A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 64

“Okay lang. Naiintindihan naman kita. Matatalino ang gumagawa ng mga patakaran sa mundo at nagse-set ng standard. Pero kung gusto n’yo na ma-achieve ang layunin ninyo, kailangan maintindihan namin nang mas simple ang mensahe.”

“Oo naman. Salamat. Naa-appreciate ko ang effort na ibinibigay mo dito.” Pwede naman nitong I-share na lang ang mga artikulo ni Mark Andrew pero nagsisikap pa ito na pasimplehin para mas marami ang makaintindi. Gusto nito na marami pa ang matuto. “Kaso baka mapabayaan mo na ang kwento mo. Baka magreklamo ang fans mo kapag wala na silang nabasang bagong update.”

“Hindi ko pababayaan iyon. Magiging breather ko lang itong review sa article ni Mark Andrew. Saka para naman di sabihin na pa-cute lang ang ginagawa mo,” anito at bahagyang umangat ang kilay.

“Cute ka pa rin naman kahit seryoso,” usal niya sa isip.

Tipid itong ngumiti. “Thank you.”

“Para saan?”

“Para sa pagsasabing cute ako.”

Namutla siya. Sinabi lang niya iyon sa isip niya. Napalakas ba ang pagkakasabi niya? “Wala naman akong sinasabi,” kaila ng dalaga.

“Ito talaga gagawin pa akong sinungaling. Di naman kita tutuksuhin.” Nangalumbaba ito. “Kuhanan mo pa ako ng picture.”

Inilabas niya ang cellphone at itinutok dito. Tumingin ito sa camera at inangat ang gilid ng labi. Parang sinasabi nito na guwapo ito at alam nito ang kapangyarihan sa mga katulad niya.

Parang may sumuntok sa sikmura niya. Hindi siya makahinga habang nakatitig sa mga mata nito. Parang hinihigop nito ang kaluluwa niya.

“Marami ka na namang magagayumang fans mo nito,” sabi niya matapos ang ilang shot.

Pinigilan nito ang kamay niya. “Wag mong ipo-post iyan. Para sa iyo lang iyan.”

Tumaas ang kilay ng dalaga. “At bakit?”

“Para magtitigan tayo kahit na wala ako sa tabi mo.”

Pumiksi siya at binawi ang kamay dito. “Magbasa ka na nga diyan,” sabi niya at tumayo na. “Uuwi na ako.”

Tumayo rin ang lalaki at ibinalik ang libro sa bag. “Sabay na tayo palabas ng gate. Hinintay nga kita tapos iiwan mo na ako.”

Hindi na kumontra pa si Sylvie nang sabayan siyang maglakad ng lalaki palabas ng library. Wala na siyang magagawa dahil parang anino niya si Lancelot. Di naman ganoon kasama ang company nito. Kailangan lang niyang ingatan na madala sa mga titig nito. Baka bago isang araw magulat na lang siya dahil may Knight Syndrome na rin pala siya.

“LOOK at these gorgeous shots. Parang professional na talaga ang anak ko. Ang guwapo-guwapo naman ni Lancelot dito. Pwede nang gawing cover ng libro o pang-advertisement ang mga kuha mo sa kanya.” Itinaas ng ina niyang si Meldy ang poster ng larawan ni Lancelot. “You improved a lot, Sylvie.”

Ikiniling lang ni Sylvie ang ulo at tumigil sa paglalagay ng cupcakes sa kahon. Pinagmasdan niya ang ina at si Roumel na iniisa-isa ang mga poster ni Lancelot na ibebenta sa page nito para mag-fund raising sa isang charity event na binubuo ni Roumel katulong sila ni Lancelot. Exclusive ang mga merchandise ni Lancelot na mabibili sa page at siya rin ang kumuha ng larawan.

Nasa kusina sila at nagbe-bake ng cupcakes na dadalhin sa ampunan kung saan isasagawa nila ang charity event para sa araw na iyon. Madaling-araw pa lang ay nagsisimula na silang mag-bake katulong si Roumel. Kanya-kanyang toka ang mga volunteer mula sa pagtulong sa pag-aayos ng venue, program, pagkain, workshop at iba pa. Nagkusang-loob ang Mama niya na mag-donate ng cupcakes at cake naman para sa publisher ni Lancelot.

“The camera likes hi. He is really photogenic,” anang si Sylvie. “Wala naman po akong ginawa diyan.”

”This is way better than his usual selfies. I am sure marami tayong mabebenta na poster niya,” sabi naman ni Roumel. “Great job, Sylvie. At masaya ako dahil magkasundo na kayong dalawa.”

“Samantalang nang nakaraan umiiyak ka pa nga dahil sa pamamahiya mo sa kanya. Ngayon close na close na kayo,” sabi ng ina na may halong panunukso.

Umungol ang dalaga. “Mama, huwag na po ninyong ipaalala.”

Gusto pa rin niyang ibaon ang sarili sa lupa tuwing naalala ang kahihiyan niya nang ipahiya si Lancelot sa harap ng tagahanga nito. Dalawang linggo na siyang admin ng binata at parang natabunan na ang isyu tungkol sa pamamahiya niya dito. Lagi rin silang magkasama bilang official “stalker” nito.

“Natutuwa lang ako sa nangyari. Blessing in disguise ito para sa iyo. Sinabi mo ang alam mong tama, nag-sorry ka nang maayos kay Knight at ginawa ka pa niyang official photographer niya at admin. Sa halip na mainis sa iyo ang mga tao, naa-appreciate nila ang talent mo ngayon,” wika ni Roumel at itinabi ang mga poster sa ecobag na dala nito.

“Sinagip ako ni Lancelot. Kung ibang tao siguro siya, pinakuyog na niya ako. Mabait talaga siya. Makulit lang.” Nasasanay na rin si Sylvie sa kakulitan nito. Di na masama kung magkakampi sila kaysa magkalaban. Kung may naiinis man sa kanya na tagahanga ni Lancelot, di na ipinapahalata. Tahimik ang buhay niya. “At malaki ang naitulong niya para sa pagdami ng engagement sa page ni Mark Andrew.”

“Pati articles at video performance ng ibang taga-Bright Minds pino-promote niya. Hindi siya madamot. Akala ko may gusto sa iyo si Knight noong una pero nang I-promote niya ang articles ni Mark Andrew, naisip ko mabait lang talaga siya,” hinuha ni Roumel at muling naghugas ng kamay.

“Tingin mo may gusto siya sa akin?” tanong ni Sylvie.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.