A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 25

INILAPAG ni Sylvie ang vase ng puno puting anthurium sa ibabaw ng puntod ng nobyong si Mark Andrew. Kasisikat pa lang ng araw at siya pa lang ang tao sa memorial park nang mga oras na iyon. Linggo-linggong dinadalaw ng dalaga ang dating nobyo hangga’t kaya niya. Pero sinasadya niya ito kapag may espesyal na okasyon o may importanteng nangyari sa buhay niya.

“Hi! May magandang balita ako sa iyo. Magkakaroon na ulit ako ng kapatid. Imagine, kung kailan ako nagdalaga saka pa ako nasundan samantalang ilang taon nang nag-attempt sila Mama na bigyan ako ng kapatid pero di sila nakakabuo,” kwento niya dito habang sinisindihan ang kandila. “Ang totoo, kahapon ko lang ulit naramdaman na masaya ako mula nang mawala ka. Parang naging robot na lang daw ako mula nang umalis ka. Na kailangan ko lang daw huminga, kumain at mag-aral kasi iyon ang inaasahan sa akin. But my new brother or sister gives me a reason to smile and be happy again. Sana magtuloy-tuloy na kasi nakita ko rin kung gaano kasaya sila Mama at Papa kapag ngumingiti ako. Parang binigyan ulit ako ng kapatid ko ng dahilan para maging masaya.”

Bumuntong-hininga siya at hinaplos ang puntod ng nobyo. “So, ka-group ko nga pala ‘yung sikat na writer na kaklase ko. Sa totoo lang, nabababawan ako sa mga sulat niya. Not my cup of tea. Pero sa project namin kahapon, kami lang ang nagkampihan sa Smokey Mountain habang pinili ng ibang kagrupo namin ang One Direction. May sense naman kahit paano ‘yung mga sinasabi niya. But he is not as articulate as you. Not as intelligent like you. My parents like him, lalo na si Mama. Kasi feeling nila may gusto daw sa akin dahil gusto daw niyang gawin ang lahat para ngumiti ako.”

Bigla siyang sumimangot at natigilan. Di niya alam kung bakit ikinukwento kay Mark Andrew ang tungkol kay Lancelot samantalang hindi naman importante ang lalaki sa kanya. Magkaklase lang sila at magkagrupo sa report. Iyon lang.

“Hindi ako interesado sa kanya, okay? Hindi rin siya ang nagpangiti sa akin. Guwapo lang siya at di ako katulad ng ibang babae na nagkakagusto sa guwapo at sa physical appearance ng isang tao. I love you for your intelligence, your vision and your good heart. I miss you,” usak niya at nagpaalam na sa nobyo. “Don’t worry. Para sa iyo ang report namin. I remember how much you want to push poverty and environmental issue talks. At dahil Smokey Mountain ang ire-report ko, isasama ko rin ang idea mo. Don’t worry, I will quote you. Excited na ako sa report ko. And it has nothing to do with Lancelot. Swear. Babalitaan kita sa report ko pagbalik ko at tungkol sa magiging kapatid ko.”

Bahagyang nabahala si Sylvie habang paalis ng memorial park. Hindi niya alam kung bakit siya nagpapaliwanag kanina kay Mark Andrew sa kung ano si Lancelot sa buhay niya. Masyado naman siyang defensive kahit di naman siya guilty.

Kahit noong nabubuhay pa si Mark Andrew, alam naman nitong ito lang gusto niya. Lalo naman ngayon.

May ngiti sa labi niya habang bumibiyahe papuntang Bright Minds Academy. Di mawala sa isip niya na magkakaroon na siya ng kapatid. Maliwanag ang lahat sa paligid niya. May rason na siya para ngumiti.

Maagang dumating si Sylvie sa kuwarto pero mas maaga ang mga kagrupong sina Shannah at Andrea. Sinalubong agad siya ng yakap ni Shannah. “Finally, you are here. Akala namin di ka na naman papasok.”

“May family emergency lang kahapon. But everything is okay now. ‘Yung sa presentation pala natin…”

“Anong gusto mong costume?” tanong agad ni Andrea. “This cropped top or dress and boots?" At ibinuka ang paper bag na naglalaman ng mga damit na nakatupi pa at ang kahon na may tatak ng isang sikat na kompanya ng leather boots sa Italya.

"I-check mo muna kung kasya sa kanya ang boots,” sabi ni Andrea.

Cropped top? Boots? Bagay ba iyon sa costume nila na pang-tambakan ng basura? Bagamat masaya siya sa nakikitang kasiglahan at interes ng mga kagrupo sa proyekto nila, parang may di yata tama.

"Nakapag-practice na ba kayo ng kanta?" tanong ni Sylvie sa dalawa nang iabot sa kanya ang puting boots na hanggang tuhod.

"Yes. Live While We're Young ang kakantahin natin."

"Live While We're Young? One Direction?" naniniyak na tanong ni Sylvie.

"Yes. Iyon ang napili namin,” sagot ni Andrea na abot ang tainga ang ngiti.

"Ninyo? Pati si Lancelot pumayag dito?" tanong pa ni Sylvie.

Pinagsalikop ni Andrea ang palad at ihinilig ang pisngi. "Yes. Excited nga siya na magsolo sa What Makes You Beautiful. He will serenade us with the song. Imagine, we got Knight singing a One Direction song."

One Direction at hindi Smokey Mountain ang ipiprisinta nila. Pumayag si Lancelot sa gusto ng mga ito. Parang sinasaksak sa likod si Sylvie. Mistulang dahong tinangay ng hangin ang masayang pakiramdam niya. Nanlamig ang buong pakiramdam at naramdaman niya na unti-unting binabalot ng yelo ang puso niya. Nagtiwala siya kay Lancelot. Sinabi nito na magkakampi sila at ito ang bahala. Bakit baligtad na ang sitwasyon ngayon?

"I-video nati ang performance kaya at ipalagay natin sa page ni Knight?” suhestiyon ni Shannah.

"Kahit sintunado siya?" tanong ni Andrea na mukhang diskumpiyado.

Nagpalipad-hangin ng buhok si Shannah. "Mas mapapansin ang talent natin. I am sure we will get tons of fans. Isn’t it great?”

Parang maduduwal siya sa istratehiya ng dalawang kaklase. May hidden agenda pala ang mga ito kaya gustong makagrupo si Lancelot. Para sa kasikatan, gagawin ng mga ito ang lahat.

Ano naman ngayon kung dehado si Lancelot? Pare-pareho lang naman pasikat ang mga ito. May atraso ito sa kanya at silang dalawa ang magtutuos.

"Nagsimula na kayo kahit wala pa ako,” biglang singit ni Lancelot nang lapitan sila. Nakasukbit pa ang bag nito sa balikat at parang handang-handa nang mag-perform.

Inabutan ito ng paper bag ni Andrea. "Your costume is ready. Si Harry Styles ang may-ari ng shirt. Napanalunan ko iyan sa bidding. Isang buwan na allowance ko iyan. Nalabhan na rin ni yaya kahapon.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.