A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 61

“HALA KA, Sylvie! Iniba mo pala ‘yung nakalagay na quote sa poster para sa charity event ng publication ni Lancelot,” bungad ni Breanna nang tawagan siya ng publication. Plano niyang mag-relax sa hapon na iyon sa school cafeteria dahil katatapos lang niyang ipasa ang story review niya sa 21st Century Literature tungkol sa The God Stealer ni Francisco Sionil Jose. Ang kwento ay tungkol sa pagiging makabayan, pagsisikhay sa kabila ng hirap ng buhay, pagiging positibo at pagmamahal sa sariling kultura.

Tapos na rin siyang mag-update sa page ni Lancelot. Akala naman niya makakapag-relax na siya hanggang matanggap niya ang tawag kay Breanna.

Biglang umanghang ang panlasa niya sa milk tea na iniinom. “Wala akong iniba. Itinama ko lang ‘yung spelling ng ibang salita.”

“Baka nainis ‘yung sa publication.”

“Bakit naman sila maiinis? Ginawa ko lang naman ‘yung trabaho ko bilang admin ni Lancelot. Kung mali ang correction ko, saka sila magreklamo. Saka pinost ko iyon sa page natin. Sa atin lang. Di ko kasalanan kung bakit di sila nagko-correct bago mag-post.”

Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Brenna sa kabilang linya. “Alam mo, wala naman kaming pakialam sa ganyan dati. Mahalaga sa amin makuha ang mensahe. Di ko rin naman makontra ‘yung publication. Kasi mahigpit daw ‘yung dating management niyan at editorial board. Mga magagaling na writers ang nakakapasok. Kung di dahil sa bagong management, di makakapasok si Lancelot.”

“Di tayo pwedeng mangilag lalo na kung nasa tama tayo. Paano seseryosohin si Lancelot at ang ibang writers nila kung di maitatama ang mali?”

“Ikaw ang bahala ha? Kasi ayoko ng gulo lalo na kay Miss Frecy.”

“Hindi ako natatakot sa kanya. Walang taong perpekto. Kahit ako. Pero huwag nating isipin na porke’t may napuna tayong mali sa kapwa natin, masama na tayong tao. Ine-encourage kami ng teachers na pati sila kwestiyunin namin o I-correct din sila kung kinakailangan. Kasi kahit sila din daw natututo rin sa mga bata tulad natin.”

“Ganyan din ang sinabi ni Lancelot. Alam mo ba na may protesta daw sa publication galing sa ibang magulang dahil hindi daw educational ang ipina-publish nila at di magandang impluwensiya sa mga kabataan lalo na sa minors?”

“Oo. Nakita ko sa internet,” usal ni Sylvie. Pinamumunuan ng paborito nilang manunulat ni Mark Andrew ang protesta na si Rojana Madrid. Tatlong beses nang nanalo sa Palanca Award ang babae. Habang para naman sa mga batang manunulat at sa mga tagahanga ng mga ito, inggit lang daw ang babae dahil di ito sikat. May ilan na rin readers na gustong makisama si Lancelot sa issue at ipakita ang suporta sa mga “makabagong” manunulat gaya nito. Kaya marahil na-trigger din ang assistant ng publisher dahil sa pagtatama niya sa poster dahil may mga protesta nang nakahain dito. “Hangga’t maari iwasan natin na mag-comment. Mag-focus lang tayo na mag-improve sa page at mag-update sa mga bagong activities ni Lancelot. Importante ‘yung charity event na sasamahan natin.”

“Oo nga pala. Magkita tayo sa susunod na meeting. Thank you.”

Hindi pala biro na mag-manage ng Facebook page ni Lancelot. Sa totoo lang, napapagod siya sa mga isyu na lumulutang. Silang mga admin ang binubungaran ng mga reklamo ng mga fans at mga simpleng hiling ng mga ito. Sila muna ang humaharap kapag may problema.

Nakatanggap siya ng text mula kay Lancelot na puntahan daw niya ito sa library. Di niya alam na pumupunta ito sa library. Kahit pa sabihin na internet na ang ginagamit ng mga estudyante ngayon kapag nagre-research, gusto pa rin niya ang library ng Bright Minds Academy. Maraming libro doon na di mahahanap sa Google.

Tumayo siya at binitbit ang backpack nang makita niyang papalapit sa kanya ang Sassy. Iniiwasan niya ang mga ito kahit pa nang maging admin siya ni Lancelot at maganda na ang pakita ng mga ito sa kanya.

Hinarang na siya ni Ehra bago pa siya makaalis sa mesa. “Hi, Sylvie! Pwede bang sumama rin kami sa charity event at mag-perform para sa mga bata?”

“Right. We can teach those kids how to sing, dance and be confident,” sabi ni Ariane. Inanyayahan ng publication ang mga readers ni Lancelot para sumali sa charity event sa isang bahay ampunan. Sa halip na isang birthday party para sa publisher ni Lancelot, sa isang bahay ampunan na lang daw ito magdiriwang.

Naramdaman ni Sylvie ang kaunting panginginig habang kaharap ang mga ito. Di pa rin nawawala sa sistema niya ang trauma. Nag-offer ng therapy ang guidance counsellor niya pero sinabi niya na kaya na niyang mag-isa. Katwiran niya basta di siya kakantiin ulit ng Sassy, ayos lang siya.

“Cool. May announcement naman sa page kung saan kayo magvo-volunteer. Pwede kayong magpa-register doon,” sabi niya at pilit na ngumiti.

“Sabi kasi ni Knight sa iyo kami magsabi,” anang si Aiona.

Ano ako? Sekretarya niya? Sa email ng publication mismo naka-direkta ang email para sa registration dahil iipunin din ang volunteers mula sa ibang grupo ng readers na hawak ng ibang writer.

Ngumuso si Aiona. “Kailangan daw ng approval mo bago kami sumama. Like if you are not comfortable because of what happened before… we are sorry. We want to make the kids happy. Di ka na namin aawayin o ikukulong sa restroom.”

Mahigpit niyang hinawakan ang strap ang bag niya at tumango. “Welcome naman lahat ng gustong tumulong. This is not about me anymore.”

“Hindi ka na galit sa amin?” paniniyak ni Mindy.

”Wala na iyon. Saka gusto pinagbabayaran naman ninyo ang pagkakakmali ninyo.” At sinulyapan niya ang mga nagbabalat na kamay ng mga ito. Pinaglinis ng kalsada ang mga ito at pinagpintura ng vandalism sa pader. Naalala niya kung paanong magpapalahaw ng iyak ang mga ito nang nagsusumbong sa klase nila. Nahirapan daw ang mga ito at nakakadiri daw na magtrabaho sa kalye. Palibhasa di sanay na magtrabaho.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.