Nagpakilala si Knight sa klase nila. “Magandang umaga ang aking bati magagandang binibini at makikisig na mga ginoo,” patulang bati pa nito. “Ikinagagalak ko na maging bahagi ng klase ninyo dito sa Art Strand. Sana maging kaibigan ko kayong lahat at alagaan ninyo ako. Bago lang ako sa Bright Minds Academy at kailangan ko pang mag-adjust.”
Art Strand. Nasa Art Strand din ang lalaki at magkaklase pa sila. Pa-mysterious effect pa ang lalaki kanina. Gusto talaga nito na napag-uusapan. Siyempre pipiliin nito ang art strand bilang isang manunulat. Di lang niya inaasahan na seryoso ito. Di ba di naman ito seryoso sa pagsusulat ayon sa naging interview nito?
This is a disaster! Makakasama ko lagi sa room si Knight? Great!
Hindi nakagalaw si Sylvie sa kinatatayuan hanggang tapikin siya ni Thanos. “Tabi, besh. Nakakaharang ka sa view.” At tumakbo ito sa gilid ng klase para makuhanan ng video si Lance habang ipinakikilala ang magulang sa adviser.
In-address ng ama ni Knight ang guro at mga kaklase niya. “Salamat sa pagtanggap sa anak ko. Sana hindi kayo madismaya sa kanya.”
“Sir, isang karangalan po na maging parte ang anak ninyo ng klase ko. Sa batang edad, marami na siyang accomplishment,” sabi ni Mrs. Castillo. “He is inspiring.”
Tipid na ngumiti si Mr. Valdrez. “Pero marami pa siyang dapat na matutunan. Ayokong lumaki ang ulo ng anak ko. Kung may mali siya o kailangang disiplinahin, gawin lang ninyo ang tama. Gusto ko na marami pa siyang matutunan. Popularity is not everything.”
“Thank you, Pa,” anang binata at sarkastikong ngumiti, animo’y di nito nagustuhan ang sinabi ng ama. Mabuti na lang may tatay siya na nagpapaalala sa kanya na may mas importanteng bagay kaysa sa kasikatan. “Magkita po tayo sa bahay mamaya.”
Hinalikan naman ito ni Mrs. Valdrez sa pisngi. “Yung baon mo, kainin mo ha? Huwag kang papakagutom.”
“Yes, Ma. You are the best. Thank you.” At niyakap si Mrs. Valdrez.
Mama’s boy. Pakiramdam ni Sylvie ay kindergarten pa lang ito na kailangan pang ihatid at pagbilinan. Pero lumambot ang puso niya nito nang yakapin nito ang ina at magpasalamat. Ni hindi man lang ito nahihiya na ipakita ang pagmamahal at paglalambing nito. Kung iba iyon, malamang ay nainis na at ipinagtabuyan na ang magulang nito. That is sweet. He loves his mom.
Hindi ba’t nasermunan niya dati si Mark Andrew dahil di nito gusto kapag pinagbabaon ito ng nanay nito ng luto nito? Mas gusto daw nito na maging independent. Na hindi nakaasa lagi sa magulang. Kaya tuloy siya na lang ang pinadadalhan minsan ng mommy nito para di na magtampo ang nanay nito sa dating nobyo. Ayaw kasi niya ng pakiramdam na di naa-appreciate ang effort ng nanay nito. Mas nakaka-relate siya kay Knight sa aspetong iyon.
Kumurap siya. Bakit ba niya ito naikukumpara sa kay Mark Andrew?
“Miss dela Paz, tapos ka na bang mag-cover? Baka gusto mo nang umupo para makapagpatuloy na ako ng klase,” may kapormalang sabi ni Mrs. Castillo.
Nang luminga si Sylvie sa paligid. Saka lang niya napansin na wala na doon ang direktor ng paaralan at ang mga magulang ni Knight. Mukhang bumalik na rin sa klase nito si Thanos at si Roumel. Papunta na sa upuan si Ehra at naghahanap naman ng mapupuwestuhan nito si Knight.
“Dito ka na umupo, Knight,” malambing na yaya ni Aiona at tinapik ang upuan na bakante sa tabi nito.
“That is my seat,” kontra agad ni Sylvie at lumapit sa mga io.
“Grabe! Ganyan ka ba mag-welcome ng bagong classmate?” nanlalaki ang matang tanong nito. “Konting hospitality naman.” At sumang-ayon ang ibang kamag-aral nila. Siya pa ang kontrabida ngayon at di marunong makisama.
“Okay lang. Doon nalang ako sa likod. May bakante naman,” anang si Lancelot.
Bumuntong-hininga si Sylvie at maasim na ngumiti. “Hindi na. Ako na lang sa likod. Baka sabihin di ako hospitable. Mas dapat ka sa malapit kasi alam ko kailangan mong maka-catch up sa lesson.”
Mas bagay naman na dumikit ito sa mga babaeng may gusto dito. Iyon naman ang gusto niya - ang maging invisible sa paningin ng lalaki at ng iba. Pabor iyon sa kanya.
At pabagsak ang sarili siyang umupo sa likuran. Iyon marahil ang pinakanakakapagod na coverage niya. Saka niya na-realize na di normal ang paghinga niya mula pa kanina. Na parang kontrolado ni Lancelot ang hanging hinihinga niya. Mabuting dumistansiya na siya sa lalaki. Pwede naman siyang magkunwari na di ito nag-e-exist. Makakabalik na siya sa normal na buhay.
Nang tumalikod ang teacher nila, biglang tumayo si Knight at inokupa ang bakanteng upuan sa tabi niya. “O! Bakit ka nandito?” gulat na tanong ni Sylvie.
“Mas maganda kasi ang view dito.”
“Far-sighted ka ba? Bakit di ka magsalamin?” tanong niya.
“I am doing you a favor. Naisip ko na mas mahihirapan kang sundan-sundan ako kapag sa malayo ako nakaupo. So here I am. Dito lang ako sa tabi mo para mas madali mo akong makuhanan ng picture kung gusto mo.” At saka tumitig kanya. Mukha ba siyang white board at sa kanya ba nakasulat ang lecture para titigan nito?
Inilabas niya ang notebook para simulang kopyahin ang lecture. “Mr. Valdrez…”