Umiling siya. “Basta gusto ko pa ring bumawi. Kahit anong ipagawa mo sa akin, okay lang. Hindi ako matatahimik hangga’t wala akong nagagawa para sa iyo. Kung talagang pinapatawad mo ako, gawin mo para sa akin. Please. Hayaan mong harapin ko ang responsibilidad ko. Hayaan mo akong makabawi para mapatawad ko rin ang sarili ko.”
“Pag-iisipan ko. Then we will discuss this over dessert.” May mga dumating pang pagkain na order ni Lancelot. Nilagyan nito ng roasted chicken at pizza ang plato niya. “Kainin mo lahat iyan.”
Kahit paano gumaan ang pakiramdam ni Sylvie at kumain lang siya nang kumain. Saka lang niya na-appreciate ang ganda ng ambiance ng cafe at ang sarap ng pagkain. Parang ipinaghehele rin siya ng bossa nova music na naririnig sa buong cafe. Ilang araw din siyang di nakakaing mabuti at di nakapag-relax.
Tahimik lang si Lancelot na parang may malalim na iniisip. Hinayaan lang niya nito. “Alam ko na kung paano ka makakabawi sa akin. Hindi naman kita pipilitin na gawin ang mga bagay na hindi mo gusto.”
Pinagsalikop ni Sylvie ang mga palad at tumango. “Of course.” Bring it on.
“Kailangan kong ma-maintain ang social media accounts ko. Isa sa nagustuhan ng mga readers ko ang araw-araw na update ko ng events, update sa nobela ko at gusto rin nilang makita ang pictures ko, kung anong ginagawa ko, etc,.”
“Ah! The OOTD, of course,” aniya at tipid na ngumiti. Malakas ang panghatak ng OOTD nito sa mga tao.
“Kailangan ko ng kukuha ng pictures ko na maganda ang quality. Kailangan ko rin ng magtse-check sa content ng page. Baka may maling grammar, spelling o may maling impormasyon sa page ko na di natse-check ng ibang admins. Kaya gusto ko na kunin ka bilang official photographer at admin ng page ko.”
Itinuro ni Sylvie ang sarili. “A-Ako? Bakit ako?”
Hindi niya maintindihan. Bakit naman nito gugustuhin na gawin siyang administrator at kahilera ng malalapit at pinagkakatiwalaan na readers at kaibigan samantalang nilait-lait na niya ito.
“Hindi ba ang tingin sa akin ng mga fans mo? Parang pinapasok mo ang kaaway mo sa inner circle mo.”
“Hindi kaaway ang tingin ko sa iyo. Isa ka sa mga taong inaasahan ko na magsasabi sa akin kung ano ang totoong nararamdaman mo. Kung may ayaw ka sa akin, sinasabi mo. Kung may mali ako, handa kang itama. At ganoong klase ng tao ang kailangan ko sa team ko.”
Nilaklak bigla ni Sylvie ang tubig. Hindi niya alam kung bakit iyon ang naisip ng lalaki. “Kung ito ang paraan mo para makabawi ako sa iyo, di kaya iwan ka ng mga fans mo dahil sa akin? Pinagkakatiwalaan mo ako? Kalokohan iyan. Saka di ba maiinsulto ang publication mo kapag nalaman na ako ang kinuha mong bagong admin? Kahit sila nasagasaan ko sa comment ko.”
“Hindi nakikialam ang publication ko sa paghawak ng page ko. Pero in-open ko sa kanila ang idea. Alam nila na magaling kang photogapher.”
“At yung comment ko sa mga error sa libro mo?”
Bumuntong-hininga ito. “Kailangan nilang tanggapin na may mali sila. Nang ma-publish ang libro ko, bagong management ang humawak ng publication. Sabi ni Papa, bago daw sa mundo ng publication ang bagong publisher. Sumugal sila sa aming mga batang writer na maraming fans. Ibinigay nila lahat ng hingin ng fans.”
“Pati typo error?”
Malungkot na ngumiti ang lalaki. “Di ko alam kung marketing strategy nila iyon o wala silang matinong editor nang mga panahon na iyon. Pero publication ko lang ang makakasagot niyon, hindi ako. Di ko sila dedepensahan. Pero ayoko rin namang makita bilang writer na mali-mali magsulat at ayoko rin masabihan ang readers ko na di nag-iisip. Di ko na mababago ang nakaraan. Gusto ko lang mag-improve. At di ko magagawa iyon kung wala ang tulong mo.”
Nagmistulang yelo ang mga kamay ni Sylvie. Pinagkiskis niya ang palad. “Hindi ko alam kung kaya ko iyon. Mabigat ang responsibilidad…”
“Madali lang iyon. Ikaw ang photographer ko, ikaw ang magtse-check ng mga post ng ibang admins o pwede rin ikaw ang mag-approve bago nila I-post at mas madali iyon para sa akin dahil lagi tayong magkasama.”
“Paano kung hindi ito magustuhan ng admins mo?”
Naging seryoso ang anyo nito at naging matiim ang mga mata nang tingnan siya. “Problema ko na iyon. My page, my rules. Ako ang pipili kung sino ang gusto kong admin. At kailangan nilang irespeto iyon.”
Ipinilig ng dalaga ang ulo at uminom ng tubig. “Sigurado ka ba diyan?”
“Kaya nga isinulat ko ang plano ko. Gusto kong tiyakin na tama ang desisyon ko. I want you in my team. At gusto mong bumawi sa akin, ‘di ba?”
“O-Oo,” napipilitan niyang sagot.
“At di rin ganoon kahirap ang ipapagawa ko sa iyo. Pero gaya ng sinabi ko, nasa iyo kung tatanggapin mo o hindi. Napatawad na kita. Ikaw ang may gusto na bumawi. You can walk out anytime.”
“I know, I know.” Mariin siyang pumikit. Kapag tinanggap niya ang alok nito, ibig sabihin ay mas mapapalapit sila sa isa’t isa. Di rin siya makakaligtas sa mga rabid fans nito. Pero sa isang banda, ito lang ang paraan para makabawi siya dito. “Papayag akong maging admin mo at official photographer pero kapag nagka-problema sa mga kaibigan mo at sa fans mo, ipu-pullout mo ako. Gusto kong bamawi sa iyo, hindi para sirain ka pa sa fans mo.”
“Saka na natin pag-usapan iyan kapag nangyari na. Pero sa ngayon, official photographer na kita. Deal?” anito at inalok ang kamay sa kanya.
Kinamayan niya ito. “Deal.”
Tumigil ang mundo ni Sylvie nang magdaop ang mga palad nila ni Lancelot. Parang ito lang ang nakikita ng mga mata niya nang mga oras na iyon. At sa pagtanggap niya sa kasunduan, parang dito na rin iikot ang mundo niya. Mas makikilala din niya ang totoong Lancelot.
Pero nakadama siya ng takot sa puso niya na habang nakikilala niya itong mabuti, baka unti-unti nitong sakupin ang puso niya na ayaw nang magmahal at masaktan. Hindi si Mark Andrew si Lancelot Valdrez.
Lancelot might be might be the Knight who promised to protect her. Pero hindi nito kayang protektahan ang puso niya.