dahil baka magkaroon pa ng aftershock at ng mas malalang pagguho. Mas nanganganib ang buhay nila.

“Madalas bang lumindol dito?” tanong ni Maki.

“Hindi po. Ngayon lang lumindol dito sa amin,” paliwanag ni Ikeng.

Umatungal na ang bata. “Waaaa! Nanay koooo! Gusto ko na umuwi!”

Hinaplos niya ang ulo ng bata. “Ibabalik ka namin sa nanay at mga kapatid mo. Huwag ka nang umiyak, ha? Anong pangalan mo?”

“Jin po,” anang batang lalaki at kinuskos ng kamay ang mata.

“Jin, gamutin muna natin ang sugat mo, ha?” sabi niya at tinanguan si Benedikt para umupo at kinandong ang bata.

Inilabas ni Ikeng ang first aid kit mula sa bag nito. “Gamitin po muna ninyo ito. Maghahanap lang po ako ng mga sanga ng kahoy at mga dahon para ipamparingas natin. Sana po di rin natabunan ang bukal para may makuhanan tayo ng tubig na maiinom.”

Nilinisan niya ang sugat ni Jin at unti-unting tumigil ang paghikbi nito. Kinantahan niya ito hanggang makatulog ito. Nagsiga naman si Ikeng para may liwanag sila at tinipid ang baterya ng flashlight nito. Umalis muli si Ikeng para kumuha pa ng panggatong at ng tubig.

Alas dose na noon ng tanghali. Wala pa silang oras sa loob ng kuweba pero pakiramdam niya ay habambuhay na sila doon. Biglang yumanig ang lupa at yumukyok sila ni Benedikt para protektahan ang sarili mula sa nagbabagsakang mga bato.

Nanginig ang katawan ni Maki at muli niyang naramdaman ang pagod. Di niya namalayan na umiiyak na siya. “Maki, its okay. Makakalabas din tayo dito,” pang-aayo ng binata sa kanya nang tumigil ang aftershock. “Basta magdasal lang tayo.

“Hanggang kailan tayo dito?” humihikbi niyang tanong pero bahagya ring kumalma. “K-Kasi hindi pa ako nagso-sorry sa nanay ko. Hindi niya alam na nandito ako sa Bohol at kasama mo ako. Ang alam niya nasa Palawan ako at tumutuloy sa isang kakilala ko doon. Mamamatay ako nang hindi niya malalaman ang totoo. A-Ayokong mangyari iyon, Benedikt. Ayokong dito na lang matatapos ang lahat.”

Ito ba ang kapalit ng pagmamahal niya kay Benedikt? Nagsinungaling siya sa nanay niya kaya naman pinaparusahan siya? Ito ba ang kapalit ng ilang araw niyang pagnanais na makasama ito? Huwag naman sana dito matapos ang lahat. Okay lang sana kung siya ang parusahan pero huwag naman sa puntong masasaktan ang nanay niya. This would kill her.

“Maki, I will make sure that we will survive this. Tayong lahat,” sabi nito. Bumalik ito sa pagkakaupo nang tumigil ang pag-uga ng lupa. “Kailangan pa nating ibalik si Jin sa pamilya niya.”

Humilig siya sa balikat nito. Pakiramdam niya ay bigla siyang napagod. “Paano kung hindi na nila tayo balikan? Paano kung abutin na tayo ng ilang araw dito?” tanong niya.

“Hindi iyon mangyayari. Kapag ilang oras na ay wala pa ring tulong na dumadating sa atin ay gagawa kami ng paraan ni Ikeng. Kahit na maghukay pa ako gamit ang mga kamay ko basta mailabas lang kita dito nang ligtas,” sabi ni Benedikt sa determinadong boses. Alam niyang desperado na ang binata kapag ginawa iyon. He would take the risk. “I am sorry for bringing you here. Kung alam ko lang sana…”

Humawak siya sa braso nito at tiningala ito. “No, Benedikt. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil magkasama tayo nang nangyari ito. Alam ko na hindi mo ako pababayaan.”

Maya maya ay bumalik si Ikeng at nananghalian sila sa ilang pirasong biscuit na baon nito. May sariling pagkain din na ibinaon si Maki pero alam niyang di iyon magtatagal.

Matapos kumain ay kinuha ng guide si Jin mula sa kanila. Di nagtagal ay nakatulog na rin ito sa pagod habang nasa tabi ng apoy. Parang napakahaba ang sandaling lumipas habang nakahimlay siya sa balikat ni Benedikt. Sari-saring scenario ang umiikot sa isipan niya habang iniisip kung ano ang kakahantungan nila kung ang susunod na aftershock ay mas malakas pa kaysa sa una. Wala silang katiyakan pagdating sa lindol. Di ito mapaghahandaan at sa kuwebang iyon ay wala silang mapagtataguan.

“Stop thinking, Maki. Magpahinga ka muna. Gigisingin kita kung kinakailangan,” anang si Benedikt.

Bumuntong-hininga siya. “Hindi yata ako makakatulog, Benedikt. Hindi ngayong maaring nanganganib ang buhay natin o hindi na ako magising pa kapag pumikit ako. Ganito pala ang buhay. Hindi mo alam kung hanggang kailan ang buhay na ibibigay sa iyo ng Diyos. Anumang oras ay maari niyang bawiin.”

“Yes. That’s why we must make the most out of it.”

“Marami akong bagay na ginawa sa buhay ko, Benedikt. Mga bagay na alam kong kailangan kong gawin pero sa puso ko ay pinagsisisihan ko. At sa palagay ko ay mas magsisisi ako kung hindi ko masasabi sa iyo kung mamamatay man ako ngayon.”

“Maki, you don’t have to say that as if you will really die…”

“I am being realistic here, Benedikt.” Huminga siya ng malalim. “Ayokong magsisi kung kailan wala na ako sa mundo. Hindi ko talaga gustong iwan ka noon. Gabi-gabi akong umiiyak. Ilang beses ko din na ginustong bumalik. Lagi akong tinatanong ni Nanay kung gusto ko na daw bang bumalik sa iyo. Kung alam ko lang na itinuloy mo ang kasal natin, sana bumalik ako. Hindi ko gugustuhing mag-isa ka lang na naghihintay sa kasal natin.”

“No. I am glad you didn’t do that,” sabi nito.

Tiningala niya ito. “Bakit naman?” Dahil ba matatali siya dito at di ito makakakilala ng ibang mga babae?

“Don’t give me that look. I mean, I am glad you didn’t come back. Ayokong pakasalan mo ako nang napipilitan ka lang.”

“Hindi ako napipilitan lang. I love you, Benedikt. Alam mo iyan.”

“Pero pinilit ka lang ni Papa na magpakasal sa akin. I mean, iba ang original na plano natin. Gusto ko mag-progress ka muna sa career mo. As a person. Kaya nagulat ako nang basta mo na lang akong alukin ng kasal. Bago mamatay si Papa, nag-sorry siya sa akin. Sana daw hindi ka niya ginamitan ng emotional blackmail. Sinisisi niya ang sarili niya. Hindi ko siya magawang kamuhian nang mga oras na iyon. I decided to hate you instead.”

“I am sorry,” mahina niyang usal at mariing pumikit. “Hanggang ngayon dinadala ko pa rin ang guilt sa pagkamatay ni Tito Malvar.”

“Pareho nating di ginusto ang nangyari. Pero bata ka pa noon. At sa palagay ko, ang paglayo mo sa akin ang pinakamahirap na desisyong nagawa mo sa buhay mo. Look at you now. You have grown into a woman with substance. Independent ka na. Nakakapagdesisyon ka na para sa sarili mo. Hindi tulad dati na sunud-sunuran ka sa iba. Kung babalik ka sa akin nang hindi ka buo, alam ko na hindi ka rin magiging masaya. Naa-appreciate ko kung anong klaseng babae ka ngayon. And I admire you for that.”

“That is good to know.”

Ginagap nito ang kamay niya at hinaplos ang likod ng palad niya. “Maki, may kailangan din akong ipagtapat sa iyo.”

“Ano iyon?”

Sa kabila ng dilim ay tiningnan siya nito sa mga mata. “Ako ang nagbigay ng piano keyboard sa iyo at dress para sa opening ng La Reina Resort.”

Bigla siyang umupo ng tuwid para matingnan itong mabuti. “What? Ikaw iyon? Bakit hindi mo sinabi sa akin?”

“Ayoko naman talagang malaman mo.”

“At bakit ginawa mo iyon? Hindi ba galit ka sa akin noon?”

Tumingin ito sa sige sa harapan nila at ginatungan iyon ng sanga ng kahoy. “You are a princess. Kahit anong galit ko sa iyo, ikaw pa rin ang prinsesa ko. Hindi ko matanggap na iniwan mo ako para sa ganoong klase ng buhay. Ni wala kang magandang gown. Ayokong magmukha kang busabos sa harap ng mga tao. You are a Rubella heiress. You were my girl. And I want you to look beautiful while playing your music. Tapos nasira pa ang keyboard mo at nakita ko kung gaano ka kalungkot. I know that music is your life. Hindi yata kita mai-imagine nang wala ang keyboard mo. At sa liit ng suweldo mo, alam ko na di ka agad-agad makakabili. So I decided to buy it for you.”

“Kaya ka pala galit na galit sa akin nang malaman mong ibabalik ko iyon kay Miss Hannah,” aniya at magaang tinampal ang braso nito. “Benedikt, ikaw talaga!” At mahigpit niya itong niyakap mula sa likuran. “Thank you! Thank you! Nakakainis ka! Bakit di mo sinabi sa akin? Alam mo ba na halos mabaliw-baliw ako sa kaiisip na baka isang DOM ang nagbigay niyon?”

May talim sa mga mata nito nang lingunin siya. “Bakit ko naman sasabihin iyon? E di iisipin mo na may gusto pa rin ako sa iyo kahit na may boyfriend ka na. Baka awayin pa ako ng teacher na patay na patay sa iyo.”

Kinudlitan ng daliri niya ang pisngi nito. “Hindi ko siya boyfriend. Sinubukan ko naman siyang i-consider lalo na nang bumalik ka pero hindi na yata ako makaka-recover sa iyo.”

“And you really looked beautiful that day,” anito sa malumanay na boses. “Ano nga palang ginawa mo sa mga bigay ko sa iyo?”

“Itinabi ko ‘yung gown. Tuwing umaga yata tinititigan ko habang iniisip ko kung kailan magpapakilala sa akin ang nagbigay. And I still play the keyboard you gave me. I have some sort of connection to that keyboard. Parang hinahatak ang kaluluwa ko. Kapag doon ako tumutugtog, nai-inspire akong tumugtog at mag-compose. Siguro dahil alam ng puso ko na ikaw ang nagbigay niyon.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.