A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 65

“Di porke’t may gusto siya sa isang tao, kailangan niyang pagselosan ‘yung mahal ng taong gusto niya,” paliwanag naman ng nanay niya. “Paraan lang iyan para mapalapit siya kay Sylvie, tulad ng pagkuha niya sa iyo bilang official photographer at admin. He has more loyal fans pero pinili ka niya. At nabanggit mo na kahit sa malalapit na kaibigan niya ipinagtanggol ka niya. Kung di ka espesyal sa kanya, di niya gagawin iyon. I can see it is working.” At kinindatan siya ng ina.

“Iyon lang po ang paraan ko para makabawi sa kanya. We have a deal, you know? At kung lalaitin ko man daw siya next time, pwede ko nang I-private message sa kanya. Part of the deal. Ayoko pong lagyan ng malisya, Ma,” aniya at ipinadyak ang isang paa. “Ma, huwag na po ninyo kaming tuksuhin please.”

Hindi na nga siya komportable kapag magkasama sila ni Lancelot. Di na ito masyadong palabiro o feeling close gaya ng dati. Ni di na nga siya nito tinutukso. Lagi na lang tungkol sa school lessons nila o sa kwento na sinusulat nito o sa mga nabasa nitong article na may kinalaman sa pulitika at social issues ang pinag-uusapan nila. Pero kapag pictorial na, di siya makahinga sa bawat titig nito. Matiim ang mga titig nito. Parang nakasunod sa bawat galaw niya at hinihigop ang kaluluwa niya. Sinasabi niya sa sarili na ginagawa lang nito iyon para sa camera kaya naman maganda ang resulta.

“Hindi na kung hindi. Basta gusto ko siya para sa iyo…”

Pinanlakihan niya ng mata ang ina. “Mama! Ang kulit naman po.”

“... bilang kaibigan,” dugtong nito. “Huwag kang masyadong maangal. Baka isipin ko na may gusto ka rin sa kanya. Hahanguin ko na ibang cupcakes sa oven. Baka dumating na ang sundo ninyo.”

“Tita, basta may sarili akong box, ha? Ayoko pong maubusan,” hirit ni Roumel.

Siniko niya ang lalaki habang naglilipat sila ng cupcakes mula sa molder para palamigin sa tray bago ikahon. “Huwag mo naman masyadong I-promote si Lancelot. Baka mamaya isipin nga ni Mama na manliligaw sa akin iyon. Nakakahiya doon sa tao.”

“Talaga namang may gusto sa iyo si Knight. Hindi lang siguro makapanligaw. Ang sungit mo kasi.”

Tinaasan niya ito ng kilay. “Bakit itinutulak mo ako sa kanya?”

“He takes you out of your shell. Dati kahit ako ayaw mo halos kausapin. Lagi ka rin nagkukulong dito sa kuwarto mo. Pero mula nang maging admin ka ni Lancelot, may mga bago ka nang kaibigan. Natuto kang pakisamahan ang admins at fans niya. Minsan ikaw pa ang kusang bumabati sa kanila. Ilang beses ko na rin nakita na ka-share ka ni Abegail sa table niya.”

“Siyempre nagpapasalamat ako sa pagsagip niya sa akin. Kita mo kasama ka pa ngayon sa activity ng publication nila Knight. Pwede ka naman tumanggi.”

“This is part of my job as his official photographer. Para naman ito sa mga bata, hindi para kay Lancelot,” paglilinaw niya.

“Lumalawak na ang mundo mo. Saka nakita ko na nakangiti ka kanina habang tinitingnan mo ang picture niya.”

“Natutuwa lang ako dahil maganda ang mga picture niya sa poster at merchandise.” Ipinadyak niya ang paa nang parang di ito naniniwala sa sinabi niya. “Ano ba? Wala ngang malisya. Pag di ka tumigil ibubuko ko kay Abegail na kasama ka sa community service nila at ikaw ang pasimuno sa charity event sa looban.”

Namutla ito sa banta niya. “That is a secret. Baka mamaya kapag nalaman niyang involved ako, di na siya tumuloy. Galit pa rin siya sa akin hanggang ngayon.”

“Ikaw kasi masyado mong ipinahalata na biased ka kay Aiona. Ni hindi ka muna nagtatanong. Basta ka na lang naniwala sa bruhang iyon at mga kaibigan niya. Sarap mo kayang dagukan no’n kung may energy lang ako. Kasi kahit ako ayaw mong pakinggan. Buti nga di ka lang pinapansin ka ipinagulpi sa mga gangster niyang mga followers.”

Naging malalim ang hidwaan nina Roumel at Abegail matapos paniwalaan ng lalaki ang bintang na si Abegail ang nagkulong sa kanya sa cubicle ng restroom. Di ito kinakausap ng dalaga. Kaya naman gustong bumawi ni Roumel dito.

“Nag-sorry naman ako sa iyo pero bakit okay na tayo?” tanong ng lalaki.

“Iba ako at iba si Abegail. Outcast na nga ang pakiramdam niya sa Bright Minds dahil minamaliit ang background niya na galing siya sa squatter’s area, tapos ikaw na matagal na niyang kaibigan di pa siya paniniwalaan.” May hinala nga siya na gusto ni Abegail si Roumel kaya lalo itong nasaktan.

“Isa pa iyang mga bago niyang kagrupo. Wala talaga akong tiwala sa kanila. Alam mo ba na buong bakasyon kong tinulungan si Abegail para matuto ng social graces at makapasa dito sa Bright Minds Academy? Tapos magiging leader lang siya ng mga basegulero sa school. Paano ko siya mapapaniwalaan kung ganoon nang klase ang mga kaibigan niya?”

“Ako rin naman di mo pinaniwalaan. Baka naman nagseselos ka lang dahil may iba na siyang mga kaibigan at left out ka na.”

“Hindi ako nagseselos,” anito at iniwas ang tingin. “Di lang ako makapaniwala na mas pinili niya ang mga gangster na iyon kaysa sa akin.”

“Baka naman kasi siya mismo nabalewala mo. Kilala kita, Roumel. Pagdating kay Aiona, nawawala ka sa sarili mo at nakakalimutan mo na ang lahat. Di ba napag-awayan n’yo na ni Mark Andrew iyan dati? Nawawala ka sa katwiran dahil sa kanya.” Kaya lang madali niyang napatawad si Roumel dahil inintindi rin naman siya nito nang panahon na nagdadalamhati siya sa pagkawala ni Mark Andrew.

“Kaya nga gusto kong bumawi kay Abegail. Heto na nga.”

“Kung ayaw mong sabihin ko sa kanya na ikaw ang may pakana ng charity event sa Looban, huwag mo na rin akong tuksuhin kay Lancelot. Deal?”

“Oo na. Deal na kung deal.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.