A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 4

Inilahad ng ama ang kamay. “Ayan! Kaya di umuunlad ang Pilipinas dahil mga ganyan ang mind set ng mga nakakahalubilo mo. Gusto masaya ngayon. Gusto YOLO. Gusto maging independent kuno. Mabuti na lang talaga nailayo kita sa dati mong kaklase. Sa Bright Minds Academy, aktibo ang mga estudyante sa political forums at community service. Nakikipag-usap sila di lang sa mga leader sa Pilipinas kundi pati sa ibang bansa. Bata pa lang sila, alam na nila ang responsibilidad para sa bayan. Baka sakaling mahawaan ka ng galing nila.”

“Masyado kayong maraming hinihingi sa akin, Pa. Sana maging masaya na lang kayo sa mga narating ko,” mahina niyang usal at malungkot na ibinaling ang tingin sa labas.

Unang araw pa lang niya sa paaralan, inaatang na sa balikat niya ang lahat ng problema ng Pilipinas. Bata lang siya. Anong alam niya? Ni hindi man lang sumaya ang ama na natupad niya ang isa sa mga pangarap nito. Sa halip na ma-excite sa bagong eskwelahan, parang may tali na umikot sa leeg niya at sinasakal siya. Niluwagan niya ang black and yellow tripped necktie na nakapulupot sa leeg niya. Hindi siya makahinga.

“Proud sa iyo ang papa mo, Lance. Ayaw lang niyang maging complacent ka sa status mo ngayong celebrity writer ka na. That you can be so much more,” paliwanag ng ina. “Hindi ka ba masaya na magiging mabuting impluwensiya ka sa mga kabataan?”

Napilitan siyang tumango at ngumiti. “Tama kayo, Ma. Gagawin ko po ang lahat para madagdagan ang achievements ko. Hindi ko po kayo ipapahiya.”

“Dapat lang. Dala mo ang pangalan ng mga Valdrez,” sabi ng papa niya.

VALDREZ. Nakalinya ang pamilya nila Lancelot sa mga propesyunal - doktor, propesor, abogado at matagumpay na mga negosyante. May pangalang kailangang pangalagaan ang pamilya niya at bantog sa lalawigan ng Isabela. Mula sa pagiging simpleng magsasaka ng lolo niya sa tuhod, naitaguyod nito ang tatay niya at ang mga kapatid nito hanggang maging mga propesyunal. Achievers din ang mga pinsan niya. Pakiramdam nga niya ay napag-iiwanan siya dahil wala naman siyang maipagmamalaki kundi ang pagiging escort at bangko sa basketball team.

Hanggang dumating na ang pagkakataon niya na sumikat. May daang libo siyag mambabasa sa internet. Sold out din ang mga libro niya sa bookstores. Gagawin pang pelikula ang libro niya. Akala niya ay makukuha na niya ang recognition mula sa ama dahil kahit ang mga achievers niyang pinsan, tiyuhin at tiyahin ay ipinagmamalaki siya sa lahat. Pero hindi si Arnulfo Valdrez. Di pa rin siya sapat.

Be better. Be a better version of yourself, Lance.

Hindi ba may achievement na siya? Kahit nga ang mga pinsan niya ay hangang-hanga na nakapasok siya sa Bright Minds Academy. Hindi nga daw nag-inquire ang mga ito sa naturang paaralan dahil masyado daw mataas ang standard. Bagama’t pasok din sa top ten schools sa bansa ang pinasukan ng mga ito, iba pa rin daw ang dating ng Bright Minds Academy. Creme ala creme. Cream of the crop.

Alas siyete nang pumasok sa gate ng paaralan ang kotse ng ama. Pakiwari niya ay pumapasok siya sa ibang dimension. Nagtataasang puno ng acacia ang sumalubong sa kanila na nakatayo sa magkabilang gilid ng daan. May mga arrow kung saan ang direksyon na pupuntahan nila. May sariling swimming pool, sports facilities at music theater ang paaralan. Maganda rin ang Art STRAND program ng mga ito na pina-practice maraming taon na ang nakakaraan bago pa man I-implement ng K-12. Bilang paghahanda daw iyon sa mga estudyante na mag-aaral sa ibang bansa dahil kinikilala ang curriculum nito maging ng prestihiyosong universidad gaya ng Harvard, Princeton, Leiden at Oxford.

Habang palapit sa administrative office kung saan magpapakita sila sa registrar at sa director’s office para makausap ng magulang niya, napansin nila ang mga tao na estudyante sa magkabilang gilid ng kalsada. “Bakit maraming tao ngayon? May special event ba? May bisita ba?”

Nagkibit-balikat si Lance. “Hindi ko po alam.”

Habang maraming na-excite sa pag-transfer niya sa bagong paaralan, di siya nagtse-check sa page o website ng naturang eskwelahan. Abala siya sa pagpapaalam sa mga guro at kamag-aral pati na rin sa mga bago at lumang kaibigan. Isang buwan pa lang siyang pumapasok bilang first year senior high school sa Holy Grail High School nang dumating ang approval papers niya para sa Bright Minds Academy. Wala sa hinagap niya na papasa siya. Sa Holy Grail High siya nag-junior high school. Parang pangalawang bahay na niya. Hindi niya alam kung ano ang dadatnan sa bagong paaralan. Kung makakasundo ba niya ang mga bagong kaklase.

Nauna siyang lumabas ng kotse at inalalayan sa paglabas ang ina. Parang tumigil ang lahat ng estudyante na nakabantay doon. Nanahimik ang buong paligid. Nakatutok lang ang mga mata sa kanya. Parang tinantiya siya ng mga ito, sinusuri.

Paano kung ayaw nila sa akin? Problema ko na nga kung paano ko maaabot ang high standards nila sa academics, baka mataas din ang standard nila sa magiging kaibigan.

“Emegerd! Si Knight nga! Nandito na si Knight!” sigaw ng boses ng isang babae.

Malakas na tilian at sigawan ang kasunod niyon. Parang dumadagundong ang paligid sa lakas ng sigawan. Namangha siya. May mga banner pa ang iba na nagpapakita ng pagmamahal sa kanya.

“Lodi!” sigaw pa ng isang lalaki na nakasunod ng basketball jersey. Sinaluduhan naman niya ito.

Mistulang meet and greet iyon na ihinanda sa kanya. Nangyayari lang iyon kapag may book signing siya. Pero di niya inaasahan na ganoon kagarbo ang isasalubong sa kanya ng bagong kamag-aral. Masaya ang mga ito na nandoon siya.

“We love you, Knight!” tilian ng grupo ng kababaihan.

“I love you, too,” aniya at kumaway sa grupo ng magagandang dilag. Nagtilian ang mga ito sa sobrang kilig.

Mahinhing tumawa ang nanay niya. “Ang sweet naman ng mga estudyante dito.”

“I love you, Mommy!” sigaw naman ng isang bading na nakakapit sa poste ng street lamp. “Ako po ang future daughter-in-law n’yo.”

Humagikgik ang ina at kumaway din. Kahit paano ay nabawasan ang kaba niya sa dadatnang mga kamag-aral dahil sa mainit na pagtanggap. “Mamaya na iyan. Naghihintay na ang school director sa akin.”

Isang matandang babae ang naghihintay sa harap ng building. Ito rin ang nag-interview sa kanya dalawang linggo na ang nakakaraan tungkol sa pagpasa niya dahil na rin sa rekomendasyon ng publisher niya.

“Welcome to Bright Minds Academy, Knight.”

Kinamayan niya ang school director na si Dr. Kintanar. “Call me Lance please, Ma’am.” Bagamat masaya siya sa pagiging Knight, mas gusto niyang tawagin siyang Lance ng personal na mga kakilala. Isa pa, magaan ang loob niya sa direktor. Sigurado di ito mukhang istrikto at masungit.

“Mas kilala ka bilang Knight. Ikaw ang bukambibig ng mga kabataan ngayon. What can you say about the warm welcome of your schoolmates?” tanong nito.

“Ganito po ba lagi kapag may bagong estudyante?” namamangha niyang tanong.

“No. The last time we have this huge turn out, presidente mismo ng Pilipinas ang dumalaw. Hindi nga namin inaasahan na dadagsa ang mga estudyante para salubungin ka. Sila ang nagkusang nag-abang. Normal na school day lang dapat ngayon at papasok ka lang sana bilang normal na estudyante. Nasorpresa din kami.”

Nanlaki ang mga mata niya. “Hanep! Ibig sabihin gusto talaga ako ng mga tao ito? Parang nagugustuhan ko na dito.”

“Sabi ko naman sa iyo magugustuhan mo sa Bright Minds Academy,” sabi ng ama.

Napalitan ng labis na kaligayahan ang kaba ni Lance kanina. Parang sasabog ang puso niya. “Pwede ko po bang makausap muna ang iba sa mga schoolmates ko? Nakakahiya lang po kung di ko man lang sila mababati. Magpapasalamat lang po ako sa pag-welcome nila.”

Inilahad ng direktor ang kamay. “Go ahead, hijo. Tapos itu-tour ka dito sa school bago ka pumasok sa klase mo.”

“Salamat po, Ma’am,” aniya at sumaludo sa direktora.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.