A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 51

“Di ka ba natatakot na masira ang reputasyon mo sa fans mo?” pabulong na tanong niya sa lalaki nang umalis si Celine. Inilabas niya ang sanitizer at nilagyan ang kamay.

Matapos lagyan ng hand sanitizer angy kamay, ipinaglagay nito ng garlic stick ang platito niya. “Dahil lang di kita inaawa, masisira na ang reputasyon ko? Pangit ba dapat ang reputasyon na meron ako?”

“Mas gusto siguro ng fans mo na makitang parusahan mo ako o nahihirapan.”

Nagkibit-balikat ito at sumubo ng garlic stick. “Sa palagay mo mas sasaya sila kung palalagyan ko ng bubog ang pagkain mo? Alam mo, di naman ako matalino pero di ibig sabihin wala akong puso. At di ko rin gugustuhin na may masaktang tao dahil sa akin.”

“Kahit na di maganda ang sinabi ko sa iyo?” marahan niyang tanong.

“Naalala mo ang sinabi ko sa iyo dati? Masyado nang magulo ang mundo para gantihan ng galit ang mga taong may ayaw sa akin. O mas gugustuhin mo ba kung magalit na lang ako sa iyo ngayon?”

Sumimsim si Sylvie ng pink lemonade. “It was a stupid idea. Hindi kita dapat inatake nang ganoon sa harap ng readers mo. Nasanay ako sa Bright Minds na nasasabi namin ang opinyon namin. Walang personalan.”

“Pero personal iyon para sa iyo,” anang lalaki sa mabigat na boses.

Di agad siya nakakibo dahil dumating na ang order nila. Naging personal sa kanya dahil ayaw niya kay Lancelot. Dahil gusto niyang ipamukha dito na mas inferior ito. Na di ito karapat-dapat sa papuri na natanggap nito. At matapos ipaliwanag sa kanya ng nanay niya, naunawaan na niya ngayon na mali siya.

Lumunok siya. “Naging arogante ako at wala sa lugar. Nasaktan kita. Alam ko na wala ako sa tamang katwiran. Kahit saan tingnan, mali talaga ako. Wala akong kahit anong excuse na maibibigay. I am sorry. At handa akong gawin ang lahat para lang makabawi sa iyo.”

Gusto niyang sabihin dito ang tungkol kay Mark Andrew, kung paanong gusto niyang buhayin ang alaala ng lalaking minahal niya. Pero parang nagpapaawa siya kapag sinabi niya iyon. Di na niya idadamay pa ang nobyo sa pagkakamali niya. Siya lang ang dapat sisihin sa nangyari at siya lang ang dapat magbayad.

Bakas ang lungkot sa mga mata ito habang pinagmamasdan siya. Naroon ang awa. “I am sorry about your boyfriend. Naiintindihan ko na ngayon kung bakit ka malungkot at kung bakit parang galit ka sa akin. Kahit anong gawin ko parang mali.”

Halos lumuwa ang mga mata niya sa pagkagulat. Kusang bumitaw ang labi niya sa straw at muntik na niyang maibagsak iyon ang baso ng pink lemonade. “A-Alam mo na ang tungkol kay Mark Andrew?”

“Oo. Alam ko na kung sino siya sa buhay mo at kung gaano siya kaimportante sa Bright Minds Academy noong nabubuhay pa siya.” Pinagsalikop nito ang mga palad. “Alam ko na kung anu-ano ang mga achievements niya, kung gaano siya katalino at nirerespeto. Alam ko na rin kung bakit siya namatay. He was a hero.”

Nangilid ang luha sa mga mata ni Sylvie at yumuko. Parang may punyal sa dibdib niya habang naririnig sa bibig nito ang impormasyon tungkol kay Mark Andrew. “At nadumihan ko ang pangalan niya dahil lang sa pamamahiya ko sa iyo. Okay lang kung sa akin magalit ang mga tao. Di na sana siya nadamay.”

“Tama ka. Di na dapat nadamay pa siya. At sa maniwala ka at sa hindi, naiintindihan ko na rin kung bakit ganoon na lang ang frustration mo na marami akong fans kahit na maraming loopholes at mali sa grammar ang kwento ko. Mas dapat mabasa ng tao ang mga sinulat ng gaya ni Mark Andrew kaysa sa akin.” Mapapit itong ngumiti. “Ano bang mapapala ng mga tao sa gawa ko? Wala namang magagawa ang kwento ko tungkol sa world peace o kung paano makakatulong ang mga kabataan sa pagpapalago ng ekonomiya.”

Hinipan niya ang buhok na tumabing sa mukha niya at hinawi iyon. “Di ko dapat inilabas ang frustration ko sa iyo. Di kita dapat ininsulto o ang readers mo. Wala naman akong magagawa kung di interesado ang mga kaedad natin sa sulat ni Mark Andrew at mas gusto nilang basahin ang gawa mo. Wala rin naman mababago kahit na magalit ako. Di mo kasalanan kung mas gusto ka ng mga tao. Di kita dapat husgahan at ang mga fans mo.”

“Nakakainggit ang dedication na ipinapakita mo kay Mark Andrew,” anang lalaki at sumubo ng burger steak. “Kahit wala na siya, ipinagpapatuloy mo pa rin ang pagpo-promote sa gawa niya.”

“Bakit ka naman maiinggit sa kanya? Ikaw nga itong halos ipaglaban ng patayan ng mga fans mo. Samantalang ako lang ang sumusuporta kay Mark Andrew.” Ngayon pati mga fans ni Lancelot galit na rin kay Mark Andrew kahit na walang ginagawa ang namayapang tao sa mga ito.

“Kasi mahal mo siya.”

Gulat niyang inangat ang ulo at nagsalubong sila ng maigting nitong mga mata. Nakatingin ito sa kanya pero parang di siya nito nakikita. Subalit tumatagos ang ga mata nito sa kaluluwa niya, sa kaibuturan ng puso niya. Parang binabasa nito kung ano ang laman ng pagkatao niya. Nanghihina ang pakiramdam niya sa titig nito.

Sumubo siya ng sandwich at iniwas ang tingin dito habang ngumunguya. Nakakailang ang mga mata nito na parang tinutunaw siya. “Nagpapasalamat ako dahil naiintindihan mo na ang sitwasyon ko. Ipinagtanggol mo rin ako sa Sassy.” Sinubukan din siya nitong protektahan kay Celine kanina o sa kahit sinong tagahanga nito na gugustuhing manakit sa kanya. “Hindi ako karapat-dapat sa kabutihan mo kaya gusto kong makabawi sa iyo.”

Nagkibit-balikat ito. “Hindi mo ako nasaktan. Nalungkot lang siguro ako kasi kailangan mo pang gawin iyon sa harap ng maraming tao. Pwede mo namang sabihin sa akin nang harap-harapan. Iisipin ko na lang na ginawa mo iyon para hindi isipin ng mga readers ko na may gusto ka sa akin.”

“Kahit naman gusto kita o ayaw ko sa iyo, ayaw pa rin nila sa akin.”

“Don’t mind them. Di mo kailangang bumawi sa akin para lang sa sasabihin ng readers ko. You are forgiven.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.