A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 58

Nagtataka marahil ito dahil dapat magkaaway sila pero siya pa ang pinoprotektahan ng lalaki ngayon.

Mas gumaan na ang loob niya nang makitang bumalik si Lancelot sa tabi ng Sassy. Umaliwalas ang mukha ng Sassy. Kahit di niya gusto ang ugali ng mga ito, ayaw naman niyang mawalan ang mga ito ng kaibigan.

Sana lang hindi kailangan hindi kailangang magsakripisyo ng mga kaibigan si Lancelot tuwing pinipili siya.

HINDI maipinta ang mukha ng mga admin ni Lancelot nang dumating si Sylvie kasama nito. Meeting iyon ng admins ng binata na ginanap sa isang Korean cafe na di kalayuan sa Holy Grail High na tambayan ng mga ito dati. Biglang nawala ang masayang atmosphere ng apat na dating kaklase at malalapit na kaibigan nito.

“Anong ginagawa niya dito?” malamig ang boses na tanong ni Breanna.

“Tigas naman ng mukha niya na magpakita sa amin matapos ka niyang laitin at insultuhin kaming supporters mo na parang mga wala kaming utak.”

“I don’t think this is a good idea. Sa susunod mo na lang ako kausapin kasama sila,” bulong niya kay Lancelot. Hindi lang siya basta outsider sa paningin ng mga ito. Kaaway siya. Parang handang maglabas ng itak at sumugod sa mananakop ng mga kaibigan nito.

Hinagip agad ni Lancelot ang kamay niya. Matiim ang mga ama nito. "Hindi ka aalis. Usapan natin kahit anong mangyari, dito ka lang sa tabi ko." Bumaling ito sa mga kaibigan. "Ako ang nagpapunta sa kanya dito. Kung may problema kayo sa kanya, sa akin ninyo sabihin. Pero pwede kumain muna tayo? Gutom na ako. Nauubos talaga 'yung dugo ko sa English. Nakaka-anemia ang business terms na pinag-aralan namin." Sumalampak si Lancelot sa kahoy na sahig na may unan. Tinapik nito ang bakanteng espasyo sa tabi nito. Naka-serve na ang pagkain sa mesa at kumukulo pa ang shabu-shabu na may iba’t ibang Korean ingredients. "Anong gusto mo? Ramyun noodles! Fish cake! Subukan mo 'yung minatamisang saging na may sesame seed pangontra sa anghang. Sobrang sarap kahit kainin ko araw-araw." At ipinaglagay siya ng lalaki sa bowl. “Huwag kang mahihiya.”

"Thank you," usal niya at pasimpleng sumubo ng odeng o fishcake gamit ang chopstick.

Nagtatatantiyahan at nagpapakiramdaman sila ng mga admin ng lalaki. Masayang nagkukwentuhan ito tungkol sa mga kaibigang di nakadalo sa talk nito, sino ang bagong nagliligawan sa klase at nagkatuksuhan na sa mga admin na sina Rhein at Odan na laging magkaaway pero nagkakagustuhan na. Madalas naiirita siya kapag may mga tuksuhan sa paligid niya. Parang di na siya nakaka-relate sa mga taong masaya o kinikilig. Pero iba ang saya sa mukha ng grupo ni Lancelot. Normal na teenager lang ang mga ito.

"So, nandito ka ba para mag-sorry sa ginawa ni Lancelot?" nakataas ang kilay na tanong ni Breanna. Di na marahil ito nakatiis sa pananahimik niya.

"Nag-sorry na ako sa kanya,” sagot niya matapos punasan ng napkin ang labi. “Pero gusto ko din mag-sorry sa inyong mga kaibigan niya at sa mga fans din niya. What I did was way out of line.”

"Talaga bang bukal sa loob mo na humingi ng tawad o ginagawa mo lang iyan dahil sa dami ng bashers mo?" nakangising tanong ni Rhein.

Tinatagan ni Sylvie ang sarili. "Wala akong pakialam sa mga bashers ko. Ni wala na nga akong pakialam kahit tama ang mga comment ko sa kwento ni Lancelot. Pero mali ako na manakit ng damdamin ng ibang tao."

"Ganoon-ganoon na lang iyon? Basta sorry lang?" nakaismid na tanong ni Matmat, ang bading na admin nito. “Naku, ‘te. Walang ganon. Kung pwede pala ang sorry, para saan pa ang mga guwapulis?”

"Okay ka lang dito, p're?" tanong ni Odan. Tumango si Lancelot. "Sabagay malambot talaga ang puso mo sa mga babae."

"Binastos ka na tapos okay lang sa iyo?" Pumalatak si Breanna. "Parang tinanggap mo na rin na tama siya."

Nagkibit-balikat si Lancelot at sumubo ng tteokboki o rice cake. "Totoo naman ang sinabi niya na may mga problema sa kwento ko. Dapat bang parusahan siya dahil nagsabi siya ng totoo?” May talim sa mga mata nito nang iikot ang mata sa mga kaibigan. “Mas gagaan ba ang loob ninyo kung masaya ako dahil ikinulong siya sa restroom ng ilang supporters ko kahapon?"

Namutla si Rhein at nabitawan ang chopstick sa pagkagulat. "Hala siya! Na-bully ka?"

“Totoo ba iyan? Baka charot lang para makuha ang awa ni Knight,” nakataas ang kilay na hinuha ni Matmat.

“Bakit naman ako magpapanggap? Ano iyon? Kumuha ako ng tao na magkukulong sa akin sa restroom? Ganoon ba ako kadesperada? Di ko naman kayo kailangang pilitin na maniwala sa akin sa totoo lang,” gigil na usal niya.

“Ikaw kasi,” may halo pang paninising sabi ni Odan.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.