"ANO ba naman 'yan, Sylvie? Di ka na nga magaling kumanta, pati sa pagsasayaw wala kang gana. Energy naman, please,” angal ni Shannah nang solo number na ni Sylvie. Pinindot nito ang pause sa cellphone at tumigil ang musika mula sa bluetooth speaker. Sa malilim na bahagi ng garden ng Bright Minds Academy sila nagpa-practice para sa presentation.
“Alam ko mahirap mag-perform ng may kasamang magagaling. Nakaka-pressure. Pero sana naman mag-effort ka kahit kaunti. Ni hindi ka man lang nakangiti,” protesta pa ni Andrea at ipinaypay ang palad as mukha.
Pilit binanat ni Sylvie ang labi kasabay ng pagtalon. "I'm trying. Nakangiti na ako niyan.” Effort na effort na siya. Basang-basa na nga pati singit at kili-kili niya sa sobrang effort para lang pantayan ang energy ng mga ito.
Pero kahit anong gawin niya, di talaga siya performer. Kahit anong sigla ang ibigay niya, parang kulang pa rin. At kasalanan ba niya kung kahit nakangiti mukha pa rin siyang nakasimangot? Resting bitch face daw ang tawag doon. Hingal na hingal na siya at nagsisimulang mahilo pero ayaw niyang magsabi sa mga ito dahil baka sabihin tatamad-tamad siya samantalang di pa nag-I-improve ang performance niya. Di niya alam kung aabot pa siya mamaya.
"Pwede bang mag-break muna tayo?" singit ni Lancelot at tumayo mula sa kinauupuang bench. Tapos na ang parte nito at kahit wala sa tono, nabawi naman nito sa performance at sa pagpapa-cute.
"Break? Two hours na lang bago ang presentation natin. At wala siyang kalatoy-taloy na mag-perform.” Tumirik ang mata ni Shannah. “Hindi ako papayag na magkalat siya sa perfomance natin mamaya.”
"Wala pa tayong lunch,” protesta ng binata . “Gusto n'yo mag-practice agad pagkatapos ng klase natin. Kahit sino mawawalan ng gana. Let’s eat. Ubos na rin ang energy ko. Kumain muna tayo para pare-pareho tayong may energy.”
"We are on a diet,” sabi ni Shannah at hinawakan ang impis na tiyan.
“Yeah! We are okay with water and salad,” sang-ayon naman ni Andrea.
“We will be back after half hour,” sabi ni Lancelot at isinukbit ang bag sa balikat nito. Dinampot nito ang bag ni Sylvie bago pa siya makahuma. Hinila nito ang kamay niya. “Come on. Kumain muna tayo. Namumutla ka na. May baon ka?”
Umiling siya. Maaaga siyang umalis ng bahay at ayaw din niyang mapagod ang nanay niya na ipagluto siya. “Sa school cafeteria ako kakain.”
“Hindi talaga ako fan ng diet. We are growing. We need sustenance,” sabi nito.
Hindi na rin niya ito kinontra dahil gutom naman talaga siya. Di sila nagkikibuan nang umorder. Walang gaanong tao sa cafeteria. Di pa kasi breaktime at tapos na rin ang lunchtime. Inokupa niya ang bakanteng mesa malapit sa tabi ng bintana. Nagulat siya nang saluhan siya nito sa mesa. Matapos ang argumento nila kahapon, hindi siya nito masyadong kinakausap malibang kailangan sa project nila. Nakakapanibago pero iyon naman ang gusto niya.
“Kainin mo,” sabi ni Lancelot at inilapag sa harap niya ang isang bar ng Snickers nang tapos na siyang kumain.
“Bakit?” tanong niya.
“Nagre-release ng endorphin iyan at mararamdaman mo na masaya ka. Makakatulong sa performance natin. Baka maging masaya ang pakiramdam mo.”
Hindi niya dinampot ang tsokolate. “Ibigay mo na lang sa mga admirers mo. Sigurado ako matutuwa sila.”
“Sa iyo ko gustong ibigay iyan,” giit nito at binigyan na naman siya ng pamatay na ngiti.
"Stop being nice to me. Ang sama na nga ng ipinapakita ko sa iyo. Ayoko nga sa iyo, di ba?" aniya at tumungga ng tubig.
"Dapat ba magsungit din ako sa iyo dahil masungit ka rin sa akin?"
Nagkibit-balikat siya. "I suppose." Hindi niya maintindihan kung bakit mabait pa rin ito sa kanya kahit anong taboy niya sa lalaki.
"Mahirap na ang buhay para sa ibang tao. Marami nang malungkot at galit sa mundo. Bakit dadagdagan ko pa? Kaya mas gusto ko na nakangiti o kaya maging mabait pa rin sa iba kahit na parang wala akong kwenta sa kanila. Ano na lang ang mangyayari sa mundo kung lahat nagagalit o hindi masaya?”
Natigagal si Sylvie at medyo nahiya sa sarili. Kahit supladahan at sungitan pa niya ang lalaki, di pa rin ito natitinag. Pero wala siyang balak na mag-feeling close dito. "Okay lang ako kahit di ka maging mabait sa akin.”
Nangalumbaba ito at tinitigan siya. "Ikaw lang ang kakilala ko na ganyan. Baka takot kang ma-in love sa akin o kaya in love ka na."
Nahigit niya ang hininga. “Excuse me?”
“Strategy ng mga babae na magsungit sa lalaki na gusto nila para maiwasang tuluyang ma-fall o kaya naman para itago ang totoong nararamdaman nila.
Tumayo siya. “Hindi ako mai-in love sa iyo at wala sa plano ko. Asa ka naman."
Pinigilan nito ang kamay niya nang akmang aalis siya. “Ngumiti ka mamaya sa performance natin. Gusto ko nakangiti ka.”
“Ginagawa ko naman.”