12 Gifts of Christmas- Kissing the Christmas Killer Chapter 12

“MA’AM, discounted po ang iPhone 6 namin. Christmas sale po. Bilhin na po ninyo. Bagay po sa inyo ang ganyan kagandang phone.”

Nagningning ang mga mata ni Ashley nang ilapag ng sales staff ang cellphone sa harap niya. Katatapos lang nilang makuha ang remittance niya sa Western Union mula kay Cara. Tindahan agad ng cellphone ang pinuntahan niya para wala na itong rason para bulabugin pa si Robinson.

Napansin niyang nakataas ang kilay ng binata sa kanya. “What?”

“Huwag mong sabihin na bibilhin mo ang phone na iyan? Magkano na lang ang matitira sa remittance mo. One thousand five hundred dollars lang iyon,” paalala nito. “At dadating na rin ang kapalit ng nawala mong iPhone sa isang linggo. Hindi na praktikal kung bibili ka pa ng bago.”

“Sa iPhone lang ako sanay.”

“Madami ka pang pwedeng paggamitan ng perang matitipid mo. Mag-aasikaso ka pa ng emergency passport sa DFA.”

“Fine,” aniya at napilitang bumili ng ibang mas murang smartphone. May katwiran naman ang binata. Hindi siya pwedeng umutang na naman sa kaibigan dahil may iba din itong gastusin. Napansin niya ang lumang phone ng binata na analogue pa ata at normal keypad pa ang gamit. “Seriously? Nokia 3310? You need a new phone. Antique na iyang phone mo.”

“Antique man ito, nagagamit naman ito,” pagmamalaki ng binata.

“Yeah, right! Pwedeng pamato sa piko.”

“Ininsulto mo ba ang phone ko? Matibay ito at pamana pa sa akin ng tatay ko nang mamatay siya. Bakit naman bibili ako ng bago kung nagagamit ko naman ito pantawag at pan-text?”

“Dahil may internet na ang smartphones, music player at camera. Pumili ka na diyan ng gusto mo,” nausal niya. Malamang ay wala itong pambili ng bagong cellphone kaya luma pa rin ang gamit nito.

“Bibigyan mo ako ng cellphone? Hindi ako papayag na ibili mo ako niyan.”

“It is a gift. Gamitin mo man o hindi, bahala ka. Basta pamasko ko iyan sa iyo.”

“Hindi naman iyan ang kailangan kong Pamasko.”

“Ano?”

“Gusto kong ngumiti ka lagi.”

Natigagal siya. “W-What?”

“Ngiti lang. Mula nang makilala kita, wala ka nang ginawa kundi sumimangot. Tingnan mo nga ang paligid mo. Masaya ang lahat dahil magpa-Pasko. Ikaw lang ang parang laging galit sa mundo.”

“Sino bang hindi iinit ang ulo sa nangyari sa akin? Sige nga. Parang malas na malas ako. Wala nang magandang nangyari sa akin mula nang dumating ako sa Pilipinas.”

“Hindi ba may maganda namang nangyari sa iyo. Nandito ako para sa iyo.”

“Ano? Ikaw?” tanong niya. Anong ibig nitong sabihin? Is that suppose to be a come-on? Dumidiskarte ba ito sa kanya? Some sort of pick up line?

“Nanakawan ka lang at nawalan ng pera pero hindi pa naman tapos ang buhay mo. Makakabawi ka pa rin at di ka nasaktan. Paano kung ibang magnanakaw diyan na pumapatay pa ng tao ang nakatiyempo sa iyo? Tapos nandito ako para tulungan ka. May mga mabubuting tao pa rin sa mundo. Marami pa ring magagandang bagay sa buhay at maraming biyaya na madalas di natin pinapansin gaya nang humihinga pa tayo sa bawat sandali dahil abala tayo sa mga negatibong bagay. Kung lagi mong iisipin ang mga di magandang nangyayari sa iyo, hindi mo makikita kung gaano kaganda ang mundo at ang buhay.”

Natigagal siya dito. “Wow! Napaka-positive naman ng pananaw mo sa buhay. Like seriously? Ganyan ka talaga mag-isip sa araw-araw?”

Nakangiti itong tumango. “Mas masarap maging positibo kaysa negatibo. Hindi ka magiging masaya kung lagi mong iniisip ang di magandang nangyayari sa iyo o kaya lagi kang nakasimangot. Minsan kahit gaano karami ang pera mo pero mahal ang presyo ng ngiti mo, balewala din dahil di mo naa-appreciate ang mga importanteng bagay. Kaya ngumiti ka na at magpasalamat ka sa Diyos dahil may buhay ka pa. Marami pang magagandang bagay na mangyayari sa iyo. May mas mahalaga sa mamahaling gadgets at di iyon nabibili ng salapi. Kasing laki man ng barko ang problema at pagsubok na dumating sa iyo, kasing lawak naman ng dagat ang biyayang natanggap mo.”

Tahimik lang siya habang nakatitig sa cellphone sa harap. It was not up to her standard but who cares. Ang cellphone ay cellphone. As long as it serve its purpose for a week. Tumimo sa isip niya ang mga sinabi ni Robinson. Maging positibo sa buhay. Huwag maging negatibo. I-appreciate ang maliliit na bagay. Tama kaya ang lalaki na dapat ay masiyahan na siya kahit sa simpleng bagay lang?

She haven’t thought about it for a long time. Masyado kasi siyang focused sa malalaking bagay at sa end result. She gets frustrated when things don’t go her way. Lagi niyang iniisip kung paano iso-solve ang mga problema at hindi niya masyadong napapansin ang maliilit na tagumpay. She was an easy one to please. At kahit anong achievement ang makuha niya ay hindi pa rin sapat. She always wanted to aim higher. She always wanted the best.

“Sir, gusto po ba ninyong ako na lang ang kumuha ng picture ninyo ng girlfriend ninyo para makita ninyo ang quality ng picture?” alok sa kanila ng sales staff ng tindahan.

“Ah... Hindi naman niya ako

“Sure,” sabi ng binata. “Nakakaguwapo ba iyang camera ng cellphone ninyo?”

“Guwapo na kayo, Sir. Automatic na iyon,” kinikilig na sabi ng bading na staff. “Lapit pa po kayo ng konti para sweet.”

Bahagyang dumistansiya si Ashley. “H-Hindi naman siguro kailangang super lapit.” Tetestingin lang naman nila ang camera. Bakit kailangang sweet pa.

“Uyyy! Nahihiya pa si Ma’am. Sir, akbayan na ninyo ang girlfriend ninyo. Mas maganda kasi kung mas sweet,” utos ng sales staff.

“Ano...” alanganin niyang sabi.

Inakbayan siya ni Robinson. “Pagbigyan na natin. In the spirit of Christmas.”

“O...kay.” Spirit of Christmas. Spirit of Christmas. Ngumiti na lang si Ashley sa camera habang dumadagundong ang tibok ng puso niya. Hindi siya dapat na magpaapekto o mainis. Sandali lang ito at matatapos na rin.

Idinikit ni Robinson ang pisngi sa pisngi niya. Sobrang lapit ng mukha nito sa kanya. Di tuloy niya alam kung paanong aayusin ang ngiti niya. Bakit ba ganito ang nararamdaman niya sa lalaki? Nakadamit naman na ito. Di na niya ang abs. But he still has the power to distract her.

Abot-tainga ang ngiti ni Robinson nang makita ang kuha nila. “Aba! Ang guwapo ko nga dito. Saka mas gumanda ka dito.”

“Ganoon? Sinasabi mo ba na di ako photogenic?” tanong niya sa binata at umismid.

“Gumanda kayo lagi dahil nakangiti kayo. Bagay na bagay kayo, Sir, Ma’am,” anang staff. “Kukunin na po ba ninyo itong cellphone? Last stock na po namin ito.”

“Sige,” sabi naman niya.

“Hindi ko na buburahin ang picture, Ma’am,” anang staff. Maya maya pa ay inabot na nito ang item sa kanila. “Maligayang Pasko, Ma’am, Sir!”

“Maligayang Pasko,” bati rin ni Robinson.

“Maligayang Pasko!” bati rin niya at ngumiti.

Parang kakaiba ang banat ng mukha niya dahil sa pagngiti. Saka niya na-realize na hindi pala siya sanay ngumiti. Ayos naman pala dahil nakaka-exercise ng mukha. Mahal ang ngiti niya. Mas lagi siyang seryoso. Madalas kasi pakiramdam niya ay dapat niyang maging propesyunal at pino ang kilos. Masyado ding big deal sa kanya ang mga bagay-bagay. Di naman pala kailangang laging ganoon.

“May iba ka pa bang aasikasuhin ngayon? May iba ka pang gustong puntahan?” tanong sa kanya ng binata.

Umiling siya. “Sa condo lang.” Kinabukasan pa naman ang appointment niya sa US Embassy kaya baka magpahinga na lang siya. Dahil sa Apple laptop lang niya pwedeng i-access ang files kaya di rin siya makakapagtrabaho.

“Gusto mo bang sumama sa akin sa Greenhills?” tanong ng binata.

“Anong gagawin natin doon?”

“Gusto ko kasing manood ng Christmas show. Doon na kasi nila inilipat ang sa COD. Pangarap ko kasing mapanood iyon.”

“Pangarap mo?” tanong niya at bahagyang tumawa.

“Wag mo akong pagtawanan. Sa probinsiya namin artistahin ka na kapag nakapanood ka ng Christmas show ng COD. Kaya kahit matanda na ako, gusto ko pa ring panoorin iyon. Ngayon lang kasi ako napunta ng Disyembre dito sa Maynila.”

“Like seriously? Para ka talagang bata. Ang babaw ng kaligayahan mo,” naiiling na sabi ni Ashley. Parang di na bagay kay Robinson ang mga ganoong palabas.

“Sige nga. Kailan ang huling beses na naging bata tuwing Pasko?” tanong nito sa kanya. “Yung nagpunta ka sa theme park na pambata at nag-enjoy sa rides o nanood ng mga palabas na pambata man lang.”

Pumikit siya. “I can’t remember.”

“Di ka ba na-enjoy sa panoood ng mga Christmas lights o kaya magsabit ng palawit Christmas tree?”

Umiling siya. “Too busy for that. Paglabas ko ng opisina, wala na akong oras para diyan. Christmas is a busy time for me.” Kapag Pasko nga ay pumapasok siya ng opisina habang abala ang mga kasamahan niya na magbakasyon.

“Sumakay ng carousel? Mangaroling?”

Tumirik ang mga mata ni Ashley. “Walang ganoon sa Amerika. Kapag nasa Amerika ka, kailangan sulitin mo ang oras mo. Nang nag-aral ako, kailangan ko ring magtrabaho para makatulong. Di ako senyorita doon. At kapag may trabaho ka na, kailangang pagbutihan mo. Walang oras para maging bata o magliwaliw...”

“Anong nagpapasaya sa iyo? Mataas na posisyon sa kompanya? Mataas na sweldo? Bagong gadgets siguro.”

“Kahit naman sino, hindi ba? Marami akong goals sa buhay, Robinson. Kapag di ako kumilos, next thing I know my dreams are gone.”

“Wala ka sa Amerika ngayon. Hindi mo kailangang magtrabaho. Kung samahan mo kaya ako na maging bata muna?”

“Ano?” tanong niya at bahagyang natawa.

“Sandali lang naman iyon. Matagal na ang isang oras. Di naman tayo magtatagal. Pwede mo ba akong samahan sa Greenhills? Kung gusto mong makabawi sa akin, ito ang hihingin ko sa iyou. Samahan mo akong mag-enjoy.”

Tinanggihan nito ang cellphone at ang nais lang ng binata ay manood sila ng Christmas show. She should say no. Wala naman siyang mapapala doon. She must start calling the office and making arrangements regarding her files. Pero habang nakatitig sa mapupungay na mga mata ni Robinson na animo’y nagmamakaawa sa kanya, hindi niya ito magawang tanggihan.

“Fine! Fine! Sasamahan din kita. Just don’t make me do anything stupid. Okay?”

“Salamat!” anito at pinisil ang kamay niya. “Halika na para makahanap tayo ng magandang pwesto.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.