“NA-MISS ka namin sa klase kahapon. Siguro naman makakahabol ka na sa practice ng groupmates mo. Mukhang nag-e-enjoy sila nang madaanan ko kahapon sa gymnasium. Doon sila nag-practice at maraming nanood sa kanila dahil kay Lancelot,” kwento ng guro nila na si Miss Capulong kay Sylvie habang ihinahanda nito ang gamit para sa unang klase nito sa araw na iyon. Nakaupo siya sa bangko sa harap ng desk nito habang inilalahad nito ang nangyari nang nakaraang araw. “Don’t worry. You didn’t miss much. Di ako nag-lecture kahapon dahil binigyan ko ng oras ang mga kaklase mo para ma-discuss ang report ninyo at presentation.”
Napalunok ang dalaga sa excitement ng guro dahil sa nalalapit na presentation. Ito ang pinaka-enthusiastic na guro na nakilala niya. Di ito gaya ng ibang guro na parang robot lang kung magturo at basta makapagturo lang. Hindi lang basta nakabase si Miss Capulong sa libro. Gusto nito na isapuso ang musika. At mukhang mataas ang inaasahan nito sa class activity nila.
Pinagsalikop ni Sylvie ang palad at ipinatong sa kandungan “Iyon nga po, Ma’am. Pwede po bang mag-solo na lang ako sa presentation ko?”
Nagsalubong ang kilay nito. “Why?”
Bumuga siya ng hangin. ”H-Hindi po ako maka-relate sa napili ng groupmates ko. At sa palagay ko po, mas magiging maganda ang presentation ko kung ibang artist ang pipiliin ko. Sa palagay ko po mas may substance sila kaysa sa napili ng kagrupo ko. Hindi po sila sikat sa henerasyon namin pero sa palagay ko po maganda ang musika at mensahe nila. Sana po pagbigyan ninyo ako, Ma’am.” Inangat niya ang magkasalikop na palad at pumikit. “Please, Ma’am. I will make it good.”
“Pero unfair iyon sa ibang grupo.”
Dumilat siya at nagmamakaawa itong pinagmasdan. “Paano pong unfair iyon? Hindi ko po nadepensahan ang choice ko dahil wala ako kahapon. I never got the chance.” Sana ay pagbigyan siya nito. Bilang isang guro, siguro naman ay gugustuhin din nito na marinig ang report niya tungkol sa Smokey Mountain kumpara sa One Direction na kilala na ng lahat.
Isang mabait na ngiti ang ibinigay ng guro sa kanya. “I know how competitive you are, Sylvie. I know you want better grades. Siguro nga mas maganda ang presentation mo kung ikaw lang mag-isa. Pero hindi naman iyon ang point ng exercise na ito. Gusto ko na magkasundo kayo ng kagrupo mo sa artist na napili ninyo at sa music na ipe-present ninyo. Music has something to do with culture and society. Kung paanong pwedeng mapagbuklod ng musika ang mga tao. Gusto ko na matuto kayo na maka-appreciate ng music nang magkakasama. I am sorry if you don’t like working with your groupmates but you must. Gusto kong makita mo kung ano ang maganda sa artist at sa kantang napili nila. Enjoy music together.”
Napilitan na lang siyang tumango kahit na lumulutang siya sa bawat salitang sinasabi ng guro. Hindi siya nito mapagbibigyan. Wala siyang ibang pagpipilian kundi pakisamahan sila Lancelot at ang iba.
“Okay. I will try, Ma’am. Thank you.”
Tinapik nito ang ibabaw ng ulo niya na parang isang mabuting bata. “Don’t forget to enjoy the activity.”
Enjoy the activity? Paano niya gagawin iyon kung kasama niya ang taong ginawa siyang tanga? Magpapanggap pa siyang fangirl ni Lancelot at di siya marunong umarte sa pagpapa-cute dito. Isama pa na di talaga niya forte ang music at hindi siya tagahanga ng One Direction. Malaki ang problema niya.
Paglabas niya ng faculty ay naabutan niya si Lancelot na di makapakali habang pabalik-balik ng lakad. Tumigil lang ito nang makita siya. “K-Kinausap mo ba si Miss Capulong? Aalis ka na ba sa grupo?”
Nagpatuloy siya paglalakad at sinabayan siya nito. Kahit na gusto ko, wala naman akong choice. “I am staying. Pero huwag mo akong kakausapin kung di lang din naman tungkol sa project natin. At kung pwede sana, pag alam mong magkakagrupo ka na umiwas ka na lang.”
“Masyado mo naman yatang pinepersonal ito.”
Tumirik ang mata niya. “Yes. Personal sa akin. Kasi pagod na ako sa mga taong ginagawa akong tanga.”
“Ako ba talaga ang gusto mong awayin tungkol dito o may ibang taong nanloko sa iyo at ibinubunton mo ang galit sa akin?”
Parang bumangga siya sa pader sa tanong nito. Tumigil siya sa paglalakad at namaywang. “Excuse me?”
“Alam ko may kasalanan ako sa iyo pero di naman siguro ganoon kabigat para magalit ka nang ganyan. Sinusubukan naman kitang pakisamahan, because I like you.”
“Hindi kita gusto. Kung ayaw mo na sa akin, mas mabuti. Mag-focus lang tayo sa project natin ngayon. Masaya ka na sana kasi panalo ka na.”
Bahagya siyang kumaway nang masalubong ang adviser nila sa school paper pero in-excuse nito si Lancelot at kinausap. Mag-isa siyang bumalik sa room. Grade lang naman ang mahalaga sa kanya. Wala na siyang pakialam sa iba. Basta ang klaro sa kanya, di niya mapagkakatiwalaan si Lancelot.