Nagkibit-balikat si Roumel. “That is highly improbable. Magkaiba kayo ni Mark Andrew.”
“Kaya ko naman patunayan na di ako sabaw. Na magaling din akong writer. Kahit ano gagawin ko para ngumiti lang siya sa akin.”
“Pwede mong subukan. Pero wala akong alam sa panliligaw. Di pa nga ako nagkaka-girlfriend. At bilang kaibigan ni Sylvie, di ko alam kung ano pa ang magpapangiti sa kanya. Kaya nga kita tinutulungan na maintindihan siya dahil ikaw lang ang sa palagay ko may lakas ng loob na harapin ang kasungitan niya. Baka bumalik ang Sylvie na masiyahin na nakilala ko dati.” Pinisil niya ang balikat nito. “I think you are good with people. Kaya umaasa ako na gagawin mo ang lahat para makuha ang loob ni Sylvie. Wag mo siyang basta-basta susukuan. Kailangan ka niya.”
“Hindi ako titigil hangga’t di ko siya napapangiti. ‘Yung totoong ngiti.”
Dahil kahit di alam ni Sylvie, minsan na itong nagdala ng ngiti sa kanya nang panahon na bagsak na bagsak siya. He would just return the favor.
“SO, this it. Kailangan ko nang pumasok sa school. Kailangan kong harapin ang lahat ng mga taong galit sa akin at pabor kay Lancelot. Hindi ko pa alam kung paanong magso-sorry nang tama kay Lancelot at sa fans niya.”
Naggiyagis ang ngipin ni Sylvie habang nakatayo sa harap ng puntod ng nobyo. Nanunuot ang lamig sa balat niya. Kauulan pa lang noon at papasikat ang araw pero nasa memorial park na siya.
Tahimik ang araw niya buong Linggo dahil nasa farm lang siya. Nagbungkal lang siya ng mga halaman, nagbasa-basa ng libro at kumain ng anumang gustuhin niya. Walang internet at di siya humawak ng gadgets. Pansamantala niyang kinalimutan ang gulong kinasasangkutan niya kay Lancelot. Pansamantala siyang nakapagtago sa mundo. Dahil naka-deactivate ang social media accounts niya, pihadong lalong maghuhurumentado ang mga fans nito dahil walang mapagbabalingan.
Ngunit Lunes na naman at kailangan na niyang harapin ang konsekwensiya ng ginawa niya. Wala na siyang matatakbuhan ngayon.
“Pag ba nag-sorry ako, ibig bang sabihin isusuko ko na rin kung ano ang pinaniniwalaan kong tama? Please tell me what to do, Mark Andrew. Kapag isinuko ko lahat, para saan lahat natutunan ko at ipinaglalaban ko? Lulunukin ko na lang ba? What if they make my life a living hell? Ganito ko ba gugugulin ang mga huling taon ko sa Bright Minds Academy?”
Hinahanap pa rin ni Sylvie ang sagot sa mga tanong. Pumunta siya sa puntod ni Mark Andrew sa pagbabaka-sakaling makuha niya ang sagot na kailangan niya. Pero wala pa ring matinong planong nabuo sa utak niya habang bumibiyahe. Plano niyang gumawa ng official statement bago i-activate ang account niya at I-post doon. Ilang beses siyang nag-compose ng letter of apology para kay Lancelot at sa mga fans nito pero di niya maituloy-tuloy pagkatapos pa lang ng isang paragraph.
Mas mabuti bang kausapin ko muna si Lancelot bago mag-post sa social media account ko? Ayokong mag-post nang di pa kami nagkakausap.
Pero paano niya gagawin iyon kung di niya alam kung may lakas siya ng loob na harapin ito kapag nagkita sila. Paano kung ayaw nitong tanggapin ang sorry niya? Paano kung mas gugustuhin nitong ipalapa siya sa malulupit nitong fans dahil sa pamamahiya niya dito?
Malakas ang kaba sa dibdib ni Sylvie. nang makarating na sa harap ng Bright Minds Academy at bumaba sa sasakyan. Gusto niyang maglakad-lakad kapag nasa eskwelahan dahil sa mga puno at bulaklak na nadadaanan niya. Pero nailang siya at napuno ng pangamba dahil sa kanya agad nakatutok ang mata ng mga tao. Kalat na kalat na ang nangyari sa event ni Lancelot dahil naka-Facebook Live din iyon.
May matatalim. May natatawa. May naiirita. Tuwid lang ang tingin niya pero nararamdaman niya ang titig ng mga ito. Napapansin niyang nagta-type ang mga ito sa kanya-kanyang smartphone. Di man mag-usap ang mga ito, alam niyang siya ang pinag-uusapan ng mga ito sa social media.
Di rin nakaligtas sa pandinig niya ang pasaring nang madaanan niya ang ilang junor high students na nagkukwentuhan sa pathwalk.
“How lucky naman that ate girl. Gusto talagang maging sikat ‘no?”
“True. Bida-bida masyado. Parang wala lang sa kanya na papasok matapos niyang ipahiya si Knight?”
“May mga tao talagang matataas ang tingin sa sarili.”
“Akala mo naman siya lang ang magaling. That is so mean.”
“She’s not a good role model as a senior. She should learn some humility.”
Lumakad lang siya at tuwid ang tingin. Stay strong, Sylvie. Kaya mo ito. Gawin mo lang ang tama. Be humble where it counts.
Maaga-aga pa. Di muna siya dumirekta sa classroom. Di niya alam kung ano ang magiging pagtanggap ng kaklase. Tiyak na pupuntiryahin siya ng ilan sa malditang kaklase na fans ni Lancelot. Kailangan din niyang hamigin ang sarili at may spiel man lang siya kapag nakaharap ang binata.
Kailangan ko ng matinong sorry speech bago ako pumasok.
Muntik nang umurong ang dalaga nang pagpasok sa restroom ay naroon na ang Sassy. Tumigil ang mga ito sa pagre-retouch.“Good morning,” mahina niyang sabi.
“Good morning!” masayang bati ni Ariane. “Looking good, Sylvie. Mukhang maganda ang weekend mo.”
“True. Look at her clear skin,” sabi ni Aiona. “Buti pa ikaw masarap ang weekend at mukhang nakatulog ka nang mahimbing.”
“I spent time with my family,” aniya sa patag na boses.
“Good for you. Na-miss ka namin sa event ni Knight,” anang si Mindy. “Maraming fans niya ang naghahanap sa iyo. Bakit nawala ka agad?”
“M-Masama ang pakiramdam ko kasi.”
Magaang tinapik ni Aiona ang pisngi niya. “I hope you are feeling better now. Ayaw namin na magkasakit ka. You know that you are the golden girl of this school. Kapag nawala ka, mababawasan ang matatalino dito. We can’t have that.”
Hindi niya na-miss ang sarkamo ng babae. “T-Thank you. Excuse me.” At pumasok sa isa sa mga cubicle.
Kinakabahan siya kahit na maganda ang approach sa kanya ng Sassy, maldita ang mga ito. Mas gugustuhin niya na makita na sumasabog ang mga ito na parang bulkan kaysa sa tahimik. May pinaplano ang mga ito. Di niya alam kung ano.
Ibinaba niya ang lid ng toilet bowl at umupo doon. Inilabas ang cellphone para makapagsimula nang mag-compose ng message sa cellphone niya. May narinig siya na parang may kumakaluskos sa pinto ng cubicle niya. “Ano iyon May tao dito.”
“Uh oh! Malapit na ang time natin,” narinig niyang sabi ni Ariane.
“Mauna na kami, Sylvie. See you in class,” ani Mindy at kumatok pa.
“I am excited for your lesson, dearie,” anang si Aiona at humalakhak pa.
Nakahinga nang maluwag si Sylvie nang mag-alisan ang mga ito. Parang tahimik na rin ang restroom dahil nag-alisan na ang mga estudyante at pupunta na sa kanya-kanyang klase. Napayapa ang utak niya. May sampung minuto pa bago magsimula ang klase nila. May oras pa siya para makapag-isip-isip ng sasabihin kay Lancelot. Huwag sana siyang ma-mental block.
Huminga siya ng malalim. Matapos ang ilang minutong pag-upo sa trono, wala pa rin siyang nabuo. “Okay. A simple sorry will do. Siguro naman may matino na akong masasabi kapag nagkaharap na kami.” Tumayo siya at itinulak ang pinto pero hindi iyon bumukas. Na-lock-an siya ng pinto. “Buksan ninyo ang pinto! Please! Male-late na ako.”