A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 59

Binayo ni Lancelot ang mesa. “Naririnig n’yo ba ang sarili n’yo? Akala n’yo ba drama lang lahat ang ginawa ni Sylvie? Nandoon mismo ako, nakita ko siyang namumutla nang komprontahin siya nga mga nam-bully sa kanya at takot na takot. Sa palagay n’yo pepekein niya iyon?”

“Kahit ano posible. Si Knight ka na ngayon. Siguro gusto niyang maawa ka sa kanya para di ka magalit,” katwiran ni Matmat.

“Hindi niya kailangan ng awa ko. Umamin mismo ang mga nam-bully sa kanya at mapaparusahan na sila.”

Hinawakan niya si Lancelot sa braso. “Hayaan mo sila kung ayaw nilang maniwala sa akin. Hindi ako pa-victim,” matatag niyang sabi. Pero kung siya ang tatanungin, ayaw na niyang balikan ang mga sandaling iyon.

Ganoon pala ang pakiramdam ng ayaw paniwalaan. Parang nabu-bully na naman siya at tinatapak-tapakan. Hindi na siya kailangan pang

Subalit nanatiling matalim ang mga mata ng lalaki habang pinagmamasdan ang mga kaibigan. “Masaya ba kayo na na-bully siya dahil sa akin? Kahit na labasan kayo ng ebidensiya ayaw n’yong maniwala? Kung ganyan ang pakiramdam n'yo, anong kaibahan n'yo sa mga nam-bully sa kanya? Sa totoo lang, di ko naman gusto na sumikat tapos mananakit lang ng kapwa ang mga humahanga sa akin para depensahan ako. Hindi ako ganoong tao. At ayoko rin na maging ganoong klaseng tao kayo. Walang mangyayari kung maghihiganti tayo. Okay lang na di tayo matalino basta mabuti ang pagkatao natin."

Parang may pumiga sa puso ni Sylvie. Di niya inaasahan na dedepensahan pa rin siya ni Lancelot sa mga kaibigan nito. Dama niya ang sinseridad nito at ang pagmamalasakit. Naalala niya ang sinabi ng nanay niya sa kanya na may mga bagay siyang di nakikita na nagustuhan ng iba kay Lancelot at sa mga sulat nito - PUSO. May puso ito bilang tao at marahil iyon din ang nakikita ng mga mambabasa nito - hindi ang mali sa grammar o pagkakakwento. Napahanga siya nito.

"Sige na. Move on na tayo. Kung naniniwala ka sa kanya e di ganoon din kami,” anang si Rhein. “Sino nam-bully sa iyo? ‘Yung Sassy ba?”

“Bakit alam mo?” tanong niya.

“Maldita rin kasi sila sa amin. Akala mo pag-aari nila si Lancelot,” sabi ni Rhein na halos magpatong ang kilay sa inis. “Sorry kung di ako naniwala agad.”

“Wala iyon. Saka mapaparusahan naman na rin sila. Ipapatawag na rin ang magulang nila dahil sa ginawa nila sa akin,” aniya at bahagyang ngumiti kay Rhein.

"Pasensiya na. Di namin gusto na may mapahamak dahil kay Lancelot. Gusto lang namin siyang protektahan. Siguro kasi buong buhay namin lagi na lang kaming minamaliit ng mga matatalino,” sabi ni Breanna sa mababang boses.

"Pasensiya rin kung arogante ang dating ko. Gusto ko lang naman malaman rin ng mga fans ninyo na hindi ako interesado kay Lancelot. Di ko naman intensyon na manakit ng damdamin ng iba. Kaya gusto kong mag-post ng public apology.”

"Ise-share ko iyan sa account at page ko. Pag na-reactivate na ang social media mo, sabihin mo sa akin para magawa na kitang admin,” anang si Lancelot.

"Knight, seryoso ka ba diyan?" bulalas ni Breanna sa mataas na boses. Kung tingnan sila ng mga admin ng binata, parang isa siyang mangkukulam at nasa ilalim ng mahika niya si Lancelot.

"Oo naman. Si Sylvie ang magiging bagong admin at official photographer ko,” walang gatol na deklarasyon ni Lancelot. “Nagustuhan n'yo ang mga kuha niya sa promo ko para satalk. Alam n'yong magaling siya. Gusto ko magaganda ang pictures na ipo-post sa page ko. At matagal na rin ninyong sinabi sa akin na kailangan ko ng admin na galing sa Bright Minds Academy para mas mabilis I-update ang gusto kong topics. Si Sylvie ang napili ko."

Sinapo ni Odan ang noo. Parang gusto nitong tuktukan siguro si Lancelot. "Marami namang iba diyan. Mas maganda, mas palangiti.”

Pinigil ni Sylvie na taasan ito ng kilay. Mga lalaki nga naman. Pati ba naman pagkuha ng admin ni Lancelot kailangan pang maging beauty pageant?

"Hindi kasing galing ni Sylvie,” anang si Lancelot at inilahad ang palad sa kanya. “Saka gusto niyang bumawi sa akin. Ito ang naisip kong solusyon. Alam ko kung paano magtrabaho si Sylvie. Dedicated siya.”

"Ni hindi niya gusto ang mga sinusulat mo. Daig mo pa ang nagpapasok ng kaaway sa teritoryo natin,” angil ni Breanna. “Bakit magsasama ka sa grupo natin ng isang tao na walang tiwala sa kakayahan mo?”

"Sanay na kami sa Bright Minds Academy na punahin ang mali ng isa't isa, kahit pa mga kaibigan ko. Pagdating sa pag-aaral, bawal sa amin ang balat-sibuyas. Kaya huwag sana ninyong isipin na personal iyon," pagdidiin ni Sylvie. “Mas gusto ba ninyo na pagtawanan lang si Lancelot sa mga mali niya kaysa itama iyon? Ayaw ba ninyo siyang mas gumaling pa? Tatanda din ang readers niya. At dadating ang panahon, mare-realize din nila ang mga mali sa kwento. Hindi ba ninyo gusto na si Lancelot mismo ang mag-improve? Hindi ninyo ako kaaway.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.