A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 44

May hinalungkat si Roumel sa file cabinet at inabot kay Lancelot ang mga old edition ng The Newsmaker. May isang tampok na larawan ng isang estudyanteng lalaki na nasa unahang larawan ng bawat edisyon.

“This is Mark Andrew Cahayon. He used to be the pride of this school with his numerous awards. Student leader din siya at news editor ng The Newsmaker.”

“Wow! Isa siyang mamaw. Ang dami niyang award.”

Nanliliit siya kung iisa-isahin siguro ang mga award na nakuha ng lalaki - speech, declamation, debate, quiz bee at kung anu-ano pang nakakapiga ng utak na labanan. Nag-speech pa ito sa United Nations. Hindi siguro siya magkakaroon ng ganoong pagkakataon na makaharap ang mga kapita-pitagang tao sa buong mundo. Baka mag-joke lang siya o himatayin siya sa sobrang kaba.

“Yes. Madalas niyang I-represent ang eskwelahan na ito di lang sa iba’t ibang kompetisyon sa bansa kundi pati sa ibang bansa. He is perfectionist and very competitive. He is my fierce rival and my best friend,” pagpapatuloy ni Roumel binuklat ang pahina kung saan nag-first place ito sa essay writing na patimpalak ng Australian-ASEAN Council tungkol sa Human Trafficking na karamihang biktima ay ang mga kabataan at second place naman si Mark Andrew.

“Kahit na magkaibigan kayo, magkalaban pa rin kayo?” tanong niya.

“That is normal. Kahit naman sila ni Sylvie ganon din. Sa mga competition, we push each other up. Walang personalan. Mas ginagalingan nga namin kapag kaibigan o malapit sa amin ang kalaban namin. Walang nagpapatalo. Malaki rin ang kinalaman niya kung bakit sobrang competitive ni Sylvie.”

“Kaya siguro katulad ni Mark Andrew ang gugustuhin niyang maging boyfriend.” Kung talino ang pag-uusapan, wala siyang laban kay Mark Andrew. “Nasaan na siya? Wala na siya dito sa Bright Minds Academy? Lumipat na ba siya ng school?”

Tumanaw si Roumel sa bintana at malalim na huminga. “Wala na siya. Isang taon ang nakakaraan nang mag-reunion siya kasama ang ibang kaibigan sa probinsiya. Mga kababata niya. Nagkainuman ang iba at muntik nang may malunod. Sinagip niya ang isang kaibigan niya. Pero sa huli, siya naman ang di nasagip at tinangay ng agos. His body was recovered a few hours after, lifeless.”

“P-Patay na siya?” bulalas niya kasabay ng pagtakas ng kulay sa mukha niya.

“Sylvie took it so hard. Hanggang ngayon nagluluksa pa rin siya.”

“At wala na siyang ibang minahal kundi si Mark Andrew lang?”

Nilingon siya nito. “Hindi madali para kay Sylvie ang lahat. For months now, nag-focus lang siya kung paano bubuhayin ng legacy ni Mark Andrew.” Nag-type ito sa web browser at lumabas ang isang page sa Facebook na nakapangalan kay Mark Andrew. “Dito naka-post ang mga speech ni Mark Andrew, mga articles at essays na naisulat niya at pati mga articles na naisulat niya. Lahat in-encode pa ni Sylvie pati mga sulat ni Mark Andrew noong bata pa. Unfortunately, she didn’t get much engagement as expected.”

Nadismaya din si Lancelot nang makita ang mga numero. “Ni di tumaas ang engagement niya sa one hundred likes?” Pinasadahan niya ng basa ang sulat ni Mark Andrew. Artikulo iyon tungkol sa mabilis na pag-unlad ng ibang bansa kumpara sa Pilipinas. Di iyon basta-basta madi-discuss ng ordinaryong estudyante pero nakuha ang atensyon niya. “Pero magaganda ang sulat niya. Bakit di maraming tao ang nagbabasa ng sulat niya?”

“Baka dahil di sila interesado sa ganyang mga topic. Mas interesado sila sa romance, sa kilig at sa horror. Whatever entertains them. Pero sa mga seryosong topic sa lipunan, di sila interesado. They find it boring and too serious. Masyadong mataas ang level para pagsimulan ng diskurso para sa mga kaedad natin. Too intimidating. O siguro dahil di siya kasing guwapo mo.” Nagkibit-balikat ang lalaki. “I don’t know.”

“Yeah, right. Habang ako na puro loopholes ang kwento at puro mali ang grammar pero nakakakuha ng libong likes sa isang post lang ng picture ko habang kumakain ng noodles, for example. Hindi na ako nagtataka ngayon kung bakit pakiramdam ni Sylvie hindi ako deserving sa kinalalagyan ko. Pero di ko naman kasalanan kung nagustuhan ako ng mga tao.”

“I agree. Pero sa palagay ko, nanghihinayang lang si Sylvie sa mga pagkakataon na magagamit ang kasikatan mo para makapag-share ng maraming kaalaman sa ibang tao. Hindi mo ba gusto iyon, na magamit mo ang status mo para may matutunan sa iyo ang ibang tao?”

“Hindi ko alam. Hindi ko naman alam na sisikat ako ng ganito. Gusto ko lang talagang magsulat noon dahil nabo-bore ako. Hindi ako katulad ninyo na kailangang maging magaling para sa kabutihan ng mundo. Wala akong ganoong misyon. Gusto kong makawala sa school. Wala akong pakialam sa rules, sa grammar at sa loopholes. Natutuwa ang mga tao sa gawa ko kaya pinagbibigyan ko sila. Dinadagdagan ko ang lang ang kwento ko dahil iyon ang request nila. Dahil masaya daw sila. Proud ako sa gawa ko dahil nakapagpasaya ako ng iba. Hindi ko inaasahan na magiging mabigat pala ang responsibilidad ko.”

At mas bumigat pa iyon dahil ngayon ay estudyante na siya ng Bright Minds Academy. Dati tatay lang niya ang problema niya. Ngayon dala na niya ang responsibilidad sa mambabasa niya at sa mundo.

“This is life. Hindi na laro ang lahat ng ito. Pero kaya ka nga nag-aaral para mag-improve, ‘di ba?” sabi ni Roumel. Tinapik nito ang balikat niya. “Sana hindi mo ito makita bilang hadlang. Marami kang potensiyal. Ibig sabihin marami ka pang pwedeng I-improve at gagaling ka pa. Di ako naniniwala na gusto ka ng readers mo dahil mali-mali ka. Mas magugustuhan ka nila mas gagalingan mo pa.”

“Kapag ba ni-revise ko ang nobela ko at naitama ko ang mga mali, matutuwa na si Sylvie sa akin? Magugustuhan na kaya niya ako?” tanong niya.

Sa unang pagkakataon ay bumalik ang ngiti ni Roumel. “Gusto mo talaga siya.”

“Di ko nga alam kung bakit ko siya nagugustuhan kahit sinusungitan niya ako. Masokista ata ako. Mas gusto na nasasaktan.”

Magaan itong tumawa. “Maa-appreciate siguro niya kung iko-consider mo ang suhestiyon niya. Hindi na siguro siya masyadong magsusungit sa iyo pero di ako sigurado kung magugustuhan ka rin niya. Si Sylvie lang ang makakasagot niyan.”

“Kailangan ba na maging kasing galing ako ni Mark Andrew para matuwa siya sa akin?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.