“Exactly. Those paintings are my most valuable art pieces. Si Sylvie ang nagpinta ng mga iyan,” pagmamalaki ng ina at lumingon sa kanila.
Nanlaki ang mga mata ni Lancelot at nilingon siya. "Wow! Di lang pala siya magaling na photographer. Magaling din siya na painter. Multi-talented ka.”
Nagkibit-balikat siya. “Di naman masyado. Makikita mo kung gaano karaming talentado sa Bright Minds Academy. I am hardly an expert.”
“Hindi ka pa expert niyan pero gandang-ganda na ako sa gawa mo. Saka bata ka pa. Pwede mo pang hasain ang talento mo. Di tulad ko, hanggang ngayon pabakat-bakat lang ako para makapag-drawing,” tatawa-tawang sabi ng lalaki.
“You’re so cute, hijo,” anang nanay niya na sinabayan ang lalaki sa pagtawa. "I am really glad that Sylvie has a new friend. Kahit paano may dumalaw na ulit dito sa bahay."
Bakas ang pagkagulat ng binata. "Bakit naman po? Wala ba siyang kaibigan?"
"Mas gusto niyang mapag-isa mula nang mawala si Mark Andrew. She even stopped painting,” malungkot na kwento ng ina.
"Sino pong Mark Andrew?" tanong ni Lancelot.
Nanlaki ang ulo ni Sylvie. Napunta na kay Mark Andrew ang usapan. At para sa kanya, isang sagradong bagay ang dating nobyo at ayaw niyang ikinakalat sa di naman malapit sa kanya. Pero mukhang walang balak ang nanay niya na isekreto ang kwento kung sino si Mark Andrew sa buhay niya. Nagsimula nang bumuka ang bibig nito nang bigla siyang sumigaw.
"Mama!" saway niya sa ina. “May daga pong dumaan sa harap ninyo.”
“What?” bulalas ng ina at biglang napasigaw habang sapo ang dibdib. “Manang Doray! Manang Doray, may mabait po.” Natataranta na ang nanay niya kahit na wala naman. Sinapo ng ina ang noo. “Hindi ko alam kung paanong nagkadaga sa bahay na ito. Nakakahiya sa bisita.”
“Okay lang po, Tita. Matatalino kasi ang daga. Kung saan-saan po talaga nakakarating. Baka galing po sa kapitbahay,” anang si Lancelot at pinisil ang balikat ng nanay niya.
“Kailangan kong kausapin ang lahat ng staff. Hindi pwedeng may daga dito sa bahay lalo na’t may bisita tayo. Baka mamaya kung anong gamit natin ang sirain.” High-pitched pa rin ang boses ng nanay niya. Nagi-guilty siya na kailangang magsinungaling para lang maiwasang pag-usapan si Mark Andrew.
Lumapit siya sa intercom. “Manang, pakisundo na po si Mama dito sa second floor. Pakidalhan na rin po siya ng tubig.” Nang lumingon siya ay bukas na ang music room at nasa loob na si Lancelot at ang ina. Pinapaypayan ito ni Lancelot ng notebook nito. Lalong nakonsensiya ang dalaga. “Huwag kayong gagalaw muna. Baka may daga dito. ‘Yung collection ko lalo na ang memorabilia…”
“Ma, magpahinga na po kayo. Hayaan n’yo na sila Manang na hanapin ‘yung daga. Ako na rin po ang bahala kay Lancelot. Saka di naman dito banda sa music room tumakbo ‘yung daga. Doon po sa kabila pumunta,” palusot ni Sylvie at sinenyasan si Manang Doray na pumasok at may dalang pitsil ng tubig at baso. Kasama nito ang asawang si Mang Tiburcio na may dalang pangbambo.
“Nasaan? Nasaan ang daga?” tanong ng matandang lalaki.
“Doon po pumunta sa kabila,” aniya at itinuro ang direksyon sa kabilang kuwarto. Pinanood naman niya na uminom ang ina. Namumutla pa rin ito. “Sorry po, ‘Ma.”
“Bakit ka nagso-sorry? Ikaw ba nagpapasok ng daga dito?” tanong ng ina. “Saka gusto kong matiyak na komportable kayo dito sa music room.”
“Tita, hindi po ako takot sa daga. Ako na po ang bahalang pumrotekta kay Sylvie,” paniniyak ni Lancelot. “Saka alam naman po yata ni Sylvie kung ano ang kailangan namin para sa report.”
Saka lang nakumbinsi ang ina na tumayo at iwan sila. “Tawagan ninyo ako kung may kailangan kayo. Mag-iisip lang ako kung anong miryenda ninyo mamaya. Turon na may langka?”
Hinalikan ito ni Sylvie sa pisngi. “Salamat, Ma.” Babawi po ako sa iyo, Ma, pangako niya.
Matagal na niyang di napapangiti ang nanay niya. Kapag sinusubukan nitong pasayahin siya, laging siya ang umiiwas. Na parang di niya gustong sumaya. At alam niyan nasasaktan ang magulang niya kapag nasasaktan siya.
Gusto niyang siya ang magpasaya sa nanay niya. Kahit pa sabihing parang bata siya na kinukumpitensiya si Lancelot, ayaw na niya ng pakiramdam na di siya karapat-dapat na anak sa mabuting mga magulang.
“Kahawig mo si Tita Meldy,” narinig niyang komento ni Lancelot na nakatitig sa picture ng nanay niya sa kuwadro kasama ang bata pang Lea Salonga. Nasa estante pa ang iba’t ibang memorabilia ng iba noong teenager pa ito at mahilig maghabol ng celebrities. “She was such a fangirl. Hanggang ngayon ba mahilig pa rin siya sa mga celebrity?”
“Paminsan-minsan kapag may concert ang gusto niyang celebrity nanonood pa rin siya pero di na siya kasing fangirl nang dati.”
“Ikaw ba fangirl din?” tanong nito at inikot ang mata sa silid.
“I admire some personalities. I am into visual artists or great orators. Gusto ko ‘yung mga may ipinaglalaban at may mensahe na gustong iparating sa iba. Hindi yata tipong pina-fangirl ‘yung mga taong hinahangaan ko, na nagtititili o nag-iiiyak pag nakikita sila o kaya mangingisay sa kilig. Ipinapakita ko ang paghanga sa kanila sa pamamagitan ng pag-impluwensiya nila kung paano ako mag-isip o kung paano mahuhubog ang pagkatao ko.”
Hinaplos ni Lancelot ang sariling baba. “Parang ang lalim.”
Kinuha ni Sylvie ang scrapbook ng nanay niya para sa Smokey Mountain. “Heto. Marami tayong malalaman tungkol sa grupo nila dito pati ang mga achievements nila.”
Inabot niya kay Lancelot ang scrapbook saka isinalang ang CD sa player.