Tine-text niya si Lancelot para sabihin na sumunod na lang ito sa cafe nang marinig niya ang hinihingal nitong boses sa likuran niya. “Ganyan ka ba talaga? Di ka man lang nagpasalamat na ipinagtanggol kita sa Sassy. Tapos mang-I-indian ka pa sa date natin. I am so disappointed, Sylvie.”
TUMIGIL sa paglalakad si Sylvie at lumingon kay Lancelot. Nakatukod ang mga kamay nito sa tuhod habang habol ang hininga. Hinabol siya nito. “Hindi naman kita tatakasan. Gusto ko lang mauna dahil maiirita lang ang mga kaibigan mo kung makikita tayo na magkasama. Heto. Ite-text pa nga kita."
"Okay. Let's go."
Naglakad sila pero di magkadikit. Di niya alam kung nandidiri ito sa kanya o ayaw nitong makita ng ibang tao na magkasama sila.
Seryoso pa rin ang mukha nito, tuwid ang tingin at di kumikibo. Di tulad dati kapag magkasama sila kunh saan lagi itong nagpapapansin. Hindi na ito ang masiyahin at makulit na Lancelot na laging gustong magpangiti sa kanya. Parang di niya ito kilala. Yumuko na lang siya at nakatingin sa hakbang mga paa.
"You asked for it. Di ba ayaw mong pansinin ka pa niya at mawala siya sa buhay mo? Magdusa ka," sermon ng konsensiya niya.
Habang malalim ang iniisip niya, nagulantang siya nang bigla siyang hatakin ni Lancelot. "O! Babangga ka na. Di ka tumitingin sa dinadaanan mo. Baka naman nahihiya ka na makita ng mga tao na kasama ako."
"Ewan ko. Marami kang fans na galit sa akin. Baka kuyugin na lang nila ako basta."
"Para namang papayagan ko iyon. Wala ka bang tiwala sa akin na kaya kitang protektahan?"
“Salamat sa pagdepensa sa akin. Pero kaya ko naman ipagtanggol ang sarili ko.” Nahihiya siya na tinulungan siya nito samantalang sa simula pa lang magaspang na ugali na ang ipinakita niya dito.
“Really? Kung di ako dumating, baka sa drum ka naman nila ikulong. Tapos ngayon gusto mo na lang paliitin ang sarili mo para lang di ka kuyugin. Hindi iyan ang Sylvie na kilala ko na lumalaban."
"Hindi ko nga alam bakit ipinagtatanggol mo pa ako samantalang di na maganda ipinakita ko sa iyo. Masokista ka ba at mas gusto mo 'yung nasasaktan?"
Napuno ng tanong ang mga mata nito. Parang iyon din ang tinatanong nito sa sarili. Hinawakan nito ang siko niya at iginiya siya papasok ng cafe. "Mamaya na natin ito ituloy. Gutom na ako."
Bumalik ang ngiti sa mukha ng lalaki nang batiin ang guard doon. "Manong, ang pogi natin ngayon ah!"
"Ikaw talagang bata ka, nagsasabi ka ng totoo," natatawang sabi ng guard. "May kasama kang girlfriend?"
"Kaklase ko po, si Sylvie. May pag-uusapan lang po kaming project." At binati ng lalaki ang mga staff ng cafe na parang kaibigan nito. "Sa taas kami, Celine. Sa paborito kong table."
"Naka-reserve na po, Sir," anang staff at iginiya sila sa ikalawang palapag.
May kanya-kanyang cubicle ang ikawalang palapag para sa mga propesyunal at estudyante na gusto ng privacy o katahimikan doon. Inalalayan siya ni Lancelot nang tanggalin niya ang backpack na nakasukbit sa balikat.
“Usual na order ba ninyo, Sir?” tanong ni Celine nang iabot ang menu sa kanila.
Tumango si Lancelot. “Huwag mong kalimutan ang mushroom soup.”
“Kayo pa ba, Sir,” malambing na sabi ng babae at di nakaligtas sa kanya ang pagpapa-cute kay Lancelot. “Thank you pala sa pointers mo last time. Nakausad na ako sa next chapter ng kwento ko.”
“Di ba? Sulat ka lang nang sulat. Kusa naman nabubuo iyon sa utak mo kapag naisulat mo kahit na draft. Tapusin mo na para maipasa mo na sa publication.”
Pinisil nito sa pisngi si Lancelot. “You are the best, Sir. Sayang lang dahil di nakikita ng ibang tao kung gaano ka kabait at kagaling.”
Nanatiling walang ekspresyon ang mukha ni Sylvie habang binabasa ang menu. Obvious naman na siya ang pinariringgan ng babae. Mahirap talagang kalabanin ang sikat dahil parang lahat ng tao kalaban na niya.
“What is your order, Miss?” may kapormalang tanong ni Celine at parang naiinip na dahil di siya agad umorder.
“Macaroni salad, chicken sandwich and pink lemonade. Thank you,” sabi niya at ibinalik dito ang menu. Huwag sanang isabotahe ang pagkain niya.
“Kung gaano kasarap ang ise-serve n’yo sa akin, sana ganoon din kay Sylvie,” pahabol ni Lancelot. “My friend is going through a lot right now. Gusto kong mapasaya siya kaya dinala ko siya dito.”
“Of course, Sir. Kayo pa ba? Sa dami ng customers nadagdag ninyo dito mula nang I-promote n’yo kami, we will give our best for your riend,” sabi ng babae at halatang pilit ang ngiti. Kalat na kalat ang pamamahiya niya kay Lancelot. Nagtataka marahil ito kung bakit maganda pa rin ang pagtrato niya dito.
Di nagtagal, bumalik si Celine na may dalang garlic bread at inumin nila. Mas maganda na ang ngiti nito sa kanila. “Sabi po ni Chef may complimentary cake din daw kayo at apple pie.”
“Salamat. Ang bait naman ninyo,” nausal na lang ni Sylvie. Alam naman niyang napipilitan lang ang babae na maging mabait sa kanya dahil kay Lancelot.
“Kung kaibigan ni Sir Knight, siyempre mabait kami. Pero kung kaaway naman niya…” At nanlaki ang mga mata ni Celine na parang nagbabanta.
“Wala akong kaaway,” dugtong naman ni Lancelot at hinawakan ang kamay niya. “I want everyone to be friends. Lagi kong sinasabi na mas masaya ang mundo kung magkakaibigan lahat.”
“Babalik ako para sa ibang order ninyo,” magalang na sabi ni Celine na mukhang dismayado.