A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 60

Natahimik ang mga ito admin ni Lancelot at nagkatinginan. Animo’y piping nag-uusap ang mga ito kung papayagan ang katwiran ni Sylvie o hindi. Kung maniniwala ang mga ito na kakampi nga siya at di kaaway.

"Ayos na rin iyan para siya na ang mag-correct ng mga post natin. Okay din na may matalino sa team natin. Di niya tayo malalait kasi kakampi na natin siya,” anang si Matmat. “Di na masasabihan na pang-jejemon lang ang fandom natin. Medyo magtutunog sosyal na rin siguro tayo ‘no? Bet ko iyan, sister.” At kinikilig na ginagap ni Matmat ang kamay niya saka nakipagbeso-beso. “Welcome to the club.”

"Hindi pa ito okay sa akin. Pero para kay Lancelot, pagbibigyan kita. Basta huwag mo lang kaming subukan na maliitin, makakasundo tayo. Bawal sa amin ang maarte at bawal din ang killjoy,” sabi ni Rhein.

"Hindi ako maarte at hindi ako killjoy. Maraming salamat. Hindi naman talaga ako matapobre. Hindi naman ganoon kasama ang ugali ko,” aniya at bahagyang natawa.

"E di magpa-picture na tayo kung gusto mo. Groufie!" anunsiyo ni Odan na inangat ang cellphone nito. Kanya-kanyang pa-cute ang mga ito sa camera at napilitan na ring ngumiti ni Sylvie. Totoo na ba ito? Opisyal na siyang admin ni Lancelot. Parte na siya ng grupo. "Welcome, Sylvie.”

Kahit paano nakaluwag sa dibdib niya na tinanggap na ng mga ito ang kagustuhan ni Lancelot. Di pa siya makasali sa kwentuhan ng mga ito. Di pa niya kayang sakyan ang jokes ng mga ito lalo na si Odan na puro pilosopo ang banat. Pero mas mabuti na ito kaysa ituring pa rin siyang kaaway.

Nilapitan siya ni Breanna nang magsabi ang grupo na uuwi na ang mga ito. "Pagbibigyan kita dahil gusto ni Lancelot. Pero wala akong tiwala sa iyo.”

Nagkibit-balikat si Sylvie. "Normal lang naman na di mo ako pagkatiwalaan. Basta gagawin ko lang ang trabaho ko bilang admin ng grupo. Salamat kasi pinagbigyan mo ako."

Tumango lang ito at nagpaalam na ang mga admin ni Lancelot dito. Naiwan pa sila ng binata sa Korean cafe dahil di pa dumadating si Mang Udo na sundo niya.

Nakahinga nang maluwag si Sylvie. “Whew! Akala ko kanina kukuyugin ako.”

“Mababait naman sila. Nakikinig nman sila sa rason at nirerespeto ang mga desisyon ko,” sabi ni Lancelot at umorder ng hot tea para sa kanila.

Buwan-buwan nakikipag-meeting si Lancelot sa mga admin at tini-treat ang mga ito para kumain sa labas galing sa sarili nitong kita sa mga libro. Nagbebenta rin ang page nito ng libro at merchandise ang mga ito at iniipon ang kita para sa mga meeting ng grupo at events.

Hindi mga iresponsableng kabataan ang grupo nila Lancelot. Organisado ang mga ito. Marunong humawak ng pera, magnegosyo at madiskarte. Alam ng mga ito ang kalakasan ni Lancelot at ng kwento nito at iyon ang mina-market.

“At alam ko na sila ang mga kaibigan ko na di ako iiwan kahit di na ako sikat,” sabi ni Lancelot. “Kasi sa simula pa lang nandiyan na sila. Sila ang dahilan kaya ako nagsusulat. Kasi gusto kong mapasaya sila kapag down na down sila. Kasi kapag nagbabasa daw sila ng kwento ko, nakakalimutan nila ang lungkot. At bilang admin ng grupo ko, pakiramdam nila may pakinabang daw sila.”

“Maswerte ka na may kaibigan ka gaya nila. Di ka iiwan. At maswerte sila sa iyo.” Habang siya naman ang nagtaboy sa mga kaibigan niya na gustong dumamay. Nakita na niya kung ano ang kakulangan sa buhay niya - mga kaibigan. Nami-miss niya ang panahon na tumatawa lang siya na parang baliw at walang dahilan.

“You belong to the team now. Pwede mo silang maging kaibigan kung gugustuhin mo. Nasa iyo kung papapasukin mo kami sa buhay mo,” makahulugang wika ni Lancelot.

“Malayo pa siguro akong maging kaibigan nila. Alam ko napipilitan silang tanggapin ako ngayon. Pero gagawin ko talaga ang lahat para di mapahiya sa kanila. Kasi wala na akong mukhang ihaharap sa kanila pag pumalpak ako.”

“Ano naman ang papalpak kung iko-correct mo ang mga grammar at spelling? Photographer kita at beta reader paminsan-minsan.” Nagkibit-balikat lang siya. Lumipat ito sa kinauupuan niya at itinaas ang cellphone. “Tara! Mag-selfie tayo.”

“Para saan?” tanong niya at bahagyang pumiksi.

“Para I-announce ko na ikaw ang bagong photographer ko at admin. At di mo ako pwedeng tanggihan.”

“Okay,” sabi niya at bahagyang ngumiti sa camera.

“Malayo ang mukha mo. Closer.” At tinapik ng hintuturo nito ang pisngi.

Napilitan siyang idikit ang pisngi sa pisngi nito. Pigil na pigil niya ang hininga habang dama niya ang init ng pisngi nito. Nagwawala ang puso niya at parang gustong kumawala sa ribcage niya.

Ano ba ang nangyayari sa akin? Bakit ako nagpa-palpitate? Kay Lancelot lang naman ako ganito. Bakit nilalamon kasi niya ang personal space ko at nakikita hati sa oxygen? Hindi ako makahinga.

“Heart hand.” Saka nito ginawang hugis ng kalahating puso at inaasahan na ganon din ang gawin niya.

Bahagya niyang inilayo ang sarili dito. “Ano? Para kang sira… di tayo love team. Maba-bash ako lalo ng fans mo.”

“Mas matakot ka sa akin kapag di ka sumunod. Baka naman mamaya may malisya ka kaya ayaw mong gawin.”

“Ako pa may malisya ngayon. Of course not.”

Napilitan siyang sumunod dito at idinikit ang kamay sa kamay nito. Parang may “zing” sa hangin nang magdaiti ang mga daliri nila. Nahigit niya ang mata at tumingin dito. Pero nakangiti na si Lancelot sa camera. Baka naman siya lang ang nakaramdam no’n. Imahinasyon lang niya.

Wala talagang malisya. I swear!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.