Kumpleto sila ng player sa music room mula sa ponograpo, cassette radio, CD player at music player na kayang mag-stream ng musika mula sa internet.
Umupo si Lancelot sa talaksan ng malalaking throw pillow na nakalatag sa carpet at binuklat ang scrapbook. “Ano pala ang nagustuhan ni Tita Meldy sa Smokey Mountain bukod sa sila ang sikat dati at may loveteam-loveteam sila?” At itinuro nito ang picture nina Toni Lambino at Geneva Cruz.
“Kung pakikinggan mo ang mga kanta nila, di lang sila tungkol sa crush at love. Mostly tungkol sa kalikasan o sa family issues. Usong-uso kasi noon ang mga anak na naiiwan dahil nag-OFW ang magulang katulad ng tema ng kantang Mama. Tapos mainit noon ang isyu tungkol sa tambakan ng basura na Smokey Mountain at iyon din ang dine-describe sa kanta na Paraiso. Kumbaga may kabuluhan ang mga kanta nila na hanggang ngayon isyu pa rin ng mundo.” Inabot niya dito ang lyrics na nasa CD. “Here. Basahin mo ang lyrics para may idea ka sa mga kanta nila. Then we will choose the best song.”
“Da Coconut Nut na agad para masaya. Educational naman iyon.”
“No,” tutol niya at pinindot ang numero sa CD na gusto niya. Inuna niyang patugtugin ang Paraiso. “Pakinggan mong mabuti.”
Nakapili na siya - Paraiso. Kanta iyon tungkol sa kalikasan at kahirapan. Kung paanong naging paraiso para sa ibang tao ang tambakan ng basura.
Pero gusto niyang bigyan ng pagkakataon si Lancelot na mamili ng kanta. Gusto niyang bigyan ito ng pagkakataon na ipakita na may lalim pala ito at may laman ang utak, iyon ay kung gusto nito ng mas mataas na grade.
"Okay itong Paraiso.” Tinuro nito ang CD label. “Very timely. Di kasi natin naiisip na sa isyu ng kalikasan, lahat tayo apektado.”
"Iyan nga ang gusto ko. Makikita rin ng mga kaklase natin kung gaano sila kaswerte sa buhay dahil di nila nararanasan ang buhay ng mga nakatira sa tambakan ng basura."
"Maganda rin ang Mama. Pero ito talaga ang nakakuha ng atensyon ko." At inilipat ang CD ibang kanta. Pumihit paharap sa kanya si Lancelot at sinabayan ang kanta. “Can this be love I’m feeling right now? I know for certain I'm feeling right now.”
Singlaki ng flying saucer ang mga mata ni Sylvie. “What are you doing?”
“Pina-practice ko lang ang kakantahin natin sa presentation.” Sinapo ng binata ang dibdib. “This is about a person who is falling in love for the first time. Ngayon lang siya magtatapat ng nararamdaman niya sa isang tao. At nakaka-relate ako.” At ipinagpatuloy nito ang pagkanta kahit na binabasa nito ang lyrics. “This is the first time I’m gonna say “I love you”. It’s the first time I ever felt so helpless deep inside. If I have to say a thousand times, I’ll tell you once again. This is the first time I’m gonna say I love you.”
Nakatulala lang si Sylvie kay Lancelot pero di na ito ang nakikita niya nang mga oras na iyon kundi si Mark Andrew. Nasa school grounds sila noong unang taon niya sa junior high school. Katabi nito ang kaklase nito na may gitara at hawak ng dating nobyo ang cellphone para makakanta. Nanghaharana ito.
Hindi singer si Mark Andrew pero inaalalayan ito ng mga kaibigan. Para sa isang tao na di naman hilig kumanta at alam na pagtatawanan ito kapag narinig ng ibang tao, ibig sabihin ay espesyal dito ang kinakantahan nito.
“This is the first time I’m gonna say I love you.”
Inangat ng lalaki ang paningin at ngumiti sa babaeng kaharap nito. Pero hindi si Sylvie ang babaeng iyon.
Suminghap siya at parang sinibat sa dibdib nang bumalik sa kasalukuyan. Nilingon siya nito at nagulantang nang mapagmasdan siya. "Bakit ka umiiyak?"
Sinapo ni Sylvie ang mata at pisngi. Basa nga iyon. Umiiyak siya. Matagal na panahon na siyang hindi umiiyak. Pero dahil sa partikular na alaalang iyon ni Mark Andrew, di niya inaasahan na maiiyak siya. "Wala. May naalala lang ako."
"Si Mark Andrew ba?"
Naningkit ang mata niya. “Ano bang alam mo kay Mark Andrew?”
“Di ko alam. Kaya nga nagtatanong ako sa iyo. Mukhang espesyal siya sa iyo. Di ka iiyak nang ganyan kundi dahil sa kanya…”
“Hindi si Mark Andrew ang dahilan kung bakit ako umiiyak kundi ikaw.”
Namutla si Lancelot. “B-Bakit naman ako?”
“Ayaw mong seryosohin ang project natin. Ayoko ngang kumanta ng love song. Maraming mas may lalim at mas may value na kanta ang piliin natin.” Isinuklay niya ang daliri sa buhok. “Gusto ko ng mataas na grades. Kung di mo kayang seryosohin ang activity na ito, magkanya-kanya na lang tayo.”
“I am sorry. Masyado ka lang kasing seryoso…”
“And I don’t have time for games,” angil niya. Ayaw niyang maging malambot sa harapan nito. Ayaw niyang may mabuhay na naman na alaala mula sa nakaraan. Ayaw na niyang makarinig ng love song. “Pupunta lang ako sa restroom. At pagbalik ko, gusto ko na makakapili ka na ng matinong kanta. ‘Yung may sense. ‘Yung magpapakita ng mataas na antas ng musika at mas makabuluhang mensahe. Naiintindihan mo ba?”
Marahang tumango ang binata at nakita niya ang guilt sa mga mata nito. Hindi na niya ito hinintay pa na magsalita at tumakbo siya papunta sa kwarto niya. Naghilamos siya doon at hinamig ang sarili.
Aaminin niya na naging OA siya. Nawala siya sa sarili. Sa dinami-dami ng alaala niya kay Mark Andrew, iyon ang ayaw na niyang balikan.
Pinagmasdan niya ang basang mukha sa salamin. Iniisip siguro ni Lancelot na nasisiraan na siya ng bait. Ano ngayon kung isipin niyang nababaliw na ako? Siguro di na niya ako kukulitin ngayon. Kailangan lang namin ang isa’t isa dahil gusto namin ng mataas na grade. O kahit paano ako, iyon ang gusto ko.
Siguro naman tatantanan na siya ni Lancelot kay Mark Andrew. Siguro naman ay tatantanan na siya ni Lancelot. Period.