5 DAYS Chapter 26

Ang limang araw ay naging isang buwan hanggang umabot ng dalawang buwan at natapos ang bakasyon namin. Balik eskwela nanaman, hindi napagod si Denmeir na samahan ako kahit saan ako magpunta. Isa lang ang hindi ko lubos maintindihan, hindi ko naririnig sa bibig niya ang salitang 'I love you' na ipinagtataka ko.

"Good morning, Buko pie!" Masigla niyang bati.

Pasukan na ulit at sinusundo niya ako. Palagi na akong sumasakay ng bus at sinisigurado niya na kasama ko siya.

Magkahawak kamay kaming nakipagpambuno sa mga tao para lang makasakay. Tumatawa pa siya na akala mo'y naglalaro lang.

"Triple kill," bumungisngis siya.

Umakyat kami at humawak sa bakal sa itaas. Nakangiti ko siyang sinulyapan. Nang dumagsa ang mga tao ay umusog kami hanggang makarating sa dulo.

"Sige usog pa hanggang dulo ng mundo. 'Yong mga matataba riyan 'wag muna huminga!" Sigaw ng konduktor. "Ilabas ang pamasahe!"

Naglabas ng wallet si Denmeir at himalang may barya na siya, dati kasi ay puro isang libo.

"Nagpapalit na ako, Buko pie." Nakangiting sabi niya. "May halaga pala ang barya na-realize ko 'yon dahil sa iyo."

"Rich kid ka kasi."

"Shh. Silent, mamaya makidnap ako," tumawa siya. "Buti man lang sana kung ikaw 'yong kidnapper hindi na ako uuwi."

Nakangiti akong umiling-iling. "Ewan ko sa iyo."

Hinaplos niya ang pisngi ko. "Pretty, pa-kiss naman diyan, oh."

Pinandilatan ko siya ng mata at umirap.

"Damot."

"Mamaya na maglampungan, oh, bayad muna."

Nahiya naman ako sa konduktor. Lampungan talaga? Inabot ni Denmeir ang bayad namin at kinuha ang ticket.

"Walang forever." Walang buhay na sabi ng konduktor at saka tinalikuran kami.

"Wala ka lang jowa kaya ka bitter," nakangising sabi ni Denmeir.

Nagugulat ko siyang tiningnan. Patulan daw ba ang konduktor?

Imbes na magalit ang konduktor ay tumawa pa. "Mayro'n lima pa nga," kinantyawan ang konduktor ng mga tao.

"Puta. Fuck boy!"

"Pogi ni kuya!"

"Yes naman maraming nagayuma!"

"Love is blind!"

Kantiyawan ng mga tao. Napabungisngis kami ni Denmeir.

"Gano'n talaga kapag pogi!" Sigaw ng konduktor.

Ang daming umalma at nagsigawan.

Lakas ng amats mo, Kuya.

Nang makarating kami sa Laurente ay hawak pa rin ni Denmeir ang kamay ko.

"I'll fetch you later. Study well." Humalik siya sa noo ko at umalis na.

"Hala! Ailey, boyfriend mo?" Tumili si Cess, ang kaibigan ko.

Cess Ramos, siya lang naman ang palagi kong kasama.

Nahihiya akong tumingin sa kaniya. "O-oo."

Tumalon-talon siya. Humawak sa balikat ko. "Ang pogi! Sana ako rin makahanap na ng boyfriend! Kwentuhan mo ako paano naging kayo."

"Mahabang estorya baka kulang ang isang araw."

"Anong pangalan niya?"

"Denmeir Camerino."

Natigilan si Cess at tumitig sa akin. "’Di ba, patay na 'yon? Sabi mo? Kinikilabutan na—"

"Kakambal niya 'yon."

"Woah! Talaga? Ang haba ng hair mo para matuhog ang kambal."

"Tuhog talaga? Ano 'yon barbeque?"

"Paano nangyaring naging kayong dalawa?"

"Trust me hindi ko rin alam basta na lang nangyari bigla na lang siyang dumating at pinasaya ako." Bigla akong nalungkot. "Sana hindi niya rin ako iwan."

"Negative ka, day, 'wag kang ano riyan."

"Hindi ko pa rin maiwasan ang mag-isip ayaw ko ng maiwan mahirap mag-move on."

"Pero teka lang," hinarap niya ako sa kaniya. "Sigurado ka bang siya ang gusto mo at hindi ang kakambal niya? Baka naman nakikita mo lang sa kaniya ang mukha niya?"

Natigilan ako. Gusto ko naman siya, bilang siya.

"Ang totoo naiisip ko pa rin naman si Denveir dahil sa hitsura niya, pero mas nangingibabaw na ngayon na siya si Denmeir kaya ko siya nagustuhan." Pumasok kami sa room at umupo. "Magkaiba silang dalawa, may pagkakapares, pero sa gawi at ugali, magkaiba."

Tumango siya. "Sana may forever ka na."

"Sana nga."

Nagsimula na ang klase namin puro experiment nanaman kaya nangalay ang paa ko katatayo. Nang matapos ang klase ay hinintay ko si Denmeir sa labas ng room. Nag-angat ako ng tingin nang may humintong sapatos sa harap ko.

Nanlaki ang mata ko nang makita ko kung sino. "Roex?"

Si Roex Villanueva, ang ex ko. Bata pa ako noong naging kami, second year high school, maaga kasi akong lumandi, pero hindi rin naman kami nagtagal dahil bata pa nga kami.

"It's been a long time, Ailey. Dito ka pala nag-aaral?"

Tumango ako at ngumiti. "Oo, ikaw rin?"

"Oo. Mechanical Engineering."

"Wow! Nice naman. Magtatapos ka na rin. Kumusta ka?"

"Okay lang. Ikaw?"

"Buhay pa naman," tumawa ako. Natigilan lang ako nang may umakbay.

"Care to introduce me to this man?" Nakangiting sabi ni Denmeir.

Si Roex naman ay nakatingin sa braso niyang nakaakbay.

"Roex, si Denmeir Camerino, boyfriend ko," nakangiti kong sambit.

"'Sup, man?" Nakipagkamay si Roex. Ayaw tanggapin ni Denmeir kaya siniko ko.

"I'm good," plastik na ngumiti si Denmeir.

Seloso.

"Una na ako may klase pa ako." Tumingin sa akin si Roex. "See you around, Ailey, Denmeir, bye."

Kahit nakalayo na ay masama pa rin ang tingin ni Denmeir sa nilakaran nito.

"Galit?" Nakangisi kong tanong. "Hindi. Happy," sarkastiko niyang sabi. Tumawa ako. "Seloso mo naman."

Kumunot ang noo niya at masama akong tiningnan. "He's your ex, Roex pangalan niyon, eh!"

"Ano naman?"

"Nakikipag-usap ka pa ro'n. Ako na nga ang boyfriend mo."

"Bawal ba?"

"Oo, bawal. You're mine."

"Ikaw lang ang nagsabi niyan."

"Sa bagay pinilit nga lang pala kita maging girlfriend ko kahit ayaw mo naman talaga dahil siguro hindi pa rin makalimot sa kakambal ko." Dire-diretso niyang sabi.

Hindi ako nagsalita.

"Ailey naman. Siya pa rin ba ang mahal mo?"

"D-denmeir."

"Ang sakit naman. Kamukha ko naman siya bakit hindi mo ako mahalin?"

Hindi ko masabing mahal ko siya kasi hindi niya naman sinasabi sa akin 'yon. Alangang ako ang mauna? Ayaw ko rin malaman niya dahil wala pang kasiguraduhan. Hindi na siya nagsalita hanggang makarating kami sa bahay.

"Wala raw si Nanay at Tatay kaya samahan daw kita ngayong gabi. Makikipag-inuman daw sa birthdayan at dahil malayo, do'n na matutulog hindi ka naman daw pwedeng isama dahil may pasok ka bukas."

Napamaang ang labi ko. "Bakit sa iyo sinabi? Ikaw ba ang anak?" Padabog akong pumasok ng kwarto sumunod naman siya. Humiga siya sa kama ko na parang kwarto niya.

"Hoy! Doon ka sa sofa, hindi tayo pwedeng magtabi."

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.