A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 63

Nagsalubong ang kilay ni Mark Andrew. “Hindi mo pa ba nakikita ang engagement ng page ni Mark Andrew ngayong araw o kahit ‘yung posts ko man lang?”

“Hindi. Busy kasi ako.”

Marami siyang project sa araw na iyon. Isa pa, mula nang ipahiya niya si Lancelot sa harap mismo ang fans nito, di muna siya dumalaw sa page ni Mark Andrew. Nakita niya na maraming basher na pumasok sa page ng dating nobyo. Siguro sa darating na araw saka pa niya lilinisin ang naturang page.

“Check it.”

Nanlaki ang mga mata niya sa dami ng notification. May mga nag-share pa. Nang silipin niya ang shared post at comment, magaganda na at may sense ang sinasabi ng mga tao doon. May mga diskusyon na rin tungkol sa mga isyu. Hindi iyon hate messages. Talagang nagtatalakayan ang mga ito.

“Anong nangyari? Ang daming shares saka nawala ang mga hate messanges sa kanya,” aniya at maang na pinagmasdan si Lancelot.

“Nag-share ako ng post ni Mark Andrew sa account ko. Malamang naka-share na rin sa page. Sabi ko tanggalin nila ang mga pangit na comment nila sa page ni Mark Andrew ko iko-call out ko sila isa-isa. Hindi ako papayag na mambastos sila ng isang nirerespetong writer at pride ng school na walang laban sa kanila. Wala akong pakialam kahit na mawalan ako ng supporters.”

Nahigit niya ang hininga. “Ginawa mo talaga iyon?”

Tumango ito. “Oo naman. Sabi ko rin na kailangan basahin nila ‘yung sulat ni Mark Andrew at pag-usapan namin sa account ko at sa page.”

Nangilid ang luha ni Sylvie sa sobrang emosyon. Ginagap niya ang kamay nito at idinikit sa palad niya. “At sinunod ka nila. A-Ang dami na nilang nakabasa at nag-share. Thank you.”

“Huwag kang umiyak. Paano ako tutulong sa pagpo-promote sa articles ni Mark Andrew kung iiyak ka lang pala?”

Itinulak niya ng hintuturo ang noo nito. “Sira! Masaya lang ako kasi pangarap ko lang naman na maraming makabasa ng gawa niya. Sa kabila ng pagkukumpara ko sa inyo, kinikilala mo pa rin ang galing niya at pino-promote mo pa. Bakit ginagawa mo ito?”

“Sabaw ako na writer pero pwede akong matuto. Para rin malaman ng mga ibang readers ko na kaya naman nilang maintindihan ang mga seryosong topic at social issues na nakakaapekto sa buhay ng mga tao. Saka gusto ko rin ipakita sa kanila na di lang naman mabababaw ang alam kong topic.” Tumuwid ito ng upo at itinaas ang baba. “Malay mo sa next novel ko, social issues na rin ang dini-discuss ko sa kwento ko.”

“Magdi-discuss ka ng social issues sa account mo at sa nobela mo?”

Binuklat-buklat nito ang libro. “I will try. Kaya pag-aaralan ko ang mga sinulat ni Mark Andrew.”

Magaan niyang tinapik ang ibabaw ng ulo nito. “Nice. Sabi ko naman sa iyo mas maganda na mag-aral ka ng ibang topic para mas marami kang mai-share sa readers mo. Di naman ganoon kasama, di ba?”

Kumunot ang noo ni Lancelot. “Aaminin ko na hindi kayang intindihin ng ordinaryong estudyante ang isinulat niya. English pa at maraming jargon na parang mga professionals lang ang makakaintindi. Kaya mas nahihirapan ang mga estudyante at ordinaryong mamamayan na maka-relate sa sinusulat niya.”

“Ano?” bulalas niya.

Parang tinatamad ang mga mata nito nang tingnan siya. “Masyadong pangmatalino. Isinulat ito para sa competition kung saan mga matatalino lang ang nakakaintindi. Pang-elitista. Pampa-impress. Ganoon. Pero sa mga ordinaryong tao na simple lang ang inaabot ng utak, hindi ito makukuha agad. Kailangang isalin sa salita o scenario na naiintindihan ng mga masa. Kung gusto mo na maraming maka-relate sa sulat niya, kailangang maisalin ito sa lengguwahe ng masa. Kumbaga sa pagkain, kailangan ‘yung mas madaling I-digest. Lechon ang sulat niya na malasa pero matagal matunaw habang lugaw lang ang mas kaya ng masa at mas madaling ma-absorb ng katawan.”

Biglang nag-evaporate ang saya sa dibdib niya. Akala pa mandin niya nagkakaintindihan na silang dalawa, na gusto na nitong abutin ang level ni Mark Andrew at na-inspire ito. Di pa rin pala.

“Ibig sabihin pasisimplehin ang sulat ni Mark Andrew para maintindihan ng iba?” maingat na tanong ni Sylvie sa lalaki. “So parang dapat bumaba ang level niya?”

“Hindi naman iyon ang point ko. May sinabi sa amin ang teacher namin dati - write to express and not to impress. Nasanay ka lang siguro na puro matatalino at mataas ang diwa ng nakakausap mo. Madali para sa iyo na makuha ang malalim na terminologies. Pero para sa ibang tao, wala na silang oras na unawain pa ang terminologies at mga jargon lalo na kung di naipapaliwanag ng writer. Sa palagay mo bakit mabenta ang kwento ko?”

Hinaplos ng kamay niya ang mesa. “Nakaka-relate ang mga ordinaryong tao sa iyo at simple ang pagkakasulat.”

“Mismo. Pwede namang talakayin ang malalim at komplikadong isyu sa simpleng mga salita. Ang mahalaga naiintindihan ng mas nakakarami ang mensahe. Sana okay lang sa iyo kung gagawan ko ng sariling caption at commentaries ang post para makuha ng mga readers ko. Wala naman akong pakikialaman sa sulat ni Mark Andrew. Gagawa lang ako ng paraan para maintindihan ng nakararami.”

Napahiya dahil overprotective siya sa sulat ng nobyo. Wala naman palang masamang ibig sabihin si Lancelot Gusto lang nito na maunawaan agad ng iba ang mga artikulo. “Sorry. Parang matapobre tuloy ang dating ko at arogante.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.