“Aalalayan kitang bumaba. Photographer kita. Sino pa ang kukuha ng official pictures ko kung di kita kasunod?”
Mariing nagdikit ang labi niya. “Kaya ko nang bumabang mag-isa.”
“I have to make sure that you are safe. Because I am your Knight.”
“I am no damsel in distress. Gender equality na uso ngayon. Thank you very much,” sabi ni Sylvie at hindi pinansin ang nakalahad nitong kamay. Hindi niya alam kung bakit kailangan nitong magpabibo sa kanya. Sa iba na lang sana nito ibaling ang atensyon nito.
“I think I like you,” sabi ng lalaki sa halip na ma-offend.
“Ayyyy! May iba nang gusto si Knight?” malungkot na sabi ni Aiona.
“Hey! Gusto ko ang lahat, kasama ka na,” bawi ni Knight dahilan para ma-excite ang lahat ng kababaihan at beki sa paligid nila.
“Sabi ko na nga ba,” mahina niyang usal.
Di ito dapat Knight kundi Cassanova. He was quite a charmer. Kaya nga isang ngiti lang nito, nawiwindang na ang mga fans nito, Isang salita lang nito, nagsusunuran na ang lahat. Di bale sana kung makakatulong ang mga iyon sa kahirapan at kapayapaan ng mundo.
Last mo na iyang pagpapa-cute mo sa akin. Di ka na makakaulit.
“ALAM MO, pabida kang masyado. Mukha tuloy akong walang alam kanina sa interview,” maktol ni Ehra kay Sylvie nang magkasabay silang pumunta sa restroom. Wala nang estudyante noon dahil nagsimula na ang klase. Nasa director’s office pa si Knight at ang mga magulang nito. Hihintayin na lang nila ang lalaki para makuhanan ang unang pagpasok nito sa klase.
Nagkibit-balikat lang siya habang naghuhugas ng kamay. “Hey! Don’t take it personally. Tinulungan lang kita. Parang naliligaw ka na ng landas kanina.”
“Naliligaw ng landas?”
Tiningnan niya ito sa salamin habang nilalagyan na naman nito ng panibagong layer ng pressed powder ang mukha. “What is your favorite color? What is love? Kulang, do you believe that crush is paghanga, minsan nawawala?”
Natutop nito ang bibig. “Shocks! I forgot to ask. Sino ang crush niya?”
Mariin siyang pumikit kahit na gusto niyang sabunutan ang babae sa gigil. “Ehra, this is not so you. At ang nasabi mo lang kanina, guwapo si Knight sa personal. Daig mo pa ‘yung giggly showbiz reporter sa TV na madalas mong laitin.”
Sinapo nito ang sariling dibdib. Sa halip na mainis sa sarili o tannggapin ang kapalpakan nito, mukha pa itong nakalutang sa mga ulap habang nagniningning ang mga mata. “Akala ko nga di ako makakapagsalita kanina. Iyon isinisigaw ng puso ko. He is a charmer.”
“So, anong ipapalabas mo sa audience natin? ‘Yung pagpapa-cute mo?”
Umikot ang mga mata nito. “You have no chill. Knight is a heartthrob. Of course, dapat malaman ng mga fans ‘yung importanteng bagay tungkol sa kanya.”
“Importante ‘yung favorite color?”
“May binabagayan ang mga tanong. What do you know? Di ikaw ang reporter sa atin.”
“First, photojournalist ako. Kumukuha man ako ng pictures pero marunong akong magtanong. Di naman ikaw ang may monopoly sa kakayahan na magtanong. Kahit sino pwedeng magtanong. You are a Bright Mind. Dapat alam mo kung anong tamang sabihin para may laman naman ang interview mo. Sa The Newsmaker lalabas ang coverage n’yo. O gusto mo ilagay natin Fangirling 101: How to Interview the Cutest Writer in Town?”
Mariing nagdikit ang mga labi nito. Natauhan na marahil ito sa kahangalan nito at paano itong magmumukhang tanga sa harap ng iba. May reputasyon silang pinangangalagaan bilang estudyante ng Bright Minds Academy. Bagamat si Ehra ang pinakasikat na student host sa kanila, marami pang ibang student host na naghihintay na kunin ang mas magagandang assignment mula dito. Mahigpit ang kompetisyon sa paaralan nila. Di pwedeng maging kampante.
“Kung gusto mong malaman, sana ipinasa mo na lang ang tanong sa akin. Di naman ikaw ang reporter pero sa iyo siya nagtagal,” anitong halos kapantay na ng nguso ang matangos na ilon.
“Siya itong ayaw bumalik sa iyo. Bakit ba ako ang inaaway mo? Kung gusto mo, I-splice mo ‘yung eksena na kasama ako. Wala akong planong magpabida. Inyo na ‘yang Knight n’yo.”
“Di ka ba kinilig man lang kanina?” puno ng kuryosidad nitong tanong at natigil sa paglalagay ng lip gloss sa labi.
Umiling siya. “Hindi.”
“Nang alalayan ka niya, wala kang naramdaman na kilig man lang o spark?”
“Wala,” matabang niyang sagot at tiningnan ang text message sa kanya ni Roumel. “Bumalik na daw tayo sa headquarters ng The Newsmaker. Dumaan daw doon si Knight.”
“Di mo talaga siya bet? Sikat siya na writer, guwapo siya at perfect gentleman. Kung ako ang inalok niya na alalayan, di ako tatanggi. Magpapabuhat pa ako,” anito at humagikgik.
“Hindi ko nga type si Knight,” giit niya. Natigilan siya nang makitang nakasandal si Knight mismo sa pinto ng headquarters ng The Newsmaker. Narinig nito ang usapan nila.