“Hindi kita tinatakasan,” protesta niya. “Ayoko lang na mapag-initan na naman ako ng mga fans mo.”
“Di iyan. Dapat sabay tayo na pumasok. Paano kung mag-isa ka lang at may mang-away na naman sa iyo? Di ko alam kung saang restroom ka na naman makukulong. Ayoko nang maulit iyon," nag-aalalang sabi nito.
"Sinabihan mo naman na ang mga fans mo na huwag akong kakantiin, di ba?” Matapos nilang mag-usap sa cafe, nag-post ito sa page nito kung saan kinokondena nito ang pambu-bully at iba pang karahasan. Na hindi nito gugustuhin na may masaktan dahil dito. At di rin daw ito papayag na may mag-bash pa sa kanya kahit na di sila pareho ng opinyon. “Thank you pala doon. I do appreciate it. Sana lang sumunod sila."
"Sana nga. Ayoko sa mga bully. Sa mundong ito, di naman kailangang balat-sibuyas. Kailangan bukas din sa kritisismo.”
Tumango siya. “ Tama naman iyon.” Mas matured ito kaysa sa inaakala niya. Kung siya siguro ang ipahiya nito sa mga tao, baka ampalaya pa rin siya hanggang ngayon at di pa rin niya tinatantanan sa social media.
“Ako na nga ang magdadala niyan," anito at kinuha ang baunan siya. "Ano ba ito?"
"Banana cake. Sa iyo ‘yung isa,” aniya at inabot ang isang loaf dito.
"Ang sweet naman ng new admin ko."
"Wag ka nga. Si Mama nag-bake niyan. Thank you daw kasi mabait ka pa rin sa akin at inintindi mo ako kahit maldita ako."
"Paano naman ako magagalit sa iyo kung may nanay ka na ganito kabait at kasarap magluto? Gusto ko nang kainin ang banana cake ngayon."
“Para kang bata,” ani Sylvie na naiiling na lang.
“Bata pa naman ako. Kailangan ba magmadali agad tumanda? Di pa nga tayo nagbabayad ng tax.”
“Mga katwiran mo.”
“Huwag kang magmadaling tumanda. Huwag masyadong seryoso. I-enjoy mo pagkabata mo. Baka mamaya kapag matanda ka na, maramdaman mo pagod na pagod ka na at marami kang na-miss .”
Kababati pa lang nila, gusto na naman nitong makipagdebate. Handa na siyang makipag-argumento dito nang mag-ring ang cellphone niya. Hindi niya kilala ang numero. “Hello.”
“Hello, Miss Sylvie dela Paz?” bati ng boses matandang babae sa kanya.
“Yes, speaking. Sino po sila?” magalang niyang tanong.
“I am Miss Pedroza, the guidance counselor. Please proceed to the guidance office right now.”
“P-Pero bakit po? May problema po ba?” kinakabahan niyang tanong.
“Mas mabuting dito na natin pag-usapan. Nasa school ka na ba?”
“Y-Yes, Ma’am. Papunta na po ako. Thank you,” kinakabahan niyang sabi at nagpaalam.
“Sino ‘yon?” nakakunot ang noong tanong ni Lancelot.
“Sa guidance office. Pinapatawag daw ako.”
“Sasamahan na kita.” Nag-ring din ang cellphone nito. “Yes, Ma’am. Good morning. No worries. Advance po akong mag-isip kaya papunta na po ako sa guidance office. Thank you, Miss.”
“Ipinapatawag ka rin sa office? Bakit daw?”
“Walang sinabi.”
“Sa palagay mo pagagalitan ako dahil sa pamamahiya ko sa iyo sa talk mo? Baka narindi na sila sa daming reklamo sa akin ng mga fans mo.”
Kahit pa binawalan na ni Lancelot na mam-bash ang mga tagahanga nito, may nauna nang mensahe ang mga ito sa page ng Bright Minds Academy na gusto siyang masuspinde meron pang gusto siyang patalsikin sa paaralan.
“Hey! Kasama mo na ako. Pababayaan ba naman kita?” tanong nito. “Wala ka namang nilabag na school policy. Kung di problema sa akin, wala rin silang dapat problema tungkol doon. Ako ang bahala.”
Tahimik siyang nagdasal habang papunta sa guidance office. Pagpasok nila, naroon ang grupo ng Sassy at ang guardian ni Aiona na si Marcel Malvarosa. Ilang beses na niya itong nakita nang may presentation si Aiona sa eskwelahan. Ang pagkakaalam niya, hiwalay ang mga magulang ng babae. Nasa Australia ang ama nito at nasa Negros ang ina. May kanya-kanyang pamilya na ang mga magulang nito at sa tiyuhin nito tumutuloy.
“Good morning, Ma’am, Sir,” bati nila ni Lancelot sa guidance counselor at sa tiyuhin ni Aiona.
Magkatabi silang umupo ni Lancelot matapos ipakilala kay Mr. Malvarosa. Lalo siyang natensyon. Di nagtagal pumasok din si Roumel at bakas ang pag-alala sa mga mata nito nang makita doon ang
“Tungkol po ito saan?” tanong ni Sylvie.
“Well, kinausap kami ni Mr. Malvarosa dahil nalaman niya mula sa anak niyang si Abegail Malvarosa na naikulong ka daw ng Sassy sa restroom. At siya daw ang tumulong sa iyo na makawala. Totoo ba?”
Nakayuko man, pero nararamdaman pa rin niya ang matatalim na tingin ng Sassy sa kanya. Nakadama siya ng bahagyang takot pero tinatagan ang loob. “Ang natatandaan ko lang po, sila ang huling tao sa restroom at nagpaalam pa sila bago umalis. Nang subukan ko pong buksan ang pinto, nakasara na po mula sa labas.”
“Wala kang ebidensiya na kami ang gumawa,” mariing kontra ni Ariane.
“Walang CCTV sa mismong restroom pero malalaman sa CCTV sa pinto ng restroom kung sino ang huling umalis at pumasok bago lumabas si Sylvie,” malumanay na sabi ng guidance counselor. “At ang alam ko gumagana iyon.”
Napipilan ang Sassy sa rebelasyon. Akala siguro ng mga ito ay patuloy makakapagtago ng lihim ang mga ito.
“Si Abegail Malvarosa po mismo ang tumulong sa akin na makalabas ng restroom,” pagpapatuloy ni Sylvie.
“Tapos pinagbintangan pa ako nila ni Aiona na nagkulong sa kay Sylvie. May mga utu-uto naman na naniwala at parang kasalanan ko pa rin,” mapait na usal ni Abegail at nakaismid na tiningnan si Roumel. Napamaang ang lalaki. “Judger!”
“You are always in trouble. Di mo ako masisisi. Saka nag-aalala ako kay Sylvie. Paano kung mapahamak siya? Di ba mas malaking problema iyon para sa iyo?” tanong ni Roumel.