A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 6

“And you look good on it. Mas guwapo ka pala sa personal,” anang si Ehra sa pinaliit na boses.

Ugh! Pabebe much. May kaartehan si Ehra pero nakita niya kung paano ito magtrabaho nang mas matitinding personalities ang nakaharap nito. Di ito natunaw nang makaharap ang presidente ng Pilipinas. Sensible ang mga tanong nito. Hindi ito pa-cute nang ma-interview ang crush na basketball player. Very, very professional. Tapos ang alam nitong itanong kay Knight ay favorite color?

Kalma. Baka naman gusto lang niyang maging komportable si Knight. Baka naman sa susunod na tanong, may pangil na ang tanong niya.

“May girlfriend ka na ba?” tanong ulit ni Ehra na nagniningning ang mga mata. Nang sumagot ng hindi si Knight, ito ang unang tumili.

“Eeeeee!!! Ako na lang! Ako na lang ang mahalin mo!” anang mga Sassy, ang girl group na puro kaklase pa niya. Sosyal na sosyal ang mga ito, hinahangaan at hinahabol ng mga lalaki di lang sa Bright Minds Academy. May sariling followers ang mga ito pero ayon kay Aiona, mataas ang standard ng mga ito na parang prinsipe lang ang pwedeng pansinin ng mga ito. Tapos babagsak ang mga ito kay Knight?

What a fall from grace. Kahihiyan ito sa Bright Minds Academy. Ano bang nangyayari? Nagayuma ba sila? Na-hypnotize? Ako na lang ba ang di nava-virus-an dito?

Oo, guwapo nga ang lalaki. Matangkad ito. Nasa 5’9” na kahit na labimpitong taong gulang pa lang. Mukhang mas tatangkad pa ito. Matikas ang tayo. Naka-brush up ang buhok nito at mukhang kagalang-galang habang suot ang uniform ng Bright Minds Academy. Nakangiti kahit ang mga mata nito na nagiging maigting pag tumititig sa mga tao. Gustong-gusto ito ng camera niya. Masarap itong gawing subject. Pero hanggang saan ba dadalhin ng kaguwapuhan nito ang lalaki?

Di na nakatiis si Sylvia na makitang nawawalan ng laman ang interview ni Ehra at itinaas ang kamay. Oras na para malaman ng mga ito na hindi perpekto ang Knight na kinababaliwan ng mga ito. “Excuse me! Excuse me!” aniya at ikinaway ang kamay para makita nito. “Excuse me! I have a question!”

Tumingin ang lahat kay Sylvie. Di siya sanay na sentro ng eksena. Kahit kapag nananalo siya sa photo competition, mas gusto niyang mag-focus ang mga tao sa mismong entry niya kaysa sa kanya bilang isang photographer.

Itinaas din ni Knight ang kamay at kumaway. “Hello there!” Friendly. Iyon agad ang pumasok sa isip niya. Akmang bubuka ang bibig niya para sabihin ang tanong nang naglakad ito palapit sa direksyon niya. “Excuse me. Pwedeng makiraan?” tanong nito sa Sassy na nakaharang sa bungad ng mga taong nakaharang sa kanya.

“Sureee!” sabi agad ni Aiona at ipinitik ang daliri. “Guys, dadaan daw si Knight. Move!”

Parang Red Sea ang mga tao na nahawi ang mga ito para magbigay-daan sa lalaki palapit sa kanya hanggang siya at ang hagdan na lang niya ang naiwan sa gitna. Hindi alam ni Sylvie kung bakit pinipigil niya ang paghinga. Nararamdaman lang niya iyon kapag pinakaaabangan niya ang susunod na pangyayari. Na parang slow motion ang bawat galaw ni Knight at nakikita niya ang bawat detalye - ang pagtangay ng hangin sa buhok nito, ang pag-angat ng gilid ng labi nito at ang intensidad ng mga mata nito na parang siya lang ang nakikita.

Is it the artist in me? Kaya ba nagzu-zoom in sa kanya ang mga mata ko?

Naalala niya ang sinabi sa kanya ng nanay niya. Ganoon daw ang naranasan nito nang unang beses na nakita ang tatay niya. Exaggerated iyon. Nababasa lang sa romance novels o nangyayari sa mga nakakakilig na palabas sa TV o pelikula. Para sa kanya, di ka naman basta-basta magkakagusto sa isang tao dahil lang napatigil nito ang mundo niya. Di niya iyon naranasan kay Mark Andrew.

He is just a moving work of art. Nothing romantic. Duh! O baka nahihilo lang ako sa init ng araw na kanina pa nakatutok sa akin.

Tiningala si Knight at ngumiti sa kanya. “You must be the official photographer for this event. Hi! I’m Lancelot Valdrez. Hence the pen name Knight. And you are…” anito at inilahad ang palad sa kanya para kamayan siya.

“I am not important,” aniya at iniwas ang tingin dito. Hindi naman siya nito fangirl. Di na siya nito dapat pag-aksayahan ng oras.

“Hello, I Am Not Important.”

Hindi niya pinansin ang pakikipagkamay nito. Sarkastiko siyang ngumisi dito. Pa-cute pa ito.

Di pa rin nito inaalis ang pagkakalahad ang kamay. “Sa palagay ko itinuro sa mga estudyante ng Bright Mind Academy na tanggapin mo ang pakikipagkamay ng taong nakikipagkilala nang maayos sa iyo. That is the polite thing to do. Mukha ka namang matalino at sigurado ako alam mo rin naman ang tungkol sa manners,” anito sa nanunudyong boses.

Malambing ang pagkakasabi subalit pakiramdam ng dalaga ay sinampal siya nito. Sinasabi ba nito na wala siyang kagandahang asal?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.