Habang inilapit naman ni Aiona ang mukha sa kanya. Parang gusto siya nitong lamunin nang buhay. “Ano? Tumaas ba ang engagement ng page niya? Alam mo, lalo lang lalangawin ang mga post ni Mark Andrew dahil sa kayabangan mo. Mas lalong dumami naman ang nagmamahal kay Knight.”
“Talaga? Mas dumami ang nagmamahal sa akin?” singit ni Lancelot. Di niya napansin na nakalapit na ito sa kanila.
Biglang nawala ang mabalasik na aura ng mga ito. Mistulang maaamong anghel na nang pagkulumpunan si Lancelot. “Of course, Knight. We love you. At ipaglalaban ka namin.”
Bumagsak ang balikat ni Sylvie. Alam naman niya na kampi si Lancelot sa mga kaibigan nito. Ano ngayon kung ikulong na naman siya sa banyo ng mga ito o I-bully. Gagawin ng mga babae ang lahat para lang maibawi si Lancelot sa kanya.
Ngumiti ang binata pero di nakaligtas sa kanya ang matalim na kislap sa mga mata nito, animo’y matalim na kutsilyo. “Kung mahal talaga ako ng readers ko o ng mga kaibigan ko, hindi iyon rason para maliitin ang ibang writers na iba sa akin o readers na di gusto ang pagsusulat ko. Nagdala ng karangalan si Mark Andrew Cahayon bago pa ako dumating dito. Saka patay na ‘yung tao para insultuhin pa ninyo.”
Hindi inaasahan ni Sylvie na dedepensahan ni Lancelot si Mark Andrew. Akala niya wala itong pakialam o mamaliitin. Talaga bang sinasaway ng mga ito ang Sassy kahit na ito naman ang dinedepensahan ng grupo?
“Pero nilait ni Sylvie ang kwento mo tapos gusto ka ang palang gamiting stepping stone para makilala ang gawa ng ex-boyfriend niya. Nasasaktan kami para sa iyo. Pati kaming mga fans ininsulto ni Sylvie na parang di kami nag-iisip at siya lang ang magaling,” apela ni Mindy at ipinadyak ang na parang batang nagmamaktol.
“Ano naman kung may nag-criticize sa gawa ko? Di naman iyon kabawasan sa akin. Hindi ako perpekto at sa pamamagitan ng pagsasabi sa akin ng mali ko, lalo ko pang gagalingan. I don’t take it personally. What she did was brave. Di iyon basta panlalait. It means she wants me to be better. At bilang writer, gusto ko ring galingan pa ang pagsusulat ko.Kaya huwag din tayong magalit kay Sylvie,” anang lalaki sa malumanay na boses at tumingin sa kanya na malamlam ang mga mata. Parang may humaplos sa puso niya.”
“Nasasaktan lang kami para sa iyo. Why are you so nice to her when she’s mean to you?” anang si Ariane. “She doesn’t deserve your kindness.”
“Kaya ba ikinulong ninyo siya sa restroom?” Bumuka ang bibig ng mga ito para umapela pero nagsalita ulit si Lancelot. “Girls, alam ba ninyo na pwede kayong masuspinde sa ginawa ninyo? Paano kung may mangyaring masama kay Sylvie habang nakakulong siya? Naging bully na kayo.”
Tumalim ang mata ni Aiona. “Kulang pa iyon sa kanya.” At nakipaglabanan ang dalaga ng tingin dito.
Bumuntong-hininga si Lancelot. “I do appreciate the concern and the support, girls. Pero ayokong manakit kayo o magpahamak ng ibang tao dahil lang sa akin. Di ko ginagamit ang kwento ko para manakit ng iba. Ayokong isipin ng mga tao na di ako magandang impluwensiya sa inyo. Isipin nila ako pa ang nagpahamak sa inyo. Gusto ba ninyo na pati ako ma-suspend dito?”
Yumakap si Ariane dito. “No! That is not true. You make us happy.”
“I am sorry. Ayaw naman naming ipahamak ka,” mahinang usal ni Mindy. “And I don’t want to be suspended.”
“Kay Sylvie kayo mag-sorry. Mangako kayo na di na mauulit ang ginawa ninyo sa kanya,” sabi ni Lancelot at kumindat sa kanya.
“I am sorry,” sabay-sabay na usal ng mga Sassy at yumuko pa. Hindi niya alam kung sinsero iyon pero kahit paano masaya siyang napayukod ang mga ito. Di basta-basta nagbababa ng pride ang Sassy o tumatanggap ng pagkakamali. Kaya hanga talaga siya sa impluwensiya ni Lancelot sa mga ito.
“Huwag mo na kasi siyang lalaiitin,” hirit pa ni Aiona na naunan nagtaas ng ulo.
“Aiona!” saway ni Lancelot dito. “Kaibigan ko kayo. I appreciate all the love and support. Pero ito na ang huling warning ko sa inyo. Kung hindi ninyo aayusin ang pagtrato kay Sylvie, ako ang makakalaban ninyo. I don’t care if you will hate me. Pero di ako natatakot na mawalan ng kaibigan o ng readers kung mananakit naman sila ng ibang tao para lang sa akin. Hindi ko gusto ko iyon. At kung may isyu, kaya ko namang ipagtanggol ang sarili ko.”
“We got the message,” anang si Ariane.
“So, itutuloy pa rin natin ang shoot ng MTV natin?” masiglang tanong ni Aiona na parang walang nangyari.
“Sure,” sabi ni Lancelot at ibinulsa ang kamay sa bulsa.
Tumikhim siya. “Excuse me,” aniya at pasimpleng tumalilis. Kapag nakita ng Sassy na sabay silang umalis, tiyak na isyu na naman iyon. Mukhang matatagalan pa naman ang lalaki sa pakikipag-usap sa mga ito.