A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 62

Ginagap ni Ehra ang kamay niya. “Thanks. You are so nice.”

“Wag kang mag-alala. Babasahin namin ‘yung tungkol sa world peace article ni Mark Andrew. Susubukan ko rin mag-comment sa mga sinulat niya at ise-share ko rin sa mga friends ko,” sabi ni Aiona.

“Okay. Sana may matutunan kayo sa sinulat ni Mark Andrew,” aniya at nagpaalam na sa mga ito. Nakita niya na gustong makipaglapit ng mga babae sa kanya. Siguro dahil bago siyang admin ni Lancelot at parang lambong iyon na nagpoprotekta sa kanya laban sa pambabatikos ng tagahanga nito.

Binilisan niyang pumunta sa library nang mag-missed call si Lancelot. Nagpadala pa ito ng text. Bakit ang tagal mo? Miss na kita.

“Bossy much,” usal niya. Tumaas ang isang kilay niya nang mabasa ang “miss na kita” pero kumibot-kibot naman ang gilid ng bibig niya at parang gustong ngumiti. Nakakakilig sa totoo lang dahil may nakaka-miss pala sa kanya. Pero pinatay niya ang kilig sa puso nang maalala kung anong klaseng lalaki si Lancelot.

I miss you ka diyan. Malamang sinasabi mo iyan sa lahat ng babae.

Naintindihan niya ang karisma ng binata. Malambing ito sa lahat at marunong makasama. Ipinaparamdam nito lagi sa isang tao na espesyal ito. Kaya nga di ito nahihirapan na makuha ang loyalty ng iba. Ibig sabihin, di talaga siya espesyal. Normal lang dito na maging malambing sa iba kahit na walang kahulugan.

Naabutan niyang nagbabasa si Lancelot habang nakaupo sa tabi ng binata ng library. Mukhang seryosong-seryoso ito. Sumandal siya sa isang poste at kinuhanan ng picture gamit ang cellphone niya. Kinagat niya ang labi at pinindot ang capture button. Sunud-sunod ang pagkuha niya ng picture dito. Naaaliw siya sa paglalaro ng liwanag sa mukha nito.

Kahit noong naiinis siya dito, gustong-gusto niya itong kuhanan ng picture. Photogenic ito. Pero ngayon, hindi lang basta guwapong lalaki ang tingin niya kay Lancelot. May lalim ito. May kakayahan itong magpasaya ng iba. Mukha itong happy-go-lucky pero normal lang ito na maging masayahin. At sa paglipas ng mga araw, marami pa siyang nalalaman tungkol dito. Katulad ngayon, nagbabasa ito ng libro tungkol sa international relation. Hindi iyon ang libro na karaniwang binabasa ng lalaki. Ano kayang nakain nito at iyon ang binasa?

Hindi siya gumalaw sa kinasasandalan. Bigla nitong inangat ang tingin. Naramdaman marahil nito na may nakatingin dito. Tumigil sa pagtibok ang puso niya nang direkta itong tumingin sa kanya. Umangat ang gilid ng labi nito. Nahuli siya nito sa aktong na nakatutok dito ang cellphone.

Tumayo ito at nilapitan siya. Mabagal ang lakad nito subalit puno ng kompiyansa. “Hello, stalker.”

“Trabaho ko ang maging stalker mo, unfortunately. Just let me do my job. Bakit mo nga pala ako pinapunta dito?” tanong niya at lumapit sa lamesa nito.

“Kinausap ka ba ng Sassy tungkol sa pagvo-volunteer sa ampunan?”

Umupo sa bakanteng upuan sa tapat ng upuan nito at huminga ng malalim. “Hindi mo na sila kailangang ipadala sa akin. Pwede naman silang dumirekta ng registration sa email ng events organizer.”

“Ayokong magkasama kayo sa isang event nang di ka komportable sa kanila. Your comfort is my priority.”

“Thank you. Pero okay lang ako. Araw-araw kaming nagkikita sa klase. Saka sabi nila magbabasa daw sila ng sulat ni Mark Andrew. Parang ikaw.” Dinampot niya ang librong Attaining World Peace. “Favorite book ni Mark Andrew.”

“Sa palagay mo di ako magbabasa nito?”

“Parang di lang ikaw ang tipo na magbabasa about politics and international relation. Ang alam ko, Japanese manga at manhua ang paborito mo.” Napipilitan lang magbasa si Lancelot ng mga libro na may kinalaman sa leksyon nila.

“Kailangan ko lang basahin matapos kong mabasa ang award-winning piece ni Mark Andrew.”

“Binasa mo ‘yung sulat niya sa page?”

Kinuha nito ang libro sa kanya. “Yup. Komplikado pala ang relasyon ng mga bansa at pulitika kung pag-aaralan mo kumpara sa simpleng relasyon natin sa mga kapitbahay natin. Depende pa sa kultura, kasaysayan, ekonomiya at interes para magkasundo.” Sinabunutan nito ang sariling buhok. “Parang masyado pa akong bata para dito.”

“Pero kailangang pag-aralan natin dahil tumatanda na tayo. Pwede tayong maging leader ng bansa sa hinaharap. Seventeen na tayo. Sa susunod na eleksyon makakaboto na tayo. Importante iyan sa pagkilatis ng magiging leader. Kailangan mo iyan dahil writer ka. Dapat maintindihan natin kung ano ang nangyayari sa mundo. Mas maiintindihan mo paano nag-iisip ang mga tao. May option ka rin na I-discuss iyan sa mga susunod mong nobela.”

“Iyon ang sabi ni Mark Andrew sa iyo kaya ka naging photojournalist?”

Tumango siya. “I read his speeches. Dini-discuss niya iyon sa amin ni Roumel. Nang nag-speech siya sa United Nations, parang kasama din niya ako. Siya rin ang kumumbinsi sa akin na maging photojournalist. Mas makikita ko raw kong ano ang nangyayari sa mundo kung ako mismo ang nasa harap ng balita. At kung may talento daw ako, dapat daw galingan ko pa at I-share ko sa iba.”

“Gustong-gusto mo talaga siya,” usal nito sa malungkot na boses. Naaninag din niya ang lungkot sa mga mata nito.

“He was a friend and a mentor before he became my boyfriend. Kung ang iba diyan, nakakasira daw ang boyfriend sa pag-aaral, ibahin mo si Mark Andrew kasi siya ang nagtulak sa akin na maging magaling na estudyante. Pakiramdam ko buhay pa siya basta nagagawa ko ‘yung mga ibinilin niya sa akin.” Kung makakakuha lang sana ng atensyon ang page nito at mapagbabasa ang mga tulad ng Sassy at ni Lancelot. “Oo nga pala. Anong nakain mo at naisipan mong magbasa ng sulat ni Mark Andrew?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.