A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 53

Teaser:

Matapos maging Public Enemy Number One si Sylvie dahil sa pamamahiya niya sa sikat na young adult writer na si Lancelot “Knight” Valdrez, kailangan niyang bumawi dito para hindi na siya kuyugin pa ng madla. At may ilan itong task sa kanya. Naging admin siya ng page nito at official photographer. Tutulungan din siya nito na pasikatin ang mga naisulat ng namayapang nobyong si Mark Anrew. At isusulat din nito ang buhay ni Mark Andrew upang patunayang dito ito sabaw at guwapo lang kaya nagustuhan ng mga tao.

Pero habang nakikilala niya si Sylvie at nalalaman ang kwento nito, na-realize niya na gusto niyang magustuhan din siya nito katulad ng pagkagusto nito sa boyfriend nito. Pero paanong mangyayari iyon samantalang malayo siya sa intelehente nitong boyfriend na pinamanahan ng utak ni Rizal at literal na may halo bago pa man ito mawala sa mundo dahil sa kabaitan?

Because he is no genius or a saint. He is just one lucky knight.

“Paanong posible na mawawala ang mga estudyanteng anak-mayaman na di man lang hahanapin ng mga magulang nila? That is totally insane.”

Umugong ang bulungan sa paligid ni Sylvie dela Paz. Siya ang nagbato ng huling tanong para kay Lancelot “Knight” Valdrez, ang pinakasikat na young adult writer sa bansa at kaklase niya sa Bright Minds Academy. Sa likuran niya ay ang kulang isang libo nitong tagahanga na pumuno sa auditorium kung saan ginaganap ang talk at meet and greet nito. Nararamdaman na niya ang matatalim na tingin ng mga ito, isama pa ang milyon nitong tagahanga na nakatutok sa live stream ng event na iyon. Alam na niya ang naglalaro sa isipan ng mga ito: Sino ba siya para kuwestiyunin ang ganda ng pagkakasulat ng librong hinangaanat halos ilagay sa pedestal na si Knight ?

Isa lang siyang ordinaryng estudyante na hindi sikat. Pero marunong naman siya sa tamang paggamit ng grammar at marunong siyang kumilatis kapag may loopholes sa kwento. Nag-aaral siya sa Bright Minds Academy kung saan nag-aaral ang matatalino at talentadong estudyante sa bansa. Bakit naman siya magpapasindak kung nasa panig siya ng tama?

Nawala ang ngiti sa mukha ni Lancelot at umupo nang tuwid. “Fiction lang ito. Di naman siguro kailangang maging seryoso,” anito at pilit na tumawa.

“Gusto kong maging seryoso. Kahit fiction ang isang kwento, dapat may bahid pa rin ng realidad at dapat nagre-research ang isang writer. Di ko maiintindihan kung bakit hindi sila hahanapin ng mga magulang nila o di maaalarma ang gobyerno sa pagkawala nila. Kahit sinong magulang uubusin ang kayamanan nila mahanap lang ang anak nila. Di rin umaakto ang mga character ayon sa impresyon na binuo ng writer sa kanila.”

“Di ba pwedeng magbago ng isip?” mataray na tanong ng isang babae di kalayuan sa kanya.

Sinibat niya ng tingin ang babae na galing sa Holy Grail High na admin pala ni Lancelot. “You call that characterization. Di pwedeng basta-basta gumalaw ang character nang wala sa character niya nang di nabibigyan ng paliwanag o di man lang nag-iisip nang maayos. Sinusubukan kong ilagay ang sarili ko sa character na nasa isang sitwasyon. Kapag inconsistent ang character o walang tamang paliwanag ang inaakto o ginagawa niya, hindi na kapani-paniwala ang kwento. Hindi mo ba naisip na I-correct iyon bago ma-publish ang libro? Na-publish ba ito nang di man lang ine-edit?”

At iniisa-isa niya ang mga parte ng kwento na nakitaan niya ng butas pati na rin mali-maling pagkakasulat ng pangungusap at mga di nagtutugmang pangyayari.

“Booooo!!!” dumagundong ang sigawan ng mga tao sa auditorium.

“Wala kaming pakialam! Masaya kami sa gawa ni Knight!”

“Huwag ka na nga diyan! Panira ka ng araw.”

“The story is perfect for us. Di namin kailangan ng pang-intelehenteng comments. Masyado kang mamaru.

Wala siyang kakampi nang mga oras na iyon. Kung mayroon man, alam niyang hahayaan lang siya ng mga ito dahil nasa katwiran siya. At kahit mag-isa lang siya, kaya niyang ipaglaban ang argumento niya.

Tuwid lang ang tingin niya kay Lancelot habang hinihintay ang sagot nito. Nakangiti na naman ito. Di tuloy niya alam kung seseryosohin siya nito. Itinaas nito ang kamay para kunin ang atensiyon ng mga fans saka inilagay nito ang hintuturo sa ibabaw ng labi nito para patahimikin ang mga tao. At nabalot nga ng katahimikan ang buong auditorium.

“All your comments are noted, Sylvie. Thank you,” sabi ni Lancelot at kumilos na ang ibang organizer para sa paghahanda sa meet and greet event. Tapos na ang usapan? Dini-dismiss na siya nito? Ni wala man lang siyang napiga dito?

Parang may apoy sa dibdib ni Sylvie na tuluyan nang sumabog. Wala pa siyang planong tapusin iyon Nagsisimula pa lang siya. Di siya papayag na tratuhin ni Lancelot na parang walang kwenta ang mga isyu na ipinunto niya.

Mahigpit niyang hinawakan ang mikropono. “Ganon lang iyon? Masaya ka nang bigyan kami ng kwento na parang di pinag-isipan habang maraming mga writers na napakarami nang award pero di naman nabibigyan ng atensyon ang achievements. Mga ideas na magagamit ng mga kabataan na gaya natin na magiging susunod na leaders ng bansang ito? Hindi ka ba nagi-guilty?”

Natigagal si Lancelot sa kanya at di ito agad nakasagot. Wala siyang pakialam kung magalit man ito sa kanya. Laban niya ito.

Lumamlam ang mga mata nito at inilahad ang palad. “I am sorry. Di ko naman makokontrol kung ano ang reaksyon ng mga tao sa sinusulat ko. Di ko naman pinilit ang mga tao na magustuhan ang gawa ko. Wala akong kontrol sa kanila.”

At sumang-ayon naman ang tagahanga nito. “Oo nga. Kami ang may gusto sa kay Lancelot.”

“Insecure ka lang, Miss.”

“Kahit di siya perfect, mahal namin siya.”

“Masyado ka namang bitter.”

“Galing-galingnan ka. Ganer!”

Itinaas ni Sylvie ang tingin sa lalaki. Bitter na kung bitter pero real talk lang. “Sa palagay mo ba binabasa ang kwento mo dahil magaling kang writer o baka naman kaya gusto lang nila ang kwento mo dahil guwapo ka?”

At alam ni Sylvie na lumapas na siya sa linya. She was now Public Enemy Number One.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.