“NASAAN na ba si Robinson? Magsisimba na tayo. Ayokong mahuli sa misa,” sabi ni Ate Marjorie, ang nakatatandang kapatid ni Robinson nang palabas na sila ng bahay at pasakay sa sasakyan ng binata. Bisperas na noon ng Pasko kaya excited silang lahat lalo na ang mga bata dahil gusto na daw mabuksan ng mga ito ang regalo na nasa ilalim ng Christmas tree.
“Hindi nga tumulong sa atin na magluto. Sabi niya may importante daw siyang gagawin,” anang si Jonnelyn. Abala sila sa paghahanda ng pagkaing pagsasaluhan para sa noche buena kaya di niya gaanong napansin.
“Ano pa ba ang importante niyang gagawin?” tanong ni Nanay Talia. “Malamang kinalabit na naman siya ng muse niya.”
“Kinalabit ng muse?” tanong ni Ashley. Sinong muse? Bukod ba sa kay Lhala ay may iba pang babaeng umaaligid dito at kumukuha sa atensiyon nito?
“Iyon ang tawag niya kapag bigla siyang na-inspire sa pagpipinta. Di niya pwedeng ipagpaliban dahil baka mawala. Kaya tiyak kong nagkukulong siya sa kubo at baka nakalimutan na ang oras,” paliwanag ni Nanay Talia.
“Naku! Baka nga po nakalimot na naman si Robinson. Anong oras na?” naiinip na sabi ni Arnold, ang asawa ni Marjorie.
“Ako na po ang tatawag sa kanya,” prinsinta ni Ashley at nagtungo sa kubo ng binata. Tinawag niya ang binata habang umaakyat ng hagdan. “Robinson! Robinson!”
Walang sagot mula sa binata kaya binuksan niya pinto pero nakasara. Napilitan siyang sumilip sa bintana at sinilip niya ang papag dahil baka nakatulog ito sa pagod. Nang makitang walang tao ay nakuha ng easel ang atensiyon niya. Mula sa ilaw sa balkonahe ng kubo ay naaninag niya ang canvass na may nakapintang mukha ng isang babae. Iyon siguro ang proyekto ng binata na kumukuha ng atensiyon nito. Sumasal ang dibdib niya. Sino kaya ang ipinipinta nito at nakalimutan nito ang oras?
Pilit niyang inaaninag kung sino ang nakapinta sa canvass nang biglang tinawag siya ni Robinson. “Ashley, nandito ako,” anitong nasa baba ng hagdan.
Bigla siyang lumingon dito at napapitlag nang makitang nakabihis na ang binata. Animo’y nahuli siya nito na may ginagawang di dapat. “O! Sinundo na kita dahil kanina ka pa hinihintay. Akala ko nakatulog ka na.”
“Nagkasalisi lang tayo. Sa kabila ako dumaan,” sabi ng binata at inalok ang siko sa kanya. “Let’s go?”
Kumapit siya sa braso nito pero nilingon niya ang kubo. Naglalaro sa isip niya kung sino ang babae sa painting ng lalaki. Gusto niyang itanong dito kung si Lhala ba ang ipininta nito. Kung ibibigay ba nito sa babae ang regalo kahit na ang alam ng lahat ay magnobya sila. Baka isipin ni Lhala na ito pa rin ang gusto ni Robinson at lalaki na naman ang ulo ng babae. Masasayang lang ang effort niya na iangat ang reputasyon ng binata mula sa pangmamata ng babae.
Di madaling sabihin kay Robinson na masakit iyon sa kanya kahit na nagpapanggap lang siyang nobya nito. Di niya ito mapipigilan kung gusto nitong bigyan ng regalo si Lhala dahil ang babae talaga ang gusto nito. Pero masakit pa rin kahit nagpapanggap lang sila. Masakit sa pride. Masakit sa puso.
Bumuntong-hininga si Ashley. Ano bang nasuutan kong sitwasyon? Sa kagustuhan kong protektahan si Robinson mula kay Lhala, parang kumuha lang ako ng martilyo na pandurog sa puso ko.
“Bakit ka napapabuntong-hininga? Anong iniisip mo?” tanong ng binata.
Umiling siya. “Wala. Naiisip ko lang ‘yung mga regalong ipinadala ko kung natanggap na nila Cara. Di kasi makapasok ang tawag ko.”
“Oo nga. Maraming tumatawag ngayon kaya may traffic ang network,” sabi ng binata. “Huwag kang mag-alala. Baka makapasok na ang tawag mo bukas at dadalhin kita sa area na malakas ang internet.”
Nagpasalamat siya kahit na mabigat pa rin ang loob niya. She hated this feeling. Christmas was supposed to be a happy occasion. Nakaka-distract sa kanya ang alalahanin niya sa painting na ginagawa ni Robinson.
Idinadaan na lang niya sa panalangin ang dilemma niya. Sana ay di naman agad ibigay ni Robinson ang regalo nito kay Lhala habang naroon pa siya. Lalo lang bababa ang tingin ni Lhala dito. Ano pang matitirang respeto ng babae kay Robinson at tatapak-tapakan na naman ng bruhita ang pride nito. Lalong lalaki ang ulo ng babae. Back to zero na naman si Robinson.
Sana ay maghintay ang binata hanggang Bagong Taon kung kailan wala na siya sa bago ibigay ang painting kay Lhala. Kung magpakatanga man ito sa pag-ibig, huwag sa nakikita niya. Ayaw na niyang makikitang nasasaktan ito o nagmumukhang tanga. Parang sinasaksak din ang puso niya.
“Maligayang Pasko!” batian ng bawat isa nang makauwi na.
Hindi siya halos makahinga sa higpit ng yakap ng mga ito sa kanya. Iyon siguro ang pinakamaraming yakap na natanggap niya sa pagdiriwang ng Pasko mula nang pumunta siya sa Amerika. Di siya nagkukulong sa opisina lang o nagmumukmok sa bahay. She had a family once more.
Excited niyang pinanood kung paanong buksan isa-isa ng mga tao ang regalo ng bawat isa. Siya din ay may regalo mula sa panyo at ipit na mula sa dalawang bata, romance novel ng paboritong author ni Jonnelyn hanggang sa lengua de gato mula sa Baguio mula sa kapatid ni Robinson.
“Salamat, Ashley. Ito ang gusto ko na pranela sa plaza,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Nanay Talia.
“Alam ko po na bagay iyan sa inyo,” sabi niya at inayos ang shawl sa leeg nito.
“Ang sosyal naman ni Mother,” wika ni Jonnelyn. “Pwede nang mag-New York kapag ikinasal si Kuya.”
“Kahit dalhin na niya ang kuya mo sa New York. Ipapamigay ko na,” sabi ni Nanay Talia.
“Nanay, pranela lang pala ang suhol sa inyo,” biro ng bayaw ni Robinson na si Arnold. “Ang lakas mo talaga kay Nanay, Ashley.”
“Itinanan mo kasi ako. Paanong masusuhulan mo si Nanay,” sabi ni Marjorie.
“Libro na naman?”angal ni Duncan nang makita ang librong bigay niya.
“Ano naman ang masama sa libro na ito?” tanong ni Robinson. “How the Earth Was Made. Maganda ito. Mabuti nga may ganitong libro ka. Noong bata kami, warat-warat mga libro namin pero tinitiyaga namin na basahin.”
“Ako po gusto ko ng book,” sabi ni Aleli. “May snow po kasi.” At inangat ng bata ang Frozen na libro. “Para po sa inyo.” At inabot ni Aleli ang card sa kanya.
“Wow! Thank you!” At niyakap niya ang bata.
“Robinson, anong regalo sa iyo ni Ashley?” tanong ni Nanay Talia. “Buksan mo na.”
“Ano ba ito?” tanong ng binata at inalog pa ang kahon saka pinakinggan.
Nanlaki ang mata niya nang maalala kung anong regalo niya sa binata. Pinigilan niya ang kamay nito. “Uhmmm... Pwede bang huwag mo na munang buksan.”
“Ate, ngayon na natin buksan. Gusto ko ring makita,” ungot ni Jonnelyn.
“Malamang imported iyan,” hinala ni Arnold na mukhang excited din.
“Oh, no!” usal ni Ashley at isinubsob ang mukha sa palad nang marinig niya pagkawarat ng gift wrap.