Sa halip na matuwa ay lalo itong nalungkot. “Ngayon lang iyon dahil nadi-discuss na namin ang gusto niyang topic. Pero dati wala siyang pakialam sa mga hilig kong gawin o sa kung ano lang ang nakayanan ko. Hindi siya masaya sa mga achievements ko bilang writer. Paano daw puro naman mali at kalokohan ang sinusulat ko. Hindi daw niya ako maipagmalaki sa mga kakilala niya dahil nakakahiya daw ipabasa.”
Napangiwi si Sylvie dahil parang echo ng sentimyento niya noon ang mga sinabi ng ama ni Lancelot. At masakit na makitang nasasaktan si Lancelot kagaya ng pananakit niya dito noon. Ni hindi na nito magawang itago ngayon.
“Hindi man lang niya nakita ‘yung pagpapasaya mo sa mga tao? Na may mga humahanga sa iyo.”
Malungkot itong ngumiti. “Hindi naman kasi ganoon ang pangarap daw niya para sa akin. ‘Yung mga tulad ni Mark Andrew ang gusto niyang maging anak. Matalino, laging honor at nagdadala ng karangalan sa eskwelahan. Lahi daw kasi kami ng matatalino pero ako lang ang mababa ang grades.”
Napansin din niya kung paanong iangat ng ama nito si Mark Andrew pero di man lang nag-focus sa pagsisikap ni Lancelot. Oo, masaya siya na napupuri si Mark Andrew pero parang nababalewala naman si Lancelot. Kung ibang pagkakataon siguro na nalaman niyang kampi ito sa opinyon niya, baka nagpa-fiesta pa siya. Isa ‘yong tagumpay lalo na’t aping-api ang pakiramdam niya dahil sa mga tagahanga ni Lancelot at maipapamukha niyang tama siya.
Pero hindi na ngayon. Hindi na sila magkalaban ni Lancelot. Magkakampi na sila. Magkaibigan. Oo, di nga ito kasing galing ni Mark Andrew pero malaki ang naitulong nito para mas maintindihan ng ibang readers nito ang social issues at magkaroon ng interes ang mga ito. Hindi marahil iyon nakikita ng ama ng binata pero naa-appreciate niya kung ano ang nagawa ng lalaki.
Pasimple niya itong siniko. “Umaapaw ka naman sa charm.”
Parang maluluha ang mga mata nito nang tumingin sa kanya. “Parang sinabi mo lang din na guwapo lang talaga ako. Hanggang charm lang ba talaga ako?”
“Sira ka ba? Kita mong ipinagtanggol nga kita kanina sa papa mo.”
“Thank you,” mahinang usal lang nito pero malungkot pa rin. Mukhang kahinaan nito ang pagdating sa ama.
“Huwag mo lang dibdibin. May ganyan talagang mga magulang na mataas ang expectations sa mga anak nila. Kasi naniniwala sila na kaya natin. May mga di rin showy sa pagmamahal nila o pag-appreciate.”
“Tama ba ‘yung puro lait sa akin kahit na maganda pa rin ang ginagawa ko?”
“O! Bakit ako okay lang na magbigay ng constructive criticism? Bakit ‘yung papa mo hindi? Tatay mo naman iyon.”
Bumuntong-hininga ito at sumandal, nakatutok lang ang mata nito sa kisama ng van. “Buong buhay ko, wala na akong ginawang tama para sa kanya. Di ako naho-honor. Di ako napunta sa star section. At pati sa sports bangko pa ako. Sinikap ko naman na galingan sa academics pero di ko kayang makipagsabayan sa mga henyo. Kaya nga hinanap ko na lang ang magpapasaya sa akin. Maswerte ako sa pagsusulat. Iyon na lang ang maipagmamalaki ako. Akala ko sasaya siya kapag natupad ko na ang pangarap niya na makapasok sa Bright Minds Academy sa sarili kong paraan kahit na di conventional. Kaso di pa rin siya masaya. Minsan naman sa buhay ko, gusto kong maramdaman na magaling ako. Na purihin niya ako. Ang hirap kasi na lagi na lang akong lumalaban.”
Ito ang lalaki sa likod ng laging nakangiting si Knight. Napapasaya nito ang ibang tao pero ang magpapasaya lang dito ay ang pagkilala ng ama sa kakayahan nito. Kahit na nahanap na nito ang sarili at kahit ano pa ang narating nito, di pa rin iyon ang magpaapsaya sa ama nito. Para sa isang gaya niya na laging suportado ng mga magulang sa lahat ng gusto niya, nalulungkot siya para kay Lancelot. Siguro di naman masama ang intensyon ng ama nito pero may damdamin din ito na nasasaktan.
Pinisil niya ang kamay nito. “Hey! Kahit anong mangyari, kahit saan ka man mapunta, ang mahalaga ibinigay mo ang best mo. Limitless ang potential natin. ‘Yung mga puna sa iyo, isipin mo lang na paraan iyan para gumaling ka pa. Mas magaling pa kaysa sa inaasahan ng papa mo. Mas magaling pa kay Mark Andrew.”
Namamangha siyang tiningnan nito. “Sa palagay mo kaya ko pang mas maging magaling kay Mark Andrew?”
“Bakit naman hindi? Oo, marami siyang na-achieve kahit sobrang bata pa niya. Pero wala na siya. Pero ikaw nandito ka pa. Marami ka pang pwedeng gawin. May mga bagay ka na kayang gawin na di kayang gawin ng iba. Ituloy mo lang iyon. Makikita rin ng papa mo na dapat siyang maging proud sa iyo. Basta suportado kita basta maganda ang gusto mong gawin at ang intensyon mo.”