“THIS is really nice. A Malvar Valenciaga Building?” namamanghang usal ni Maki habang iniikot ang gusali na ipinatayo ni Benedikt sa isang liblib na paaralan sa Antequera, Bohol. It was a quaint elementary school with the backdrop of green hills. Tahimik na tahimik noon dahil walang mga estudyante.
“Ito ang huling ipinadisenyo na school building ni Papa bago siya mamatay. Nabanggit ko kasi na gusto mo na magkaroon ng sarili mong preschool. For some reason, ito ang design na ginawa niya. So I decided to name the school buildings after him. Ganito rin ang buildings na ipinatatayo niya. At nang makabawi na ang kompanya, naisip ko na ipagawa ang project na ito para sa mahihirap na community sa bansa.”
Kinintalan niya ng halik ang pisngi nito. “Salamat kasi kahit na para sa akin niya ginawa ito at galit ka sa akin, hindi mo itinapon ang ideya. You put it on good use to help others. I am so proud of you.”
“Hey! Hindi naman ito posible kundi dahil sa tulong ng ibang mga sponsors at ng mga mamamayan din dito. May mga magulang at kapatid o kamag-anak ng mga estudyante na tumutulong din sa pagtatayo nito. Involved ang community dito at doon mo makikita ang pagnanais nila na magkaroon ng magandang silid-aralan ang mga estudyante dito.”
“Sana makasama ako sa activity na tulad nito,” nausal niya.
“Bakit naman hindi? I am planning to build some in school buildings in La Reina.”
“Gusto ko iyan,” excited niyang sabi pero nawala rin ang ngiti sa labi niya nang maalala na babalik sila sa pagiging halos estranghero sa isa’t isa. Hindi na sila makakapagtawanan gaya nito o maghahawak ng kamay kapag naglalakad. Ang mayroon lang siya nang mga panahong iyon ay ang alaala nito at ang kahilingan na mangyari ulit araw na ito.
“Hindi na kalayuan dito ang kuweba. Plano pa lang namin itong buksan sa publiko,” paliwanag ng guide nilang si Ikeng.
Malinis na ang daan patungo sa kuweba bagamat may nagtataasang kawayan at mga damuhan sa magkabilang gilid ng daan. Nakaka-relax ang lugar na iyon dahil sa huni ng mga ibon at mga insekto.
“Ang Bohol po ay mistulang Swiss cheese ayon sa mga eksperto,” paliwanag ni Ikeng. Sa ibabaw po ay puro white sand beaches ang makikita natin at ang sikat na Chocolate Hills pero sa ilalim ay mga underground cave. Milyon-milyong taon na ang nakakaraan nang mabuo po ang Bohol sa ilalim ng dagat. Kaya nga po Bohol ang tawag dito dahil ang ibig sabihin ng “boho” sa Bisaya ay butas. May one thousand-four hundred po tayong mga kuweba sa buong Bohol. At isa po ito sa dine-develop namin ngayon para maging tourist attraction. Malaki po ang ginagampanan ng mga kuweba sa kasaysayan ng Bohol. Noong sinaunang panahon po ay ito ang tahanan ng mga sinaunang tao at naging libingan din nila. At noong panahon ng giyera ay dito nagtatago ang mga gerilya. Gaya na lang ng Dagohoy Revolt. Dahil alam niya ang terrain ay nagagawa niyang maglaho sa mga kuweba nang di nalalaman ng mga Kastila. Iyon po ang isa sa mga dahilan kung bakit tumagal nang walumpung taon ang Paghihimagsik ni Dagohoy at ipinagmamalaki po naming Bohol-anon.”
Di nagtagal ay humantong sila sa paanan ng isang burol. May maliit na guwang iyon na sa palagay niya ay may isang metro ang lapad at ang taas.
“Heto na po ang kuweba,” anang si Ikeng.
“D-Diyan tayo papasok?” tanong ni Maki.
“Opo. Pero maluwag po iyan sa loob at may bukal din po na pinupuntahan ang mga residente. Ang iba po ay umiigib ng tubig at ang iba naman po ay dito naliligo. Kailangan lang pong gumapang papasok pero maluwag na po iyan sa loob.”
“Let’s go,” anang si Benedikt at hinawakan siya sa siko.
Hindi niya hilig ang kuweba at ang madidilim na lugar. Hindi pa rin naman niya nasusubukan. Pero dahil sa pag-alalay ni Benedikt ay nawala ang takot niya.
Sinuutan sila ni Ikeng ng helmet. Nasa likuran lang nila nakasunod ang principal at ang iba pang guro na sumama sa kanilang mamasyal bilang pasasalamat. Nakauklo sila papasok ng kuweba at dahil masakit sa likod ay mas madali na gumapang na lang. Inaasahan niya na di siya makakahinga pagpasok sa loob. Nakaka-claustrophobia kasi ang maliit na lagusan. Pero nang makapasok na sila sa loob ng kuweba at nagawa nang tumayo ay namangha siya dahil malawak pala ang loob at malamig. Naaliw siya sa pagkislap ng mga mala-kristal na formation ng bato tuwing natatamaan ng liwanag.
“Parang malaking kalabasa,” aliw na aliw niyang usal nang ituro ang isa sa rock formation. “O! Parang upo naman ang nasa kabila.”
Nilapitan ni Benedikt ang isa sa mga bato. “May kabibe sa mga bato.”
“Normal na pong makakita ng fossils dito. Mga bagay na di natin aakalaing makakarating sa inland at sa dagat lang makikita gaya ng mga corals at mga clams. Patunay po iyan na noong unang panahon ay nasa ilalim ito ng dagat at naiangat na lang dahil sa pwersa ng kalikasan. Sa ganoon din pong paraan nabuo ang Chocolate Hills.”
Namayani ang pagiging guro at ang pagnanais na magkaroon ng kaalaman sa puso niya kaya naman naging interesado siyang makinig. Nalibang din siya sa panghuhula kung anu-ano ang kahalintulad ng mga rock formation.
Nagulat na lang siya nang may humagibis na limang mga bata edad bandang tatlo hanggang sampung taon sa tabi niya. “Mga bata, huwag kayong magtakbuhan dito,” sabi ni Ikeng. “Dahan-dahan lang dahil baka madulas kayo.”
“Hindi po iyan. Kabisado na po namin itong kuweba,” sabi ng pinakamatanda na ngumisi pa sa direksiyon nila.
“Hala! Ginawa na nilang playground itong kuweba,” nausal ni Maki at kinabahan para sa mga batang iyon na di alintana ang dilim. May dala lang na flashlight ang mga ito. “Ayos lang ba sila?”
“Sa palagay ko naman po, Ma’am. Tagarito lang po ang mga batang iyan. Mga estudyante din namin,” sabi ni Mr. Esteves. “Makikita din po ninyo ang bukal sa dulo nito. Naniniwala sila na nakakagaling ang tubig sa bukal na ito at nagagamit sa panggagamot. Sinuri na iyan ng mga health official at isa pa sa misteryo ay pwedeng inumin ang tubig dito at di mataas ang mineral content.”
Nang makarating sila sa bukal ay saglit din siyang nagbabad ng paa sa tubig habang ang mga bata naman ay naliligo sa mistulang natural pool doon. Di nagtagal ay nagyaya na ring bumalik sa taas si Mr. Esteves para makapananghalian sila sa bahay nito.
“Mga bata, huwag na rin kayong magtagal dito,” anang si Mr. Esteves.
“Opo,” sabay-sabay na sagot ng mga ito sabay talon sa tubig.
Nasa kalagitnaan na sila ng kuweba nang magsimulang yumanig ang lupa. Lumakas ang kabog ng dibdib niya at nagkatinginan sila ni Benedikt. “Lumilindol!” wika nito at kanya-kanya silang takbo palabas ng kuweba.
Sa likuran nila ay nakita na rin nilang tumatakbo ang mga bata. Nag-iiyakan ang mga ito. Natigilan siya nang makitang nadapa ang pinakamaliit sa mga ito at mukhang di na napansin ng mga kasama nito dahil sa kamamadaling iligtas ang sariling buhay ng mga ito.
Pumihit si Maki pabalik para daluhan ang bata. “Maki, where the hell are you going?” tanong ng binata sa kanya. “Kailangan nating makalabas dito.”
“Ang bata,” aniya at pilit na tinatagan ang binti sa kabila ng malakas na pagyanig ng lupa. “Hindi ko siya pwedeng iwan.”
Dinaluhan niya ang bata at pilit na itinayo. Patuloy lang ito sa pag-iyak at nakita niya ang malaking sugat sa paa nito. “Ako na ang bahala sa kanya,” anang si Benedikt na kasunod lang niya at ibinigay sa kanya ang flashlight. “Lead the way.”
Hindi naging madali ang tumakbo palabas ng kuweba dahil patuloy pa rin ang pag-uga ng lupa. Nagsisimula na ring maglalaglagan ang mga bato sa ulunan nila. Maya maya pa ay nakita na nila ang lagusan ng kuweba. Malapit doon ay kumakaway na ang guide nila. “Ma’am, Sir, bilisan po ninyo,” sabi ni Ikeng. Sila na lang ang naiiwan sa loob.
Nanlaki ang mata niya nang makarinig siya ng malakas na dagundong. Malalaking tipak ng bato at lupa ang bumagsak sa lagusan. Yumuko sila nila Benedikt at si Ikeng ay napatakbo pabalik sa kanila. Tumigil sa pagtibok ang puso niya nang makita ang guho ng lupa at bato. Naglaho na ang lagusan.
“We are trapped,” narinig niyang usal ni Benedikt.