Ngumiti ito sa unang pagkakataon. Totoong ngiti. “Thank you. Malakign bagay ito sa akin.” Pinahid nito ang mamasa-masang mata. “Tama na ang drama na ‘to. Gusto ko maging masaya para sa mga bata. Kalimutan mo na lang ang sinabi ko.” Tumayo ito at tinawag si Odan na tinutugtog sa gitara ang Di Mauulit Muli ni Janine Tenozo. “Tama na iyang malungkot. Dapat ‘yung masaya naman tayo.”
“Anong request mo, boss?” tanong ni Odan.
“Kilometro ni Sarah G!” sagot ni Lancelot at sumayaw-sayaw pa nang simulang tumugtog ng kaibigan nito. Di na bakas ang lungkot sa mukha nito. Lalo siyang naging desidido na alalayan si Lancelot na abutin ang mga pangarap nito. Dahil ayaw niyang magkaroon pa ng rason para maging malungkot ito at masaktan.
AKALA ni Sylvie tahimik ang buhay niya sa pagtuturo ng art workshop sa Holy Trinity Orphanage. Na hahayaan lang niya na magkulay ang mga bata sa coloring book o bibigyan ng ilang pointers ang mga gustong magpinta at mag-drawing habang nasa loob sila ng isa sa mga kuwarto.
Hinati sila sa kanya-kanyang grupo na tutulong sa pamamahala sa iba’t ibang gawain - may film showing, art workshop, dance and singing workshop, acting workshop at pati simpleng kaalamang pangkabuhayan na pwedeng salihan ang mga bata.
Ayon sa publisher na si Trevor Damaso na nalaman niyang ilang taong namahalagi sa naturang ampunan bago ito balikan ng ina. Inalagaan ito sa Holy Trinity at alam nito kung gaano kalaking bagay na magkaroon ng pagkakataon na matuto ang mga bata sa pagpapahagay ng sarili sa sining o sa paggawa ng paraan para kumita. Na di dahil laki sa ampunan ang mga ito ay wala nang pag-asa. Lahat ay may potensyal at talento. Kailangan lang mahanap iyon. Kaya sa tulong ng workshop, umaasa nito na di lang mag-enjoy ang mga bata kundi matuto din.
Sa film showing nag-volunteer si Sylvie. Nagulat na lang siya pagdating sa orientation nang I-request siya ni Lancelot sa art workshop. Official photographer daw siya nito kaya dapat magkasama sila. Ibang photographer ng The Newsmaker ang nakatalaga na kumuha ng larawan para sa charity event na iyon.
Di rin naman siya makakuha ng picture dahil kailangan niyang tumulong sa pag-a-assist sa mga bata. Hindi pala madaling turuan ang mahigit singkwentang mga bata na may kanya-kanyang gustong gawin. Anim lang silang volunteer sa area na iyon pero di nila alam kung paanong kokontrolin ang ibang bata na ang katumbas ay sampu. May tumatakbo para papirmihin, may muntik nang magsaksakan ng lapis at may gustong mag-drawing sa sahig at sa dingding.
"Kids, sa papel lang tayo magdo-drawing. Bawal sa sahig at sa dingding at sa poste," paalala ni Sylvie sa tatlong bata na sa tingin niya ay nasa lima hanggang pitong taon na kanya-kanyang pwesto sa pagpipintahan. Umuklo siya sa sahig para pagsabihan si Joko na busy nang magpahid ng asul na water color sa puting tiles ng sahig. “Sa papel lang tayo, please.”
“Di kasya ang dagat sa papel. Di kami makakapag-swimming diyan,” reklamo ni Joko na nanghahaba ang nguso.
“’Yung bundok din di po kasya sa papel. Nakita namin sa TV pwede naman magpintura dito sa dingding,” katwiran naman ni Onyok at ihinalo ang brown at green na watercolor. “Mas maganda iyon.”
Alanganin ang tawa niya nang pigilan iharang ang kamay para di mapinturahan ni Onyok ang dingding. Mas madaling burahin ang pintura ng tiles kaysa sa dingding. “Mas maganda kung sa papel muna mag-practice. Okay?”
Matalim siyang tiningnan ng bata. “Ayokong mag-practice. Gusto ko dito na agad.”
Naestatwa ang dalaga sa kinatatayuan. Di niya alam kung paanoo pa kukumbinsihin ang bata nang di sumasama ang loob nito sa kanya o nagagalit. Na-orient na sila na iba-iba ang ugali ng mga bata sa ampunan o kahit saan man. Sensitibo ang mga bata at ang iba ay may pakiramdam na walang nagmamahal sa mga ito. Kaya naman ingat na ingat siya sa kilos niya. Di madali ang pinagdaanan ng mga bata at konting kilos o salita lang ay pwedeng masaktan ang mga ito.
"Sa papel lang gumawa ng art work, mga bata. Sundin si Ate Sylvie,” singit ni Lancelot na hinawakan sa balikat si Onyok. “Walang prize ang hindi susunod sa instruction at sa ibang lugar magsusulat."
Nanlaki ang mga mata nina Onyok at Joko. Nakuha din niyon ang atensyon ng ibang mga bata na nananahimik. "Anong prize? Anong prize?" halos sabay-sabay na tanong ng mga bata. Excited ang mga ito.
"Masarap na rainbow cupcake. Nanay ni Ate Sylvie ang gumawa no'n kaya dapat sundin ninyo ang lahat ng sasabihin niya." Binuhat ni Lancelot si Onyok. “Gusto mo ba ng rainbow cupcake?”
“Nakakain pala ang rainbow. Paano mo nangyari iyon?” namamanghang tanong nito.
“Mamaya sasabihin ko sa iyo. Mag-drawing ka na,” sabi ni Lancelot.
“Pwede pong dagat na rainbow ang I-drawing?” tanong ni Joko at nilapitan agad ang papel na iniwan nito.
“Ako naman bundok na rainbow,” anang si Onyok at lumingon sa kanya. “Anu-ano po ang kulay ng rainbow, Ate?”