A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 23

“Kasi mula nang matuto kang magtimplang mag-isa, sabi mo di na kita kailangang alagaan.” Hinaplos ng inang si Meldy ang buhok niya. “Mukhang malungkot si Lance nang umalis kanina. Baka naman sinungitan mo.”

“Ma, it is nothing personal. Alam n’yo naman po kung gaano ako ka-intense pagdating sa school activities. Saka ayaw kasi niyang magseryoso. Gusto pang ipagpilitan na dapat daw love song na lang ang I-report namin.”

“Baka in love. O kaya may gusto sa iyo kaya nagpapa-cute,” tukso ng ina at niyakap siya mula sa likuran. “Uuuuyy! May admirer ang anak ko.”

“Mama, huwag nga po ninyong sabihin iyan. Kinikilabutan ako.”

“Talaga naman ah!” Natawa ito. “Sabi pa niya gusto niyang makita kang nakangiti kaya gagalingan niya ang report niya.”

“Maniwala naman kayo doon, Ma,” aniya at uminom ng gatas.

“He seems like a nice guy. At sa totoo lang, gusto lang siguro niyang maging kaibigan ka. Hindi mo dapat itinutulak ang mga tao palayo. Alam ko na masakit sa iyo ang pagkawala ni Mark Andrew. O kaya naghahanap ka ng kasing perfect niya. Pero sana hayaan mo naman ang mga di perpektong tao sa buhay mo para pasayahin ka. Hayaan mo rin ang sarili mo na maging masaya.”

“Mama, hindi naman po ito tungkol kay Mark Andrew,” paglilinaw niya.

“So, it is not about him. Tungkol ito sa iyo. Mas gusto mong mag-isa. Di ka na halos dinadalaw ng mga kaibigan mo. Iba ka na. Di ka naman ganyan dati. You used to be sunshine and rainbow. Masayahin ka. Ngayon nawala na ang kulay at ngiti sa iyo.” Natahimik siya. Dahil totoo ang sinabi ng nanay niya. Parang madilim ang paligid niya. Kahit na pwede siyang tumapak sa liwanag at maging masaya, parang may aninong pumipigil sa kanya. “Bata ka pa, Sylvie. Marami pang mangyayari na maganda sa buhay mo. Mas madali ang buhay kapag may mga kaibigan ka kaysa sungitan mo ang lahat. At wala ring masama kung bubuksan mo ang puso mo sa iba. I can see that Lancelot is trying his best to get close to you.”

Tiningala niya ang ina. “Mama, maraming fans si Lance. He is their Shining Knight. Di niya aaksayahin ang oras sa akin.”

“Why not? Anak kaya kita. Alam mo bang pinagselosan pa nga ako ni Rica Peralejo dati nang yayain akong magkape ni Piolo Pascual? At anak na kita no’n.”

Natawa siya. “Si Mama talaga.” Wala kasing gustong maniwala sa kwento nito hanggang kumpirmahin ng Papa niya. Niyakap niya ang ina sa baywang. “I am sorry. Alam ko po mahirap akong pakisamahan mula nang mamatay si Mark Andrew. I.. I don’t know how to move on. Parang ang hirap pong tapusin ng pagluluksa.”

Tuwing sinusubukan niya na maging masaya, pakiwari niya ay pinagtataksilan niya ang alaala ng nobyo. Tuwing may nakikipaglapit sa kanya katulad ni Lancelot, parang binubura niya ang alaala ng namayapang nobyo. Ayaw niya iyon.

“Anak, gusto ko lang maging masaya ka. At trabaho ko na tiyakin na magiging masaya ka.” Kinintalan nito ng halik ang pisngi niya. “Matulog ka na. Bukas ng umaga mo na ituloy ang report mo.”

“Last sentence na lang po,” hirit niya.

Di pa nakakalayo ang nanay niya nang marinig niya ang pag-igik nito. Nakahawak ito sa pader habang sapo ang puson. “Ahhhh!!! Ang sakit.”

“Mama, anong nangyayari?” Nanlaki ang ulo ni Sylvie nang makita ang likuran ng damit nito. “M-Ma, may dugo sa damit ninyo.” At umagos ang dugo sa binti nito. “Mama!”

“PREGNANT at forty-two. This is a miracle, Ma.”

Natawa ang ina ni Sylvie na si Meldy habang nakayakap siya dito. Matapos ang nakakarantang pagsugod dito sa ospital at magdamag nilang bantayan, parang mababaliw na ang dalaga sa pag-alala. Pero sa kabila ng takot, napalitan naman iyon ng saya dahil nalaman niyang magkakaroon siya ng kapatid. Dalawang buwan nang buntis ang nanay niya.

“Di pa naman ako menopause,” anang ina na pilit ngumingiti kahit alam niyang may dinaramdam. Naging abala ito sa pagtulong sa ama niya sa farm kaya di kinaya ng katawan nito ang stress. Nakaapekto iyon sa bata. Mabuti at naagapan na masagip ng doktor ang kapatid niya at di tuluyang nakunan.

Umupo siya sa hospital bed sa tabi nito at niyakap ito. “Ang ibig ko pong sabihin, masaya ako dahil safe na kayo ng baby. Sino po ba ang mag-aakala na magkakaroon pa ako ng kapatid ngayong seventeen na ako?”

“Ako rin. I didn’t expect that I will have another child,” anang amang si Frank. “Masaya na ako sa isa. We’ve been trying for years. Pero ayaw talagang masundan ni Sylvie. Pakiramdam ko tuloy first time father ulit ako.”

“So do I. Pero maselan daw ang pagbubuntis ko dahil sa edad ko,” malungkot na usal ng Mama niya. “Complete bed rest for a week. At kailangan pa akong obserbahan dito sa ospital kaya di ako makakauwi agad.”

“At bawal kang mapagod,” paalala ng Papa niya. “Huwag kang mag-alala dahil ako naman ang bahala sa farm. I want you and our baby to be safe.”

“Ma, sorry po kung napagod kayo sa pagluluto para sa amin ni Lancelot,” mabigat ang loob na usal ni Sylvie.

Hinaplos ng ina ang pisngi niya. “Hey! Walang may kasalanan sa nangyari. Hindi mo naman alam na magkakaroon ka ng kapatid. Masaya ako na ipagluto ka at ang bisita mo. Di dahil nagbuntis ulit ako, titigil na ako sa pagiging nanay mo.” At ipinatong ang kamay sa ibabaw ang tiyan nito. “Ayos lang ang kapatid mo.”

“Hey! This is Ate Sylvie,” sabi niya sa baby. Ayon sa nabasa niyang libro, naririnig na siya nito kahit na dalawang buwan pa lang ito. “Just hang in there. We love you. Excited na kaming makita ka at makasama. I will spoil you rotten.”

“No, young lady. Don’t give the baby some ideas,” saway ng ama niya at tumuro sa kanya. “Hindi ka rin namin pinalaking spoiled. You know that.”

Niyakap naman ni Sylvie ang ama. “Papa, excited lang po ako na magkaroon ng kapatid. Magandang balita po ito.”

“And I am glad that you are smiling,” anang Mama niya. “Akala ko kailangan mo pa ng bagong kaibigan o love life para diyan…”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.