A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 43

Kumatok muna siya bago pinihit ang seradura ng pinto ng editorial room. Naabutan niya si Roumel na tutok na tutok sa computer. Mabilis ang pagtipa nito sa keyboard habang nakaangat ang tingin sa kanya.

“Hi! Tapos na ba ang event?” tanong nito at saglit tumigil sa pagtitipa.

Tumango siya. "Good evening. Dinalhan kita ng pagkain. Napansin ko kasi na ikaw lang ang wala sa dinner."

"Thank you. Nice talk by the way. Nag-enjoy ang readers mo,” anito nang tanggapin ang pagkain na nalagay sa food pack. “Congratulations!"

Matabang siyang ngumiti. "Alam naman natin na sabaw lang ang discussion ko. Ganoon naman ang tingin ninyo sa akin dito lalo na 'yung mga intelehente - mababaw, walang laman, walang sense."

Matapos ang diskusyon nila ni Sylvie kanina, alam niyang isa si Roumel sa kaibigan nito at pwede rin niyang makausap ng prangkahan. Hindi nito isu-sugarcoat ang sagot sa kanya. Real talk lang, ika nga.

Nagkibit-balikat ito at nanatili pa ring nakangiti. "Aaminin ko ang discussion kanina kumpara sa mga ibang discussion na ginanap dito sa Bright Minds Academy. Magaan lang ang diskusyon mo at masaya. Not everyone is your fan thoigh."

"Kasama ka na doon. You also hate me."

Tumigil ito sa pagkain at pinagmasdan siya. "Hate is such a strong word. Sabihin na nating di sulat mo ang karaniwang binabasa.”

"Di ako umabot sa standard na gusto n'yo. Sa palagay n'yo di ako karapat-dapat sa kasikatan ko o sa papuring natatanggap ko. Baka nga iniisip n'yo, di ako deserving na maging parte ng eskwelahang ito,” aniya at mapait na ngumiti. Ngayon na lang siya sumasabog sa kinikimkim niyang emosyon. Oo, hindi siya matalino. May insecurities siyang itinatago. Dinadaan na lang niya sa pagiging masayahin at pakikisama dahil doon naman siya magaling.

"May mga kahinaan ka nga siguro sa mga academic subject. Alam ko naman na di ka pumasa sa exam dito. Ilang beses na. Pero wala sa akin iyon. Karapatan ng isang estudyante na mag-aral kung saan niya gusto. Di ko pwedeng husgahan ang isang tao ayon sa kakulangan niya. Kaya ka nga pumasok dito dahil gusto mong matuto, hindi ba? I don’t hate you. At di mo ako kaaway,” paglilinaw nito. “Nandito tayo sa eskwelahan na ito para matuto at magtulungan.”

"Sana ganyan din si Sylvie,” mapait niyang usal.

Ginawa niya ang lahat para mapalapit sa babae pero di pa rin sapat. Di pa rin siya sapat para dito. Parang di talaga siya nito magugustuhan. Parang may galit ito sa kanya kahit na wala siyang ginagawang masama. At ipinamukha nito sa kanya sa harap ng maraming tao na di siya nito magugustuhan kahit na kailan. Nakakapagod pala na ipagpilitan ang sarili sa taong ayaw sa kanya. Di na bago sa kanya ang mga taong nagsasabi na di siya magaling. Pero dalawang tao lang ang nakaapekto sa kanya - ang ama niya at si Sylvie.

"Sabihan mo nang mayabang si Sylvie pero pinaghirapan niya kung saan man siya nakarating ngayon. She had always been fair. Kaklase mo siya kaya alam mo siguro kung anong klaseng estudyante siya.”

He shuddered. “May idea na ako.”

Naalala niya kung paano ito nagsikap para sa presentation nila nang mag-perform sila para sa One Direction. Nag-research pa ito at hinanapan nito ng mas malali na explanation ang mga kantang napili nila. Grade-conscious din ito.

“Maraming Bright Minds na katulad ni Sylvie,” pagpapatuloy ni Roumel at sumubo ng chicken fillet. “At di mo rin masisisi ang ibang estudyante dito kung magtaka man sila na makapasok ka. Marami sa amin dito ang pinaghirapan para makapasok dito.”

"At nakapasok ako dito dahil nagkataon na guwapo ako at sikat,” sabi ni Lancelot at humalukipkip. “Kasalanan ko ba iyon? Buong buhay ko naman, sinusubukan ko na mag-aral mabuti. Hindi lang talaga ako katulad n'yo na magaling sa academic. Tanggap ko naman iyon.”

Hindi iyon isyu sa kanya nang nasa Holy Grail High siya. Kaibigan niya ang mga kaklase niya doon. Di niya kailangan na makipagkompitensiya.

Pero iba nang makapasok siya sa Bright Minds Academy. Competitive ang mga tao doon. Lahat may gustong patunayan. Lahat gustong umangat. Pakiramdam tuloy niya di naman siya bagay sa eskwelahan na iyon. Pero nandito na siya. Hindi na siya makakaurong. Di naman niya alam na magiging malaking isyu ang presensiya niya doon o may maiinsulto siyang ibang estudyante.

“Dahil ba mali ang grammar ko o may loophole ang sulat ko, wala na akong karapatan na katuwaan ng ibang tao? Dahil ba di pang-Palanca ang sulat ko o pang-intelehente, wala na akong karapatan na ma-appreciate ng iba?” naghihinanakit na tanong ni Lancelot.

"Hindi ito tungkol sa kung wala kang karapatan na ma-appreciate ng ibang tao o hindi. Tungkol ito sa kung ano ang tama at mali. Sa pagitan ninyo ni Sylvie, labanan ito ng ideya at talino.”

Huminga siya ng malalim. “Alam ko. Kahit Papa ko sang-ayon sa kanya.”

“Kung tutuusin, maswerte ka dahil may nagsasabi sa iyo kung saan ka nag-i-improve. It was brave of Sylvie. Di mo iyon maririnig sa ibang tao. Isipin mo na lang gusto niya na galingan mo pa. Don’t take it negatively. That is how I see it. Nasa iyo na kung gugustuhin mong gamitin ang pointers na ibinigay niya para mas gumanda ang kwento mo o mamasamain mo ito.”

Naiintindihan niya ang punto ni Sylvie at ang paliwanag ni Roumel. Di siya mapagmataas para di tumanggap ng pagkakamali. Pero puro depensa lang ni Roumel ang naririnig niya ngayon. Mas gusto niyang si Sylvie mismo ang magpaliwanag sa kanya.

“Gusto kong makausap si Sylvie,” ani Lancelot sa kalmadong boses.

"Sa Lunes na siguro. Let it rest. At magpahinga ka na rin. Baka pareho kayong emosyonal at di kayo magkaintindihan."

“Hindi ako galit sa kanya,” pagliliwanag ni Lancelo. “Gusto kong malaman kung sino si Mark Andrew. Totoo ba na boyfriend siya ni Sylvie?"

Tumalim ang mata nito. Mukhang sensitibong paksa si Mark Andrew di lamang para kay Sylvie kundi para din kay Roumel. "Hindi ko alam kung dapat ako ang magsabi kung sino si Mark Andrew.”

Mariin siyang pumikit. Di nito gagawing madali ang lahat sa kanya malibang aminin niya kung ano ang totoong nararamdaman niya. "Alam ko na may kulang pa akong tatlong article para maitanong ko ang lahat ng gusto kong malaman tungkol kay Sylvie. Pero tatawad muna ako. Gusto kong malaman ang lahat. Gusto ko siyang maintindihan.”

“It was a joke. Di ko alam na seseryosohin mo. At kahit pa seryoso iyon, di ako sigurado kung magugustuhan ni Sylvie na ako ang magkwento sa iyo.”

Kinuyom ni Lancelot ang palad. May privacy na pinangangalagaan si Sylvie pero di siya matatahimik hangga’t di nasasagot ang mga tanong niya. “Pwede kong tanungin ang ibang kaklase namin. Alam ko sa Sassy pa lang masasagot na ang tanong ko. Pero ayokong sa iba manggaling. Ikaw lang ang alam kong kaibigan ni Sylvie. I want to help her.”

“Gusto mo siya?”

Marahan siyang tumango. “Hindi ko rin alam kung bakit. Pero malungkot ang mga mata niya. Something about her is calling out to me. Gusto kong mapasaya siya. Pero parang itinutulak niya ang mga tao palayo.”

Mahabang sandali siyang tinitigan ni Roumel. Animo’y pinag-iisipan pa nito kung dapat nga siya nitong pagkatiwalaan - kung kakampi siya o kalaban. Dahil isang pagkakamali nito, maaring mas lumayo si Sylvie sa mga tao. Dahil nang mga oras na iyon, alam niyang kaaway na ang trato sa kanya ng babae.

Tumango si Roumel. "Okay. Gagawin ko ito dahil sa nagmamalasakit ka kay Sylvie at ganoon din ako sa kanya. Sa loob ng mahabang panahon, itinulak niya ang mga taong malapit sa kanya palayo at wala nang gustong lumapit sa kanya. Matapang ka. I must hand it to you.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.