A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 46

Makalipas ang ilang beses na pagsigaw, walang pa ring sumagot kay Sylvie. Nag-alisan na ang mga estudyante. Nagsipasok marahil sa kanya-kanyang klase kaya wala nang natira sa restroom. At siya lang ang naiwan doong mag-isa. Wala nang pupunta nang mga oras na iyon.

Binuksan ni Sylvie ang cellphone na di niya binubuksan mula pa noong Sabado. Wala siyang ka-close na kaibigan sa room pero umaasa siya na tutulungan ng class president nila. O kahit sana si Roumel kung wala siyang kakampi sa room niya. Di siya matatanggihan nito. Nasa iisang building lang naman sila.

Pero laking dismaya niya dahil walang signal sa restroom. Wala nang tutulong sa kanya. Nasa klase na ang ibang estudyante at di niya alma kung anong oras na may maliligaw para gumamit ng palikuran. Ibig sabihin ay di na siya makakalabas.

Mahina siyang napahikbi. Ganoon na ba siya kasama para maparusahan nang ganito? Ito na ba ang kabayaran sa pamamahiya niya kay Lancelot? Niyakap ni Sylie ang sarili at impit na umiyak. Ngayon lang siya nakadama ng malalim na lungkot dahil sa pag-iisa. Ganito pala ang pakiramdam ng walang kakampi. Walang magliligtas sa kanya. Baka nga kahit na may pumasok sa restroom, hindi rin siya tutulungan oras na malaman kung sino siya.

Kung di sana niya itinaboy ang mga kaibigan niya dati, baka may iba pa siyang matatakbuhan. Di siya makakadama ng kawalan ng pag-asa, ng pag-iisa. Wala siyang ibang sisisihin kundi ang sarili. Mahirap din pala ang mag-isa.

Pinagsalikop niya ang mga palad, yumukod at nagdasal. “Sana po may mabuting loob na tumulong sa akin na makalabas dito. Pangako po magso-sorry ako nang maayos kay Lancelot. Babawi ako sa kanya. Pati po sa mga friends ko na itinaboy ko dati, magso-sorry ako. Di ko na po sila itataboy. Ayoko na po ng ganitong pakiramdam. Ayoko na pong mag-isa.”

Natigil siya sa pag-iyak nang makarinig siya ng kaluskos at bumukas na pinto. Nasa bandang dulo ang cubicle niya kaya hindi siya sigurado. Nakarinig siya ng mga yabag ng paa. “Ate, nakalagay po sa labas out of order. Baka naman pwedeng makigamit naman ng isang cubicle. Ihing-ihi lang talaga ako. Di ko na kayang tumakbo sa restroom sa kabila. Sasabog na ang pantog ko,” anang boses ng isang babae. “Thank you!”

Heto na! Dininig na ang panalangin niya. “Salamat po,” usal niya at pinahid ang luha. Makakalabas na siya sa wakas. “Tulungan mo ako please. Nakakulong ako dito. Tulungan mo akong makalabas.”

“M-Multo ka ba? Engkanto na na-trap sa CR? White lady?” narinig niyang sigaw ng babae. “Pwede mamaya ka na manakot? Kasi ihing-ihi na talaga ako. Kung di ka pa quota na manakot, wala kang mapapala sa akin. Ihi is lifer. Wag ako, ‘te!”

“I am not a ghost or white lady! Ikinulong ako dito ng mga kaklase ko kanina. Please. Late na ako sa klase ko.”

“Sandali lang patapusin mo ako. Tutulungan kita,” sabi nito at tahimik siyang nakinig sa bawat kilos nito. Sana naman may mabuting puso ang magbubukas ng pinto sa kanya. ‘Yung pakakawalan pa rin siya kahit na malaman kung sino siya.

Maya maya pa ay narinig niyang lumabas ito ng cubicle. “Maghuhugas lang ako. Sandali na lang.” Narinig niya ang lagaslas ng tubig at kaluskos. Maya maya pa ay narinig niya na may ginagalaw ito sa pinto. “Sino bang sira ulo ang nagsangka ng mop sa pinto ng cubicle para ikulong ka? Ano bang ginawa mo sa kanila?”

Hindi na lang siya kumibo at baka mabosesan pa siya nito. Humihingal siya nang makalabas sa wakas. Agad niyang niyakap ang tagapagligtas sa kanya. “Thank you! Thank you! Hindi ko talaga alam ang gagawin ko kung wala ka. You have a kind heart.”

Pero natigil siya sa pagsasaya nang humiwalay siya sa babae at masino ito. Si Abegail Malvarosa iyon, ang reyna ng mga siga sa Bright Minds Academy at isa sa mga masugid na fans ni Lancelot.

Mukhang nagulat din ito nang mapagmasdan siya. “Di ba ikaw si Sylvie dela Paz, ‘yung namahiya kay Knight noong Sabado?”

“A-Ako nga. T-Thank you ulit,” aniya at dali-daling tumalilis, bago pa magbago ang isip nito at ibalik na naman siya sa cubicle. Baka mamaya samahan pa siya nito ng mga ipis at daga.

“Sumama ka sa akin,” sabi nito at bigla siyang hinila.

Nanlaki ang mata niya. “Please. Huwag mo akong sasaktan,” pakiusap niya. “Ayoko ng gulo.”

Alam niyang malakas ito. Di ito magiging reyna ng mga siga sa eskwelahan kung di nito kayang makipaglaban. Laki ito sa squatter’s area at nakita niya kung paano nitong patumbahin ang limang pinaka-bully na estudyante sa Bright Minds Academy at nagawa pa nitong mga amuyong sa huli. Kung mga siya nga kaya nitong paluhurin, paano pa kaya siya? Isang pitik lang ng daliri nito baka mabali na ang buto niya. Nakita pa mandin niya kung paano nito hangaan si Lancelot.

“Bakit naman kita sasaktan? Ibibili lang kita ng tubig dahil namumutla ka na at dehydrated sa kaiiyak.” Idinala siya nito sa harap ng vending machine. May dinukot ito sa bulsa ng palda. “O! Pumili ka na kung anong gusto mong inumin.”

Nakatulala pa rin siya dahil kinakabahan siya na baka patibong lang iyon. Mabait din kanina sa kanya ang Sassy pero ikinulong siya.

“Ako na nga,” prisinta nito at pinindot ang buton para sa mineral water. Bumagsak ang paper cup at tumulo ang tubig. Saka nito inabot sa kanya. “Uminom ka. Walang lason o pampurga iyan.”

Nanginginig niyang kinuha ang baso mula dito. “Salamat.” Tahimik niyang ininom iyon. Gusto na lang talaga niyang makalayo dito at makabalik sa klase niya nang walang galos o sugat. Ayaw niya ng gulo. “T-Thank you.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.