12 Gifts of Christmas- Kissing the Christmas Killer Chapter 26

HUMAGIKGIK si Ashley nang tingnan ang boxer shorts na nabili niya sa booth. Sa restroom siya nagpunta para ayusin ang pinamili at di makita ni Robinson. Iba’t ibang anime characters ang design niyon at ine-export pa daw ng isang RTW shop sa bayan. Iyon ang napili niyang iregalo kay Robinson para sa kapaskuhan. Palihim niyang binili

Nalibang siyang mamili dahil magaganda ang mga produktong lokal. Nakatipid pa siya dahil nang malamang nobya siya ni Robinson ay binibigyan siya ng discount. Mababait ang mga tao doon at nagtuturingan na parang magkakapamilya. Marami na ring kaibigan ni Robinson ang nagyaya na dalawin nila sa Pasko.

Palabas na ng cubicle ay nakaabang na si Lhala. Nakahalukipkip ito habang nakasandal sa dingding sa tabing wash basin. Hindi na lang sana niya ito papansinin pero naisip niya na kailangan ay maging friendly siya sa lahat. N

ginitian niya ito pero pasugod siya nitong nilapitan. “Anong sinabi mo sa boyfriend ko? Mukhang seryoso ang pinag-uusapan ninyo.”

“Nothing. Just about artworks and the works of local artists. Naitanong ko lang kung inalok niya si Robinson,” kaswal niyang sabi. Marahil ay may nakapagsabi na kinausap siya ng boyfriend nitong babaero.

“Hindi ako naniniwala sa iyo,” anito at pinandilatan siya.

Nagkibit-balikat siya. “Siya ang lumapit sa akin at nakipag-usap.”

“Nagpapansin ka siguro?

Natawa siya. “Ako? Why would I do that?”

“Lahat ng babae iyon ang ginagawa. Gusto nilang makuha si Rogel. Pero sa huli, ako pa rin ang pinili ni Rogel.” Hinaklit nito ang braso niya. “Hindi mo siya maaagaw sa akin. Kahit na taga-Amerika ka pa o taga-Mars, akin pa rin siya. Alalahanin mo na ang boyfriend mo ngayon ay basura lang dahil binasted ko siya. Ibig sabihin ‘yung reject na lang ang napunta sa iyo.”

Gusto niya itong tarayan at ngirngiran. Hindi siya naiinis na pinagbintangan siya nitong nagpapapansin sa boyfriend nitong daig pa ang typhoon signal number four sa yabang. Naiinis siya sa pangmamaliit na naman nito kay Robinson. Pero alam niyang di siya mananalo sa babaeng ito. Ashley knew how bitches like her works. Baka mamaya ay siya pa ang baligtarin nito at magpaawa kapag pinatulan niya.

“Pakibitawan ako, Miss,” aniya sa kalmadong boses. “Mabilis kasi na magpasa ang balat ko. Tiyak na mag-aalala sila Robinson. Ayaw mo naman sigurong makita ang fingerprints mo sa balat ko na may pasa, hindi ba? At walang magagawa ang boyfriend mong anak ng mayor para protektahan ka dahil may kamag-anak ako sa Supreme Court.”

Binitiwan siya bigla ng babae. Gulatan lang pala ang gusto nito. “Kung hindi ka masaya sa boyfriend mong basura, layaun mo ang boyfriend ko.”

“Miss, madami akong tinanggihan na hamak mas guwapo at kayang bilhin ang kaluluwa ng boyfriend mo sa sobrang yaman. Ngayon ko pa ba naman ipagpapalit si Robinson? Thank you dahil sa pagtratong basura sa boyfriend ko. Salamat dahil binasted mo siya,” malambing niyang sabi at pinunasan ng tissue ang kamay.

“N-Nagpapasalamat ka?” nakatigagal na usal ng babae.

Tumango si Ashley. “Oo. Kundi dahil sa iyo, hindi magiging kami ngayon. Hindi siya makakahanap ng babae na mamahalin siya kung ano siya at hindi dahil sa mayaman siya o mapera siya. Salamat dahil nakahanap ako ng lalaki na may mabuting puso at marespeto. At alam ko na ako lang ang babaeng gusto niya habang ako ang girlfriend niya. Di siya titingin sa ibang babae di tulad ng ibang lalaki diyan,” makahulugan niyang sabi. “Mabuti pa balikan mo na ang boyfriend mo. Kasi hindi naman ako ang dapat mong bantayan o pagbantaan.”

“Di pa tayo tapos,” ngitngit ng babae para siguro di lang mapahiya.

“Tapos na tayo. Babalik na ako sa boyfriend ko,” masaya niyang sabi at kumaway pa dito.

Nang bumalik siya ay umupo siya sa tabi ni Robinson. “Nanalo na ba si Nanay Talia?” Ayaw niyang makahalata ito na may kakaibang nangyari nang mawala siya.

“Hindi pa nga,” sabi ng binata na abala naman sa pag-aalis ng tupi ng bingo cards. Ito ang assistant ni Nanay Talia.

“Maglaro din kayo sa susunod na bolahan. Maswerte daw ang mga magnobyo sa taong ito,” sabi ni Nanay Talia at kinawayan ang tagabenta ng Bingo cards.

Magkatulong sila ni Robinson na punuin ang bingo cards. Lumabas sa projector kung anu-anong numero na ang tatamaan. Letrang-L ang kailangan nilang punuin para manalo ng Christmas package. Naaliw si Ashley nang makitang unti-unti nang napupuno ang bingo card nila. Di naman iyon mahirap laruin dahil kailangan mo lang markahan ang mga numero at tingnan ang pattern.

“Puro na tayo,” sabi ni Robinson.

“Ano ‘yung puro?”

“Isa na lang bi-bingo na tayo,” anang binata.

“Sa Letrang B!” anunsiyo ng tagabola.

“Fourteen!” sigaw nilang dalawa ni Robinson sabay tayo.

“Valentine’s Day! Mag-sweetheart!”

“Bingo!” sigaw nito ni Robinson sabay taas ng dalawang kamay.

“Eeeeee! Bingo tayo!” At niyakap niya si nang mahigpit Robinson na parang nanalo sila sa lotto at di isang grocery package lang.

“Ayun! Naka-bingo ang anak ni Kumareng Talia,” tatawa-tawang sabi ng isa sa mga kaibigan ng nanay ni Robinson.

“SAYANG. Iyong sampung libo na major prize sana ang napanalunan natin. Puro na ako kanina,” nanghihinayang na sabi ni Nanay Talia nang palabas na sila ng plaza.

“Okay lang po. May pang-spaghetti na tayo at may ham pa. Nanalo pa rin po tayo,” sabi ni Ashley at inakbayan ang matandang babae na halatang dismayado.

“Oo nga, Nanay. Maganda po ang Pasko natin dahil nakasingil ako sa upa sa lupa. Nakabayad pa sila sa dati nilang utang dahil maganda ang ani. Nabili pa ang paintings ko. Maganda na po ang Pasko natin at may maidadagdag sa ipon natin,” anang si Robinson.

Pasakay na sila sa truck nang isang babaeng di nalalayo sa edad niya ang lumapit sa kanila. Mukha naman itong disente at naalala niya na nakasunod ito sa anak ng mayor na si Rogel kanina. “Ma’am, ako po ang personal assistant ni Sir Rogel. Iniimbitahan daw po niya kayo sa party bukas para sa bisperas ng Pasko.”

“Ako lang?” nakataas ang kilay niyang sabi.

“Ah eh pwede naman po sigurong isama ang iba,” alanganing sabi ng babae. “Kung gusto po ng iba na sumama.”

“Maganda na naman siguro at magarbo ang party ni Mayor. Tiyak na magaganda na naman ang fireworks,” sabi ni Nanay Talia.

“Gusto po ba ninyong sumama, Nanay?” tanong ni Ashley.

Umiling ang matandang babae. “Alam mo, sanay naman ako sa simpleng salo-salo lang. Basta buo kaming mga anak ko kapag nagsimba sa Pasko at nagdiwang.”

“Ikaw, gusto mo bang sumama sa party? Pwede kitang samahan kung gusto mo,” sabi ni Robinson.

Isang mabait na ngiti ang ibinigay niya sa PA ni Rogel. “Thanks for the invitation but we have a family celebration. Gusto kong makasama ang pamilya ng boyfriend ko. Ito ang unang Pasko ko kasama sila.”

Isang tarheta ang inabot ng babae. “Tawagan lang po ninyo si Sir Rogel kapag nagbago ang isip ninyo.”

Itinabi lang niya ang tarheta sa bag niya pero plano din niyang itapon iyon kapag nakauwi na sa bahay. Wala siyang planong gamitin iyon lalo na’t alam niyang may ibang intensiyon si Rogel. Hindi niya kaya ang kayabangan ng lalaki.

“O! Ayaw mo bang sumama sa imbitasyon sa iyo sa party?” tanong ni Robinson nang makauwi na sila at umiinom ng gatas sa harap ng Christmas tree.

“No,” matipid niyang sagot.

“Masaya ang mga party niya. Pili lang ang iniimbitahan doon. Baka kasi nabubugnot ka na sa baryo,” nag-aalalang sabi ng binata.

“Nasabi ko ba sa iyo na wala akong hilig sa parties? Noong nasa New York ako, kailangan pa akong kaladkarin at i-blackmail ni Cara para lang sumama ako sa na lumabas. Kung ngayon nasa Amerika ako, baka nakasubsob ako sa trabaho.”

“Kahit na holiday at magpa-Pasko?” gulat na tanong ng binata.

“Lalo na kapag holiday. Iyon na lang ang pagkakataon para makapagtrabaho ako nang tahimik at mag-isa sa opisina. Habang ang iba nagtatrabaho at nagpapakasaya sa bakasyon nila, nagtatrabaho ako.”

Naningkit ang mata ng binata. Sa palagay niya ay di nito alam kung malulungkot o maaawa sa kanya. “Anong ginagawa mo sa sarili mo? Puro ka na lang trabaho? Wala ka bang libangan? Anong nagpapasaya sa iyo?”

“Sa trabaho umiikot ang buhay ko. Kailangan iyon kapag nasa Amerika ka lalo na sa city gaya ng New York. You must work hard if you want to survive.”

“Paano ang pamilya mo?”

Nilingon niya ito. “Trabaho na lang ang naiwan sa akin mula nang magwatak ang pamilya ko. I thrive in it. Doon ko nararamdaman na buo ako.” Masakit sa kanyang aminin ito kay Robinson dahil ayaw niyang makaramdam ito ng awa sa kanya. Alam niyang di normal ang buhay niya. “I know you think I am weird.”

“Naiintidihan ko. Ang trabaho mo ang pumupuno sa kalungkutan mo. Hindi weird iyon. Kanya-kanya tayong paraan sa paghahanap ng mga bagay na magpapasaya sa atin o magtatakip ng lungkot natin. I am an artist. Sensitibo ako sa emosyon kaya sensitibo din ako sa nararamdaman ng ibang tao.”

“Thanks. I really appreciate it.”

“Nami-miss mo ba ang trabaho mo habang nandito ka?”

“Not really. Masarap din palang magbakasyon,” anito at inunat ang mga kamay. “Masarap ding sumubok ng bagong bagay at makakilala ng bagong tao. At pagbalik ko sa Amerika, babalik na naman ako sa normal na buhay. Di na ako makakapunta sa bukid, makakapamasyal, manguguha at itlog mula sa pugad.”

“Hahabulin ng itik,” tatawa-tawang sabi ng binata.

Natawa si Ashley. “Yeah. At wala nang...”

Wala na doon si Robinson at ang pamilya nito. Wala nang mag-aalaga sa kanya gaya ng pag-aalaga ni Nanay Talia bilang ina. Wala nang mga bata na mag-e-encourage sa kanya para gumawa ng katawa-tawang mga bagay at mangungulit sa kanya. Higit sa lahat, wala nang Robinson na aalalay sa kanya at magsasabing ayos lang ang lahat. Magiging dormant na naman ang kilig sa katawan niya. Mistula na naman siyang zombie na humihinga at nagtatrabaho pero para saan?

“At walang ano?” untag ni Robinson sa kanya.

“Masarap na luto ng nanay mo. Pwede ko ba siyang ampunin at dalhin sa New York?” palusot niya.

Sumimangot ito. “Ayoko. Hindi ko ipamimigay ang Nanay ko.”

Ikaw? Pwede bang akin ka na lang? Ngayon pa lang ay nakakadama na siya ng kakulangan at kahungkagan sa buhay niya dahil mawawala ito. Wala nang dahilan para maging masaya. Wala nang dahilan para kiligin. Only Robinson could make her happy with simple things.

“Gusto ko lang maging masaya habang nandito ako. Gusto kong maramdaman na may pamilya ako na buo. Kahit ngayon lang,” sabi niya sa binata.

“Wag kang mag-alala. Titiyakin ko na hindi mawawala sa iyo ang pakiramdam na may pamilya ka kahit umalis ka pa dito at bumalik sa New York”

“Promise?”

Itinaas ng binata ang kamay. “Promise.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.