A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 26

“Thanks.” Bumaling sa kanya si Lancelot at kung makangiti ito, parang okay lang ang lahat. "Hi, Sylvie! Kumusta si Tita Meldy?" Matalim itong sinibat ng tingin ng daaga. Di niya sinagot ang tanong nito pero nagpatuloy pa rin ito sa pagtatanong. “Okay lang ba siya?”

“Siguro naman okay na ang Mama niya dahil nakapasok na siya, ‘di ba?” singit ni Andrea.

“Okay na si Mama,” sagot ni Sylvie at ngumiti kay Andrea. Sinadya niyang ito ang kausapin kaysa sa magpanggap na masaya siya sa pag-aalala ni Lancelot. Sa gilid ng mata niya, nakita niya ang bakas ng sakit sa mga mata ng binata. Ito pa talaga ang nasaktan. Siya nga itong tinraidor nito.

Halos iduldol ni Shannah ang papel na naglalaman ng lyrics ng kanta sa mukha ni Sylvie. “Sa iyo ang part ni Niall Horan. Ikaw rin ang magre-report sa kanya.”

Hindi siya makahinga. Hindi ito ang inaasahan niya pagbalik niya. Hindi niya kayang magpanggap na okay lang siya. Natalo siya sa isang laban nang walang kalaban-laban, dahil lang nagtiwala siya sa isang taong tatraidurin lang siya sa huli.

Itinaas niya ang kamay. “W-Wait!” At itinulak palayo ang papel.

“Ayaw mo ba ng kanta na napili namin? Ayaw mo kay Niall?” tanong ni Shannah.

“Baka naman mas gusto niya ‘yung part ni Zayn Malik. Everyone likes Zayn,” anang si Andrea at tumirik ang mata. “No! Zayn is mine.”

Suminghap siya. Di na siya makahinga. “Excuse me. Pupunta lang ako sa restroom.” At dali-dali siyang lumabas ng kuwarto.

Di na siya makatagal sa kuwarto na iyon kasama si Lancelot. Kailangan niyang makalayo. Di niya makakayang mag-perform kasama ito. Di niya kayang magpanggap na okay lang ang lahat.

“Sandali lang, Sylvie,” tawag ni Lancelot sa kanya nang naglalakad na siya sa pathwalk papunta sa kabilang building. Di niya ito pinansin at naramdaman niya na nakakahabol na ito sa likuran niya. “Akala ko ba pupunta ka sa restroom? Dito sa kabila ang papuntang restroom.”

Pinanlakihan niya ito ng mata nang sabayan siya nito sa paglalakad. “Ini-stalk mo ba ako?”

“No. Gusto lang kitang makausap.”

Tumigil siya sa paglalakad. “Anong pag-uusapan natin? Kung paano mo ako ginawang tanga? Asang-asa ako na kaya wala kang message sa akin dahil Smokey Mountain ang ipe-present natin. Sabi mo ikaw na ang bahala. Tapos pagdating ko One Direction pala ang bagsak natin.”

“You give me too much credit. Di ko naman maabot ‘yung expectations mo. Anong magagawa ko kung mas gusto nila ang One Direction at ayaw nilang magsuot ng gula-gulanit na damit sa presentation ng Smokey Mountain?”

“Sigurado ka na iyon lang ang dahilan kung bakit umayaw sila? Inilaban mo ba talaga ‘yung side natin?” gigil niyang tanong. “Mukhang excited ka na nga sa solo performance mo habang kami naman mukhang tanga na magfa-fangirl sa iyo sa performance mo. Wow lang!”

“Plano nila iyon. At wala naman akong maisip na magandang idea.”

“Bakit ka naman kokontra? Bida ang saya ka sa part mo. Feeling mo siguro sinapian ka ng limang One Direction members.”

Mariing nagdikit ang mga labi nito. “Sinubukan kong ilaban ‘yung gusto natin. Nang ayaw nila sa costume ng Paraiso, sinubukan ko rin na Mama ang iapelang kanta sa kanila pero ayaw nila sa kanta”

“Ayaw nila ng kanta para sa mga nanay dahil…”

Bumagsak ang balikat nito. “They have mother issues. Iniwan si Shannah ng nanay niya at sumama sa ibang lalaki nang mag-abroad. Si Andrea naman hindi na nakilala ang nanay o ang tatay niya. Lumaki siya sa lolo at lola niya dahil doon siya iniwan ng nanay niya na di na nagpakita pa. Mas lalo pa nilang inayawan ang Smokey Mountain dahil doon.”

Ihinilamos niya ang palad sa mukha. Nafu-frustrate na siya. Hindi niya alam na ganoon katindi ang isyu ng dalawa sa nanay ng mga ito. At di niya masisisi kung tumanggi ang mga ito. Di niya alam na masasanggi ang bubog ng mga ito.

“Sana sinabi mo sa akin para di ako mukhang tanga na walang kaalam-alam sa nangyayari,” angil ni Sylvie kay Lancelot. “Alam mo ‘yung pagpasok ko ng room kailangan ko lang magsuot ng damit ng mga fangirl nila at nakapili na rin sila ng ire-report ko tapos mukha akong ewan? Ayoko sa lahat pinaglilihiman ako at ginagawa akong tanga.”

“Hindi iyon ang intensyon ko. Marami ka nang inaalala. Nasa ospital ang nanay mo at nag-aalala ka na baka mawala ang kapatid mo. Ayoko nang makadagdag sa alalahanin ko.”

Pagak siyang tumawa at tumingala. “Ha?! Talaga? Kaya okay lang ako na magmukhang tanga kasi nag-aalala ka sa akin. Anong klaseng concern iyon, Lancelot? Pinagkatiwalaan kita. Natuloy man ang plano natin o hindi, inaasahan ko na sasabihin mo sa akin ang totoo. Maiintindihan ko naman. Ni hindi ko naihanda ang sarili ko. Naghihintay ako ng update galing sa iyo. Nag-practice pa nga ako ng kanta.” Inilahad niya ang palad. “Nag-review ako. Nag-practice ako kahit wala ako sa tono kasi ayokong mapahiya kayo. Tapos wala rin palang kwenta ang pagod ko.”

“Di ko gusto na insultuhin ka o saktan ka o sayangin ang pinaghirapan mo.”

“Well, you just did.” Lumunok siya dahil ayaw niyang maiyak at makita nito kung gaano siya kaapektado sa ginawa nito. “Kaya ko naman tumanggap ng pagkatalo pero ayoko sa lahat itinatago sa akin ang totoo. Hindi ako mahina. Hindi mo ako kailangang protektahan. I can handle the truth.”

“Are you two fighting?” tanong ni Paolo na kaibigan ni Lancelot. Papasok pa lang ito at nadaanan sila sa pathwalk habang papunta sa klase nila. Di gaanong daanan ng tao ang pathwalk na iyon dahil nasa bandang likuran ng school at papunta sa library at faculty building pero di ibig sabihin ay walang ibang dumadaan doon.

Sa tindi ng pagtatalo nila ni Lancelot, di na nila napansin ang ibang tao. Di nila alam kung may iba pang nakarinig sa pagtatalo nila ng lalaki.

“Nagpa-practice lang kami ng skit namin para sa report bukas,” sabi ni Lancelot sa kaibigan. “Sinong artist ang napili ninyo?”

Tumalilis agad si Sylvie habang abala pa sa pag-uusap ang dalawa. Hindi niya makukuha ang grades na gusto niya kung mananatili siya sa grupo nila Lancelot. Kailangan niyang gumawa ng paraan para makawala sa mga ito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.