Pinanlakihan niya ng mata ang ina. “Mama!”
“Love life? May nanliligaw na sa anak natin?” tanong ng amang si Frank. “Hindi yata ako na-inform dito.”
"Kasama niya 'yung kaklase niya na sikat na writer. Guwapong bata at mukhang interesado sa anak natin," nanunuksong sabi ng nanay niya. “He is funny and charming, too.”
Parang sinilabang kugon ang mukha ni Sylvie. "Mama, gumawa lang po kami ng project. Wala pong malisya iyon. Nakakahiya doon sa tao."
Nakakairita ang pagpapa-cute sa kanya ni Lancelot pero ibang usapan na kapag may ibang taong nanunukso sa kanya. Wala siyang kahit anong ilusyon na gusto siya ng kaklase.
"But he wants to make you smile. Sige nga. Para sa project lang ba iyon?" naghahamong tanong ng ina. Hindi magawang kumontra ni Sylvie dahil wala rin naman siyang ilalaban. Ayaw niyang isipin na espesyal siya kay Lancelot.
"Then I want to meet this young man,” sabi ng ama.
"Naimbitahan ko na siya sa farm natin. Sabi ko isama ang parents niya. Mabuti nga may iba pang nakikipagkaibigan sa anak natin.”
Sinapo ni Sylvie ang noo at ibinagsak ang sarili sa sofa. "You are ganging up against me."
Umupo ang ama sa tabi ng kama ng nanay niya at ginagap ang kamay. "Of course not. It is good to have new friends. Di ko naman sinabing mamanhikan na sila sa atin. You are too young for that.”
"Basta masaya na po akong magkaroon ng bagong kapatid. Huwag na po ninyo akong itukso kay Lancelot." Ayaw niyang mailang sa kaklase lalo na’t araw-araw halos silang nagkikita. Mas mahihirapan siyang deadmahin ito.
Nagpasalamat na lang siya nang isa-isahin ng nanay niya ang request nito dahil naglilihi daw ito. Mukhang nag-e-enjoy ang nanay niya na hingin ang mga imposibleng bagay sa ama. Nakatulugan niya nang nanghihingi ng durian ice cream at cake ang nanay niya galing sa Davao.
Nagising siya na hinahaplos ng ama ang ulo niya. "Hey! Umuwi ka na dahil may pasok ka pa sa school. Alas singko na."
Bumangon siya at umupo sa stool sa tabi ng kama kung saan nakahimlay ang ina. "Babantayan ko po muna si Mama.”
"Sylvie, hindi ka magandang role model sa kapatid mo. Kailan ka pa nag-skip ng klase?" panenermon ng ina.
"Just for today. This is a family emergency. Wala naman po kaming major exam ng ganitong araw at wala rin akong report. When was the last time we spent time together? I just miss you,” aniya at ihinilig ang ulo sa tabi ng ina.
Naramdaman niya ang paghaplos ng ama sa buhok niya. "Sige. Pero ngayon lang. Hindi ko na ito-tolerate kung uulit ka na naman.”
Nakangiti niyang tiningala ang ama. "Thanks, Pa."
"At paano ang report mo?" tanong ng inang si Meldy. “Hindi mo na nga yata natapos ‘yung review mo para sa kanta kagabi.”
Bumuntong-hininga si Sylvie at inagat ang ulo. "Kakausapin ko po si Lancelot."
"Uuuuyyy!" tukso ng nanay niya.
Lumabas siya ng hospital suite at naglagi sa hallway. Doon lang niya binuksan ang internet ng cellphone niya. Sunud-sunod ang pagpasok ng message mula kay Lancelot sa Messenger niya. Binasa niya ang document file tungkol sa significance ng kantang Paraiso. Tag-lish ang sulat nito at parang hirap ito sa tuloy-tuloy na Ingles, pero may sense naman ang sinasabi nito. Pwede pang palalimin kung magbibigay siya ng sarili niyang pananaw pero nakuha naman nito ang mensahe na gustong iparating ng kanta. Hindi na masama.
Nagulat siya nang biglang tumawag si Lancelot. "Hello. Gising ka na pala," usal ni Sylvie.
"Hindi ako makatulog. Hinihintay ko na mag-message ka. Sakto pagbukas ko ng Messenger naka-online ka pala."
"Sorry. Di ako naka-reply agad sa message mo. May family emergency kasi. Nasa ospital kami. Isinugod si Mama kagabi."
"Okay pa si Tita Meldy kahapon. Anong nangyari?” nag-aalalang tanong nito.
"Dinugo siya. Di namin alam na buntis si Mama."
"I'm sorry. Napagod ata siya sa pag-aasikaso sa akin."
"Huwag mong sisihin ang sarili mo. Di mo naman alam. Daka kahit siguro alam ni Mama na buntis siya, di siya mapipigilang mag-asikaso ng bisita. It makes her happy. Saka safe naman si Mama at ang baby. No worries.”
"Anyway, congratulations. Alam ko na masaya ka sa bago mong kapatid. Makakapasok ka ba ngayon sa school?" tanong ng lalaki.
"I am sorry. Hindi muna. I want to spend time with my family. Kaya ikaw na ang bahalang mag-present sa kagrupo natin. Okay naman 'yung Paraiso na lang ang I-present mo dahil di ko naman natapos ang review ko kagabi."
“Huwag kang mag-alala. Ako na ang bahala dito.”
“Tawagan mo ako kung kailangan mo ng tulong…”
“Mag-focus ka na lang kay Tita Meldy. Just trust me on this. Sana lang makumbinsi ko sila na piliin ang Paraiso.” May pag-aalinlangan sa boses nito.
"Sabi mo maniwala ako sa music ng Smokey Mountain at sa mensahe ng kanta nila. Anong ipantatapat ng One Direction sa kanta na tumatalakay sa social issue gaya ng kahirapan at kalikasan?"
"Kaguwapuhan nila?" tanong ng binata.
"Mas guwapo ka doon,” puno ng kompiyansang sabi ni Sylvie.
"Talaga? Naguguwapuhan ka sa akin?" bulalas ni Lancelot.
"O-Oo. Basta kumbinsihin mo sila na mas okay ang Smokey Mountain. Use your charm."
“Yes!” sigaw nito at humalakhak. "Nakaka-inspire naman kapag ganyan."
Napailing na lang si Sylvie. Masaya na talaga itong masabihan ng guwapo? "Ako na ang maghahanda ng costume natin. Just nail this one okay?" aniya sa seryosong tono. Ayaw niyang umakyat sa ulo nito ang pagpuri niya sa kaguwapuhan nito.
"May tiwala ka talaga sa atin?" naninigurong tanong nito sa kanya.
"Oo naman. Magkakampi tayo, di ba?"
"Thank you. Magpahinga ka na at congratulations sa kapatid mo."
"Salamat. I'll see you tomorrow."
Di nawala ang ngiti sa labi niya nang pumasok ulit sa hospital suite ng ina. Kaya na ni Lancelot na kumbinsihin ang dalawang kagrupo niya. Umaasa siya na hindi siya nito bibiguin.