Nakahinga ng maluwag si Sylvie nang lubayan na sa wakas ng mga bata ang dingding at sahig. Naka-focus na ang mga ito sa pagpipinta sa papel. Maya maya pa ay inabutan siya ng tubig ni Lancelot. “Okay ka na?”
Tumango siya. “Salamat sa tulong. Akala ko talaga magagalit sa akin si Onyok. Ayoko naman na sumama ang loob nila sa akin na parang pinagkakaitan sila. Buti ka pa alam mo ang gagawin.”
“Makulit din kasi ako noong bata ako. Alam ko mga ganyang galawan na ayaw sumunod sa instruction. Pagkain lang ang katapat ko para makapag-focus ulit. Weakness iyan ng kahit sinong bata. Di ka ba pasaway noong bata ka?”
Umiling siya. “Hindi. Bigyan mo lang ako no’n ng papel at crayola, okay na ako. Di rin ako masyadong nakikipaglaro sa ibang bata kasi magugulo sila. May sarili nga daw akong mundo. Kaya ang galing mo kanina kasi napasunod mo sila.”
“Kaya mo rin iyan. Kailangan mo lang sakyan ang trip nila. Don’t worry. Nandito lang naman ako para alalayan ka,” sabi nito at nilapitan ang dalawang batang nagtatalo kung ano ang tamang kulay ng gown ni Queen Elsa ng Frozen.
Napagtanto niya na di lahat ng bagay ay natututunan sa paaralan. May mga kaalaman na di naituturo sa paaralan. Minsan nakukuha sa instinct o kaya ay sa karanasan katulad ni Lancelot.
Isang batang babae na nasa anim na taon ang umiiyak na lumapit sa kanya. “Ate, kinuha po nila ‘yung brush ko,” sumbong ni Chichi at itinuro ang dalawang batang lalaki na mas malaki dito. “Di po ako makapag-paint.”
Tiningnan niya ang dalawang batang naghahagikgikan at binelatan pa si Chichi. Gusto niyang komprontahin ang dalawang bata pero isang mas magandang ideya ang naisip niya. “Tahan na.” Pinahid niya ang luha ng batang babae. “May naisip ako. Hindi mo kailangan ng brush para mag-painting. Pwede kang gumamit ng mga kamay at daliri.”
Itinaas nito ang mga palad at iginalaw ang mga daliri. “Ito po?”
Tumango siya. “Gusto mo bang subukan natin?”
Tumahan ang bata at nakangiting tumango. “Sige po. Gusto ko po ng bulaklak. ‘Yung maraming-marami. Mga hundred million!” At ibinuka ng bata ang mga kamay na parang ipinapakita kung gaano karami ang sasakupin ng bulaklak nito.
“Okay. Simulan na natin dahil marami pala.” Humila siya ng bakanteng upuan para tabihan si Chichi. Hinawakan niya ang kamay nito. “Ganito. Basain mo muna ang daliri mo saka mo ikiskis sa kulay na gusto mo. Anong kulay ang gusto mo?”
“Orange po.”
Hawak niya ang kamay ni Chichi hanggang kumulay ang water color sa kamay nito. Idiniin niya ang daliri nito sa pader at inulit ang proseso hanggang makagawa ng bulaklak. “Ayan! Marunong ka na, ha?”
“Ate, tulungan mo po ako na gumawa ng maraming-maraming flowers. Kailangan ko po ng katulong sa hundred millions na flowers.”
Nag-freeze ang ngiti ni Sylvie. Hindi niya masabi sa bata na di na siya nagpipinta. Pero kaya ba niya itong tanggihan?
“Sige,” usal niya. Ano ba ang masama sa pagpipinta ng bulaklak?
Nanginginig ang kamay niya nang basain ang hintuturo ng tubig saka hinaplos ang watercolor. Isang taon na rin siyang di humawak ng kahit anong may kinalaman sa pagpipinta. Iniwasan niya iyon mula nang mamatay si Mark Andrew. Parang namatay din ang isang bahagi niya na laging nagpapasaya sa kanya.
Pero nang makita niya ang kulay pink na pintura sa daliri, parang may pamilyar na enerhiya na gumapang sa himaymay ng laman niya.
Parang sumabog ang kulay sa paligid niya nang dumikit ang daliri niya sa papel at nakita na nag-iwan iyon ng marka. Awtomatikong gumana ang sistema niya. Kung anumang lungkot ang naramdaman niya sa puso tuwing susubukang magpinta, napalitan iyon ng pagkasabik gaya ng nararamdaman niya tuwing nagpipinta siya dati o may sisimulang artwork.
Nakalimutan na niya ang lahat, nakalimutan na niya ang nangyayari sa paligid niya. Masaya siyang tulungan si Chichi na dagdagan ang bulaklak nito. Naintriga rin ang ibang bata at nakiusyoso sa kanila dahil nagpipinta sila gamit ang daliri.
“Uy! Ang galing n’yo naman. Nagawa n’yo iyan,” anang nang-agaw sa brush ni Chichi kanina na si Errol. “Pwede pala iyan.”
Binelatan ito ni Chichi. “Beee! Ang ganda ng gawa namin ni Ate Sylvie kahit na walang brush.”
“Ate, turuan mo rin kami niyan,” hirit ni Errol.
“Mag-sorry ka muna kay Chichi,” sabi niya.
Noong una, akala niya ay kokontra ang bata pero nag-sorry naman ito at ibinalik ang brush kay Chichi. Natutuwa siya na turuan ang mga bata at hayaan ang mga ito na paganahin ang imahinasyon. Pero sa pagkakataong ito, may kontribusyon na siya sa mga painting ng mga bata. Masaya naman siya na pagbigyan ang mga hiling ng mga ito na matuto at maipakita rin ang kakayahan niya. Normal na ulit ang pakiramdam niya at di siya makaramdam ng pagod. Parang may sariling buhay ang mga kamay niya at nadadagdagan ang magandang enerhiya sa paligid niya lalo na’t nakikita niya na natututo din ang mga bata.
”ATE, pwede bang magpaturo na I-drawing si Kuya Knight? Gusto ko kasi siyang bigyan ng gift kasi mabait siya sa akin.”
Natigil sa pagkain ng spaghetti si Sylvie nang ungutan ng batang si Glaymar. Nahihilo na siya sa gutom dahil alas singko na pero di pa siya kumakain. Inuna muna nilang pakainin ang mga bata at nakatyempo lang kumain nang mag-present na ang ilang mga bata na sumali sa sing and dance workshop ng natutunan ng ga ito bilang pagtatapos ng programa.
Dali-dali siyang uminom ng juice at tumango. “Sure.” Ipinaghila niya ito ng bakanteng upuan. Gutom at pagod siya pero di niya magawang tanggihan ang bata. Nag-e-enjoy ang mga ito at nakahanap ng paraan para ipahayag ang sarili. At masaya siya na may nagpapaturo pa rin sa kanya kahit tapos na ang workshop. Kinuha niya ang sariling sketchpad. “Gayahin mo lang ang gagawin ko. Okay?”
Tumango ang bata at luminga sa paligid. “Kaso hindi ko po makita si Kuya Knight. Paano ko po siya ido-drawing?”