A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 42

Bago sa pandinig ni Lancelot na masaya ang ama niya para sa kanya. Inapuhap agad ng binata ang ama at nakitang kausap ang adviser nila sa The Newsmaker. May ngiti sa mga labi nito. Nakadama siya ng pagmamalaki sa sarili. Di niya inaasahan na maghapon siyang babantayan ng ama sa event niya. Wala itong interes sa pagsusulat niya. Laging mama niya ang sumasama sa kanya mula sa contract signing sa publication at sa pelikula hanggang sa mga event. Katwiran ng nanay niya, maraming trabaho ang tatay niya. Naiintindihan niya iyon. Pero pakiramdam niya minsan maliit na bagay lang para dito ang pagiging manunulat niya. Ngayong nakasama na ito sa event niya, ibig bang sabihin kinikilala na nito ang galing niya?

Bilang isang anak na sabik sa atensyon ng ama, masayang-masaya siya doon. Sana suportado na siya siya nito at di na nito maliitin ang kakayahan niya. Wala naman siyang pingarap kundi ang sabihin nito na masaya ito sa narating niya.

Tahimik lang si Lancelot habang naghahapunan sila. Halos di na siya makakain sa pagod. Hinayaan na lang magkwentuhan ang mga kasama sa nangyaring event.

“O! May relyenong bangus pa dito, Knight,” alok sa kanya ni Miss Castillo. “Parang di ka pa masyadong kumakain.”

"Sa pagod lang po, Ma'am. Pero gusto ko po iyan. Nasaan po si Sylvie?" tanong niya sa adviser.

"Umuwi na agad. Masama daw ang pakiramdam,” malungkot na sagot nito. “Mama lang niya ang nakausap ko kanina. Nagpapahinga daw.”

“Ma’am, iyon po ba ‘yung huling nagtanong kay Knight noong open talk?” nakataas ang kilay na tanong ni Miss Frecy. "She came on too strong, being so rude to Knight. Pati mismong publication namin kinuwestiyon niya. Estudyante pa lang naman siya. She’s a bit arrogant.”

"May point ang estudyante na iyon. Paanong siya ang mali? Dahil may mga mali talaga sa libro. Hindi ba iyon naituwid bago i-publish? Paano ko maipagmamalaki ang gawa ng anak ko sa iba kung puro naman mali ang mababasa nila? Responsibilidad iyan ng publication n'yo." singit naman ng ama ni Lancelot na si Arnulfo. “Kaya ko pinayagan ang publication ninyo na I-publish ang gawa ng anak ko dahil akala ko aalagaan ninyo siya. You used to publish works from Palanca awardees. Akala ko iyon ang standard na susundin ninyo. Nag-iba na kayo ng policy?”

Ngumiwi si Lancelot dahil parang batang sinesermunan si Miss Frecy. “Sumugal po ang publication namin sa new breed ng writers. Isa si Lancelot na nabigyan ng tsansa. Gusto siya ng readers. Mapapatunayan iyan sa sales ng libro niya at sa event niya ngayon.”

“Hindi ko kinukwestiyon ang sales ninyo o ang kasikatan ng anak ko. Pero di iyon ang mahalaga sa akin. Dapat ba akong matuwa na sikat ang anak ko pero may nakikita akong kulang sa kwento niya? Kayo ang mas propesyunal. Kayo ang mas dapat gawin para mas maayos ang kwento ni Lancelot. Wala ba kayong editor?”

Parang kutsilyo na sumaksak sa puso ng binata ang sinabi ng ama. Hindi pa rin pala siya sapat. Sa kay Sylvie ito pumanig. Sa pagkakataong ito, ayos lang sa kanya kung ayawan siya ng buong mundo o laitin ang kwento niya. Pero sana kahit kaunti maging masaya man lang ang ama niya sa narating niya. Di pa rin pala sapat.

"In my defense to Sylvie, she is very vocal and opinionated. In this school, we allow our students to speak their minds and engage in intelligent discussions,” kalmado at nakangiti pa ring sabi ni Miss Castillo. “Dito sa Bright Minds Academy, malaya silang magtanong kahit sa aming mga teachers. Hindi absolute ang karunungan naming mga teachers. Minsan mas may alam pa nga ang mga bata kaysa sa amin. Pero ang magagawa namin ay I-encourage sila na mag-aral pa at I-share din ang karunungan nila sa iba.”

"Kaya gusto kong pumasok dito ang anak ko. Alam ko na mas matsa-challenge pa siya. Sana gayahin ng anak ko ang estudyante na iyon. Very smart. Mukhang sineseryoso niya ang pag-aaral niya. Hindi happy go lucky. I hope that the publication will also take note of that young lady's concern. At sa susunod na libro ng anak ko,malaking bagay na ma-edit munang mabuti. Ayokong maging laughing stock ng matatalinong tao ang anak ko."

Tumango agad si Miss Frecy. Sa tono ng ama niya, mahirap itong kontrahin. "O-Of course, Sir. We will check the story before we reprint it. Siguro ganoon din sa susunod na libro ni Knight. Ayoko rin namang mapahiya ang anak ninyo, Sir.”

"Responsibilidad nating nakatatanda na ituwid ang mga mali ng mga bata,” mariing wika ng ama niya. “Kaya gusto kong mag-aral kang mabuti, Lancelot. Naiwasan sana ito kung iniintindi mo ang pag-aaral mo."

Wala na akong ginawang tama. At kailangan pang sa harap ng ibang tao siya nito sermunan. Di lang siya ang sinermunan nito kundi pati ang assistant ng publisher. Hindi niya gaanong alam ang kalakaran sa mundo ng matatanda. Kung concern talaga ang ama niya, ito sana ang nag-check ng kwento niya bago I-publish para di ito nagrereklamo ngayon. Pero unahan pa lang ng kwento niya, nilait-lait na na nito. Ni hindi man lang nito tinapos ang kwento dahil abala daw ito sa trabaho.

"Kumain po muna tayo. The event is successful. That is something to celebrate about,” sabi ni Miss Castillo.

Pero nawalan na ng ganang kumain si Lancelot. Naglaho na rin kahit ang saya na naramdaman niya kanina. "Si Kuya Roumel po, Ma’am?" tukoy niya sa editor-in-chief ng The Newsmaker at naging host sa talk nila kanina. Napansin niya na di rin ito sumama na maghapunan.

"Nasa editorial room ng The Newsmaker. Siya ang tumatapos sa trabahong naiwan ni Sylvie. Gusto rin daw niya na makapag-post agad tungkol sa event mo."

“Baka hindi pa po siya kumakain. Dadalhan ko po siya ng pagkain,” prisinta ni Lancelot.

"Hindi na kailangan. Sila Aiona na lang,” anang guro.

"Ako na po. Gusto kong personal na magpasalamat sa pagtulong niya sa event at sa pagho-host po. Alam ko malaki ang hirap niya dito.”

Wala nang nagawa ang mga ito nang kumuha siya ng pagkain para kay Roumel. Gusto rin niya ng rason para makatakas sa diskusyon ng matatanda lalo na sa tatay niya. Hindi siya makahinga.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.