NAHIGIT ni Sylvie ang hininga nang sawayin ni Roumel si Abegail. Tumatakbo ang lalaki palapit sa kanila at kasunod nito si Lancelot. Gumitna agad sa kanila si Roumel at inilagay siya sa likod nito. Nalaman marahil nito na nandoon siya at di pa siya pumapasok ng klase kaya hinanap siya nito.
“Anong huwag awayin? Anong huwag saktan?” nagtatakang tanong ni Abegail. Naguguluhan din tuloy si Sylvie sa nangyayari.
“Knight, ilayo mo si Sylvie kay Abby,” sabi pa ni Roumel at ipinasa siya sa lalaki. Sumunod naman si Lancelot at hinila siya ilang hakbang palayo.
“Sira ka ba? Wala akong ginagawang masama sa kanya. Huwag ka ngang judgmental diyan,” angil ni Abegail dito. Bakas sa mukha nito ang sakit. “Bakit mo naman ako pinagbibintangan na sasaktan si Sylvie?”
“Sabi ni Aiona, ikaw daw ang huli nilang nakita sa restroom na pumasok nang iwan nila si Sylvie. Baka daw kung ano ang gawin mo kay Sylvie,” sabi ni Roumel na may pag-aalangan sa boses.
Nanlisik ang mga mata ni Abegail. “Ako pa? Ako pa talaga?”
Hinawakan niya ang braso ni Roumel para kunin ang atensyon nito. “Tama si Abegauk. Si Aiona at ang ibang Sassy ang nagkulong sa akin sa restroom. Kung hindi dumating si Abby, baka nakakulong pa rin ako hanggang ngayon.” Walang signal sa restroom kaya di siya makakatawag ng tulong. “Thank you, Abegail. Salamat din pala sa tubig.”
“Sigurado ka ba na wala siyang ginawang masama sa iyo? Di ka niya kinanti?” paniniyak ni Roumel.
Sinapo ni Abegail ang dibdib at bahagyang napaurong. Di makapaniwala ang anyo nito. “Grabe ha? Nakaka-hurt ka na ng feelings, Roumel. Sobra ka na. Ano bang akala mo sa akin? Inaaway na lang lahat?”
“You can’t really blame me. Puro gulo ang dala mo,” katwiran ng lalaki. “Roumel, mabuti pa dalhin mo na si Sylvie sa classroom. Late na kayo pero sabihin mo na lang na may pinagawa ako sa inyo na assignment para sa The Newsmaker.”
“Ano… sana huwag na kayong mag-away ni Abegail. Kasi mabait naman talaga siya sa akin. Sila Aiona ang huling nasa restroom bago iyon makandado. Dapat magpasalamat ka sa kanya,” malumanay na sabi ni Sylvie.
“Naku! Asa naman ako na may masasabi siyang masama kay Aiona. Perfect iyon sa paningin niya. Kita mo nga, parang ayaw pang maniwala na kaya kong tumulong sa kapwa ko. Babalik na ako sa klase ko,” nagdadabog na sabi ni Abegail at naglakad palayo.
“Ihahatid na kita,” prisinta ni Roumel.
“Hindi mo ako kailangang ihatid. Baka mamaya ako na naman ang masisi kapag na-late ka. Kasalanan ko na naman,” maktol ni Abegail habang papalayo.
“Hayaan mo na sila. Kaya na ni Roumel I-handle si Abegail. Pumasok na tayo,” anang si Lancelot sa mabigat na boses. Seryosong-seryoso ang anyo nito habang naglalakad sila. Di na ito ang masiyahan na Lancelot na kilala niya na gagawin ang lahat para pasayahin siya. “Are you okay? Di ka ba nasaktan?”
Umiling siya. “A-Ayos lang ako.”
“Good,” anito sa malamig na boses. Di na tuloy nasabi ng dalaga na natatakot siya kanina. Na akala niya di na siya makakalabas. “Gusto mo bang I-report natin sa adviser natin or sa guidance office ang ginawa sa iyo ng Sassy?”
“H-Hindi na. Ayoko na ng gulo,” usal niya. “Ginawa nila iyon kasi nagalit sila sa pamamahiya ko sa iyo. I am sorry sa mga nasabi ko noong Sabado.”
Nagdilim ang mukha nito. “If you mean it, why say sorry? Ibig sabihin binabawi mo na okay lang na mali ang grammar ko at may loopholes sa kwento?”
“Well… ganoon pa rin naman ang paniniwala ko. Di ko naman pwedeng baguhin ang rules ng grammar or ng logic at common sense.” Naningkit ang mata nito. “Sorry.”
Pumalatak si Lancelot. “Ayan na naman. Nagso-sorry ka na naman.”
Napamaang si Sylvie. “Nagso-sorry na nga ako tapos ikaw pa ang galit. I am sorry that I hurt you. Maiintindihan ko naman kung hindi mo ako mapatawad. Naipahiya kita sa mga fans mo.”
“Totoo iyan. Nasaktan mo rin sila.”
“Gusto ko talagang mag-sorry. I really do. Sana mas maganda ang pagkaka-deliver ko ng comment ko sa kwento mo. Hindi ‘yung parang kaaway kita. Hindi ‘yung parang minaliit kita. I don’t have the right words to say…”
Hinawakan nito ang braso niya. “This is not the time for apologies. May klase pa tayo.”
“Pero gusto ko pa ring patawarin mo ako. Gusto kong makabawi,” mangiyak-ngiyak niyang sabi.
Tumigil ito sa paglalakad nang isang kuwarto na lang ang layo nila. “Gusto mo talagang makabawi sa akin?”
Tumango siya. “Anong gusto mong gawin ko?”
“Doon sa library cafe tayo sa kabilang kanto. Mamaya pagkatapos ng klase natin.”
Nagsalubong ang kilay ni Sylvie. “’Yung parang Korean cafe? P-Pero di ba maraming nagde-date doon.” Di lang iyon basta tambayan ng mga taga-Bright Minds Academy. Dinadayo din iyon ng estudyante sa ibang paaralan, mga professionals, food connoisseur at mahilig sa Instagram.
Nagkibit-balikat ang lalaki. “Doon ko gusto. Take it or leave it.” At nauna itong pumasok ng kuwarto. Napilitan siyang sumunod ito. “Good morning, Ma’am.”
“Good morning, Ma’am. Our apologies for being late,” nakayukong usal nila. “May tinapos po kaming assignment para sa The Newsmaker.”
Nagpapalit-palit ang tingin nito sa kanila ni Lancelot. “Okay lang ba kayong dalawa?” Tinutukoy marahil ng guro ang hidwaan nila ng binata mula noong Sabado.
“Yes, Ma’am,” sabay pa nilang sagot ni Lancelot.
Tumango ito at mukhang nakahinga ng maluwag. “Okay. Maupo na kayo at ilabas ang libro ninyo.”
Umupo siya sa likuran habang nasa bandang bungad si Lancelot katabi pa ang mga Sassy. Kinakabahan siya sa mangyayari mamaya kapag nag-usap sila. Mapapatawad nga kaya siya nito?