A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 47

Di maipinta ang mukha nito habang nakahalukipkip. “Sino ang gumawa nito sa iyo? Ang lakas naman ng loob nila na ikulong ka samantalang may CCTV dito.”

“’Yung Sassy.” At pinsan nito si Aiona. Natural doon ito kakampi.

Nagdilim ang mukha nito. “Sila Aiona? Isusumbong ko talaga siya kay Papa. At ipapakalkal ko ang CCTV footage sa labas. Di tama ang ginawa nila sa iyo. Huwag kang mag-alala dahil ire-report ko sila ng bullying. Kapag di pinakinggan ng school, si Papa ang bahala sa kanya. Alam ko maldita siya at matalim ang dila pero di ako makapaniwalang ikukulong ka nila sa restroom.”

“Gusto siguro nilang gumanti s-sa nangyaring diskusyon sa amin ni Lancelot noong Sabado,” usal niya. “Bakit mabait ka sa akin? Di ba fan ka ni Lancelot, I mean ni Knight?”

“Oo. Fan niya ako. Gusto ko ang mga sinulat niya. Naiinis din ako kasi arogante ka sa paraan ng pagsasalita mo kay Knight dahil parang minamaliit mo siya. Pero di naman ako aabot sa punto na sasaktan kita o ipapahamak.”

“Really?” tanong niya. “H-Hindi mo ako kakantiin?”

“Mas gusto mo ba talian kita ng dog collar sa leeg at iparada sa buong campus?” tanong nito at umangat ang gilid ng labi. Natakot siya sa ngisi pa lang nito dahil parang binigyan niya ito ng magandang ideya.

Lumunok siya. “G-Ginulpi mo ‘yung mga top bully na kaklase mo.”

“Dahil nambatos sila ng babae na di maipagtanggol ang sarili niya. Imagine, limang lalaki sila na malalaki tapos isang babaeng maliit pagtutulungan nila?”

“May ipinagtanggol ka pala,” mahina niyang usal. Di naman niya alam ang buong kwento dahil may sarili siyang mundo nang panahong iyon. Di naman pala ito ganoon kasama gaya ng inaakala niya. “Pasensiya pala kung nasira ko ang araw ninyo na fans ni Lancelot noong Sabado.”

“Alam mo, huwag ka sa aking mag-sorry. Wala kang kasalanan sa akin. Sinabi mo lang naman ang opinyon mo.” Ibinuka nito ang mga kamay. “Demokratikong bansa ang Pilipinas. O e ano? Totoo naman na may mali sa grammar si Knight saka may problema sa loopholes. At wala ring karapatan ang ibang tao para I-bully ka. Ayoko sa lahat ‘yung ganoon.”

“Pero pinsan mo si Aiona,” paalala niya.

“Sa palagay mo hindi ako naging biktima ng pagiging impakta ng pinsan ko? Wala rin naman akong ipinagkaiba sa kay Knight na parang sampid lang sa Bright Minds Academy. Ang kaibahan lang, parang isang karangalan na salubungin siya ng mga tao dito dahil sikat siya. Habang ako, di daw bagay dito dahil laking iskwater at ugaling iskwater. Nagkataon lang may tatay akong mayaman pero kung tutuusin, mas bagay daw ako sa kangkungan. Sabi mismo ni Aiona and friends.”

“That is mean,” bulalas ni Sylvie. Ang totoo, wala naman sa kanya kung galing sa mahirap si Abegail. Natakot lang siya sa pagiging siga nito pero ngayon natukalsan niya na may mabuti pala itong puso.

Lumabi ito. ”Naipasa ko naman mga exam dito. Kung alam mo lang kung gaano kahirap makapasok sa eskwelahan na ito para sa akin. Pero lumalaban ako. Kaya lumaban ka lang kung ano ang alam mong tama.”

“Huwag mo sanang mamasamain kung itatanong ko sa iyo, Abegail. Sabi mo tama ako na may mali sa grammar, may typo error at may loopholes ang libro ni Lancelot. Pero bakit gusto mo pa rin siya?” Nate-turn off si Sylvie kapag nakakabasa ng mali-mali sa kwento.

“Magaling siyang magkwento. Si Knight ‘yung writer na nakakalimutan ko ang loopholes at mga mali-maling grammar kasi nadadala ako sa kwento. Natawa na ako, naiyak, na-in love at natakot saka ko mare-realize na may mali pala o kulang sa kwento. Huli na. Napatawa na niya ako. Napasaya na niya ako. Nadala na niya ako sa mundo niya.”

“Talaga? Parang nakakalimutan mong mag-isip?” tanong niya.

“Ganoon talaga. Kasi nagbabasa lang ako at di nag-iisip. Kung ikaw gusto mo talagang makahanap ng mali, makakahanap ka.”

Humalukipkip siya. “Ano pa ang nagustuhan mo sa kwento niya?”

“Normal na tao lang ang mga tauhan niya sa kwento. May palpak, may mga mali, di perpekto pero maparaan. Siguro dahil ganoon din kaming karamihan sa fans niya. May mga di masyadong matalino, naaapi, di pinapansin ng magulang, minsan mali ang grammar pero nakakaraos naman.” At magaan itong tumawa. “Pero pwede pa rin kaming maging bida sa sarili naming mga kwento. Na kahit palpak kami, pwede pa ring maging magaling para sa iba.”

Ikiniling niya ang ulo. “Ganoon ba ang buhay na gusto n’yo? ‘Yung kahit mali palalampasin na lang? Hindi ganoon ang tunay na mundo.”

Pumalatak ito. “Sino ba ang may sabing kailangan dapat laging nakabase ang lahat sa tunay na mundo ang kwentong nababasa namin? Minsan gusto lang naming tumakas sa maraming patakaran. ‘Yung di mo kailangang mag-isip. Gusto lang naming maging masaya nang walang nanghuhusga. Mula kasi pagkabata ko, wala na akong ginawa kundi paano maghahanap ng pera para mabuhay. Kahit nang nahanap ko na ang tatay ko at hindi na ako mahirap, parang mahirap pa rin maging masaya. Sa libro na lang ako na sulat ni Knight nagiging masaya at malaya.”

Tumaas ang kilay niya. “Ayaw n’yo ng rules at ayaw n’yong pinapakialaman kayo katulad ng nasa kwento?”

Ipinilig ng babae ang ulo. “Hindi mo maiintindihan kasi ikaw ‘yung tipo ng tao na matagumpay dahil sa mga patakaran. Kaya mong sakyan ang realidad. Maraming nagmamahal sa iyo. Kami, gusto lang namin tumakas kahit na sandali. Pati ba naman sa mga bagay na nagpapasaya sa amin, kailangan pa rin ng patakaran?” At bahagyang tumaas ang boses nito.

“Huwag mo siyang awayin. Huwag mo siyang sasaktan, Abby!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.