NAALIBADBARAN si Ashley sa sinasandalan niyang rehas sa Greenhills kung saan gaganapin ang Christmas presentation ng mall. She really hated places like this - mainit, walang maupuan at madaming tao. May mga bata nang nag-iiyakan di pa man nagsisimula ang palabas.
She didn’t know why she agreed to Robinson’s probinsiyano trip. Hindi naman na siya bata. Di niya kailangang tumanda nang paurong. She should be at the comfort of the condo now and... Alone. Again.
“Heto. Kain ka muna ng fishball at kikiam,” alok ng binata at inabot sa kanya ang paper plate.
“Saan mo binili?” tanong niya at ngumiwi.
“Doon sa fishball vendor sa likod. Heto. May palutong pa at chicharon. Saka bumili din ako ng sabaw ng buko.”
“I am fine with the buko juice.” kahit na di rin siya sigurado kung malinis ang pinanggalingan niyon, kaya niyang tiising inumin iyon.
“Walang ganito sa Amerika. Ikaw din. Minsan ka lang naman kakain,” sabi ng binata sa kanya at parang nang-aakit na ibinandera sa mukha niya ang fishball at kikiam. “Saka malinis naman iyan.”
“How sure are you?” nakataas ang kilay niyang tanong kahit pa parang naaakit na siya sa amoy ng pagkain. Bakit ba nakakahalina ang amoy ng street food? Parang inaanyayahan siyang magkasala gaya ni Robinson.
“Kailangan mo rin ng konting dumi sa katawan. Hindi gagana ang anti-bodies mo kung kailangang laging malinis. Minsan lang naman ito. Gusto mo subuan pa kita?” malambing nitong sabi. “Sige na.”
“Mama, Papa, nagde-date po sila?” tanong ng isang bata. “Magki-kiss po sila?”
Nahiya naman siya sa date na iyon. Pati bata ay nilalagyan ng malisya. Gusto sana niyang magpaliwanag pero para saan pa? Ano bang maiintindihan ng bata? Bakit naman kasi mapilit itong si Robinson?
“Ako na lang ang magsusubo sa sarili ko. Kaya ko naman.”
At kinuha niya ang fishball at kikiam dito. It was not so bad. Nakaka-miss din pala ang streetfood. Pero panalo talaga ang peanut sauce.
“Masarap, hindi ba?” tanong ni Robinson sa kanya. “Ubos mo na o!”
“Gutom lang ako at pinapagana ko ang anti-bodies ko.”
“Sabi mo eh!” anito at kumagat ng fishball.
Maya maya pa ay nagpalakpakan ang lahat nang pumailanlang na ang Himig Pasko na awitin. Pasko ng pamilyang Pilipino ang tema ng programa. Kung paanong nagsasama-sama ang pamila at nabubuo tuwing Pasko.
Pumikit na lang si Ashley at di maiwasang maalala ang huling beses na isinama siya ng magulang niya doon. She was fifteen that time. Masyado nang matanda para manood ng Christmas presentation pero nakasanayan na niya iyon mula pagkabata. Iyon ang huling Pasko na nagkasama-sama sila bago sila pumunta ng Amerika. Bago nagbago ang lahat sa buhay nila. Bago nawasak ang buhay niya. Bago niya makalimutan kung gaano kasaya ang maging bata.
“Oy! Bakit ka umiiyak?” tanong ni Robinson sa kanya.
“Ha? Umiiyak ako?” tanong ni Ashley at dumilat.
Hinaplos nito ang pisngi niya at may lungkot ang mga mata siyang pinagmasdan. Saka niya naramdaman na basa ang pisngi niya. “May problema ba?” tanong ng lalaki sa kanya at inabutan siya ng tissue.
“N-Naiiyak lang siguro ako dahil sa init,” aniya at ngumiwi. “M-Madami kasing tao dito.”
“Hindi nga aircon dito sa labas. Pero papaypayan na lang kita,” sabi nito at inilabas ang mga flyer ng iba’t ibang model ng cellphone na ibinigay dito sa tindahan saka ipinaypay sa kanya. “Sabihin mo lang sa akin kung lalakasan ko pa ha?”
Natawa na lang siya. Those were good memories. Naiiyak siya dahil masaya siya. Masaya siya na minsan ay nagkaroon siya ng buong pamilya. Na kahit na simplep ang buhay, nagiging masaya silang mag-anak. Sabay-sabay silang nagdiriwang ng Pasko. Sabay-sabay silang nananalangin na matupad ang pangarap nila. Katulad ng mga pamilya na nasa palabas na puno ng pag-asa at pagmamahalan.
“Ang ganda pa rin ng show na ito,” nakangiting sabi ni Ashley nang pauwi na sila ni Robinson. “Sigurado ako na maraming mas magagandang palabas sa mundo, mas magagarbo ang effects at mas pinagkagastusan. Pero iba pa rin pala ang pakiramdam na nakikita ang mga bagay na kinalakhan mo noong bata ka pa.”
Akala niya ay di na siya maaapektuhan. Akala niya ay wala na siyang pakialam. Nakalimutan na niya ang mga bagay na iyon. Nang masira ang pamilya at naghiwalay ang magulang niya sa mismong araw ng Pasko, she learned to look forward and move on. Ayaw na niyang alalahanin ang nakaraan kahit na masaya pa dahil alam niyang di na babalik pa iyon. Matagal na siyang di nagbabalik-tanaw sa nakaraan. Matagal na. It was bittersweet.
“Masaya namang balikan ang nakaraan,” sabi ng binata.
“May masaya sa nakaraan. May malungkot. Minsan ayaw ko nang maaalala ang masayang pangyayari dahil kasunod niyon ang lungkot.”
“Hindi mo kailangang malungkot sa mga bagay na nawala. Maaring nagbabago ang mga bagay pero pwede mo pa ring alalahanin na minsan naging masaya ka at may nagpangiti sa iyo. Naalala mo ang sinabi ko na dapat huwag mong isipin ang negatibo at lagi kang ngingiti?” paalala ni Robinson sa kanya.
Tumango si Ashley. “Yes. I got it. Be positive.”
“At laging ngingiti. Nasaan ang ngiti mo?”
Natawa siya. “Kailangan talagang may attendance ang ngiti mo.”
“Dahil gusto ko lagi kang masaya. Salamat kasi di mo ako hinayaang mag-isa. Malungkot kasi na manood mag-isa.”
“Hindi. Salamat dahil isinama mo ako.”
“Hindi ka naiinis sa akin dahil pinilit kitang sumama?”
“No. I enjoyed it. Thanks, Robinson,” aniya at kinintalan ito ng halik sa pisngi. “Papasok na ako sa kuwarto ko.”
Hindi maalis ang ngiti sa labi niya matapos ang halik na iyon. Well, it was not so bad. Nakaka-good vibes ang araw na iyon. Sana lang maulit pa na magkasama ulit sila ni Robinson na lumabas. Kahit samahan pa niya itong manood ng Christmas show sa Greenhills araw-araw.
“ANO na? Kanina pa ako tumatawag mula nang ipadala mo ang bagong number mo. Tapos di mo pa rin sinasagot ang tawag ko. Saan ka nanggaling? Anong ginawa mo?” sunud-sunod na tanong ni Cara nang sa wakas ay mag-return call dito si Ashley. Pagpasok niya sa guestroom ay saka lang niya nai-check ang cellphone at doon nakita ang missed call ng kaibigan. Sa Skype sila nag-usap.
“Sorry. Nanood lang ng Christmas presentation sa Greenhills. Doon na nalipat ‘yung palabas sa COD dati,” paliwanag niya at kinalas ang butones ng blouse niya.
“Nanonood ka ng ganoon? Ang baduy mo!”