“Sylvie, nakalimutan mo ang banana cake ni Knight.”
Tumigil sa pagsakay ng kotse ang dalaga nang makitang humahangos ang inang si Meldy at dala ang bulaklaking telang baunan na naglalaman ng banana cake. Sinalubong niya ito at hinawakan sa braso. “Mama, di na po kayo dapat humabol. Baka madulas kayo o matalisod. Makakasama sa baby.”
Tatlong buwan na ang ina at alagang-alaga nila ito. Ngayon lang magkakaroon ng kapatid si Sylvie matapos ang labing-anim na taon.
“Pero di naman pwedeng di mo ito maibigay kay Knight. Kailangan ng pampa-good vibes. After all, this is your first day as his page admin and photographer. Kaya dapat lang na alagaan mo siya.”
“Di pa naman po official. Kailangan pa niyang kausapin ang ibang admins niya. Mga kaibigan po niya ang mga iyon at ayaw nila sa akin.”
Hindi madaling kalabanin sa publiko ang isang sikat na writer. Nakadagdag pa sa insulto niya nang palabasin niya na guwapo lang ito kaya tinatangkilik ng mga tao. May mga manunulat na mas magagaling dito at mas may laman ang sinasabi pero di naman napapansin. Naninindigan pa rin siya sa paniniwalang iyon pero mali nga lang siya ng paraan dahil nakasakit siya ng tao.
Bago pa siya humingi ng tawad kay Lancelot, na-bully na siya ng mga kaklase. Marami pa siyang hate messages sa social media dahil doon. Humingi siya ng tawad kay Lancelot kahapon. At ang paraan para makabawi siya dito ay kung magiging admin siya ng page nito at official photographer. Hindi na rin masama iyon kaya pumayag siya kahit pa may pag-aalinlangan siya na hindi iyon magugustuhan ng mga taga-suporta nito. Kaaway siya sa paningin ng lahat. At baka mapahamak pa si Lancelot dahil sa kanya.
Hinaplos ng mama niya ang buhok niya. “Huwag mo nang papansinin ang sasabihin ng iba. Kung magdesisyon man si Lancelot na gawin kang parte ng inner circle niya, wala na sila doon. Sa kanya lang ang responsibilidad mo. Kaya galingan mo dahil ayoko nang mapahiya, anak. Show him that you are a sweet girl.”
Maasim siyang ngumiti. “Wala naman pong maniniwala, Mama. At hindi ko po kukunin ang credit ninyo.”
“Knight is a nice boy. Sana lang mabigyan mo rin ang sarili mo ng pagkakataon na maging kaibigan niya. Kung iba siguro ang tinarayan at ipinahiya mo, hahayaan ka na lang ma-bully ng fans niya. Baka I-encourage pa niya. Pero nag-post siya na ayaw niyang may mananakit sa iyo.”
Di alam ng ina na na-bully siya ng grupo ng kaklaseng si Aiona. Baka sumugod ang mama niya sa eskwelahan at makaapekto sa dinadala nito. Maselan ang pagbubuntis ng ina kaya ayaw niyang makadagdag sa alalahanin nito.
“I will do my best, Mama,” sabi niya at niyakap ito. “Thank you for understanding me and putting up with my tantrums.”
"Wala naman akong choice. Anak kita."
Ipinadyak niya ang mga paa. "Si Mama talaga."
"Pinapatawa lang kita. Go now. Baka hinihintay ka na ni Lancelot." At nanunukso siya nitong kinindatan.
Natawa na lang siya sa biro ng ina. Mas magaan na ang loob niya ngayon kaysa nang nagdaang araw mula nang magkausap sila ni Lancelot. Hindi na siya ganoon ka-guilty dahil may pagkakataon na siyang makabawi dito.
Pagbaba ng kotse, nakita niya si Lancelot na napapaligiran ng mga babaeng Grade 12 students at masayang nakikipagkwentuhan. Maaliwalas ang itsura nito at nadagdagan ang karisma nito nang ngumiti. Hindi niya alam kung tatawagin niya ang lalaki o lalampasan niya. Mas mabuti nang umiwas siya sa mga fans nito dahil di pa rin lumalamig ang diskusyon sa internet tungkol sa kanya.
Nakapaling palayo ang mukha niya at nagpanggap na di nakita ang binata nang marinig niya na tinawag siya nito. "Sylvie."
Nang lumingon siya, nakangiti pa ito habang kinakawayan siya at sumenyas na lumapit siya. Hindi na nakapalag ang dalaga dahil pinagtitinginan na siya ng mga tao. Wala siyang nagawa kundi lumapit sa binata. Baka isipin pa ng mga tao na siya ang nagmamaganda at siya pa ang may galit dito.
Bahagya siyang ngumiti nang lapitan ito. "Good morning."
Nagtaasan ng kilay ng limang estudyanteng mas senior pa sa kanila. “Knight, bakit mo pa siya tinawag? Gusto mo bang masira ang araw natin?” sabi ng pambato nila sa swimming na si Cess.
“Para siya ang kumuha ng picture natin,” anang binata at inabot ang cellphone sa kanya. “Pwede ba?”
"Bakit siya pa ang kukuha ng picture natin? Pwede namang iba na lang," di maipinta ang mukhang sabi ng taga-women’s volleyball team na si Megan.
Nagkibit-balikat si Lancelot. “Magaling siya doon. Ipo-post ko sa page ang picture kasama kayo. Siyempre gusto ko magandang-maganda kayo.”
“Okay. Game!” kinikilig naman na sabi ni Caroline at kumapit agad sa braso ni Lancelot. “Anong gagawin natin?”
“Kunyari nagbabasa tayo nitong libro,” suhestiyon ng lalaki.
Kanya-kanyang pose naman ang mga ito. May tumatawa, may nakikibasa at meron kunyaring nakikipagdiskusyon. Para-paraan din para magmukhang sweet habang kasama si Lancelot.
"Excuse me. Heto na ‘yung phone mo. Papasok na ako,” aniya at ibinalik ang cellphone dito. At tumalilis na siya. Nagawa na siguro niya ang responsibilidad niya bilang photographer ni Lancelot para sa araw na iyon.
"Hep! Sino ang may sabi na basta ka na lang pwedeng umalis?" habol ni Lancelot at sumabay ng lakad sa kanya di pa man siya nakakalayo.
Napalingon tuloy siya sa mga tagahanga nito na pawang nakabusangot. Dismayado ang mga ito dahil iniwan ng binata para sundan siya. “Pangit ba ‘yung kuha ko sa inyo? Sa dinami-dami ng kuha ko, wala kang nagustuhan?”
“Maganda naman. Pero di ka dapat umalis na lang basta. Ikaw nga ang hinihintay kong dumating tapos tatakasan mo ako.”