Tapos nang kumain si Brazile habang nakasandal sa kanyang kotse subalit ayaw pa rin niyang balikan ang party. Mas gusto niyang manatili sa labas at pagmasdan ang magandang view. Papalubog na ang araw kasabay ng pag-ihip ng malamig na hangin.
Pagtanda niya, gusto niyang tumira sa isang lugar na masasarili niya ang mundo. Malayo sa gulo. Doon sa lugar na wala siyang makikitang mga lalaki na maaring sumira sa araw niya. She wanted to build her own paradise na may sign board na Stupid Men are not Allowed.
“Bakit nandito ka?” anang si Linux, ang huling bachelor sa klase nila. Taliwas sa masayahin nitong itsura, daig pa nito ngayon ang pinagsakluban ng langit at lupa.
“Nagpapahangin ako,” sabi niya. “Ikaw, anong ginagawa mo dito? Hindi ba dapat nasa loob ka at nakikipag-flirt sa mga babae.”
Malungkot itong ngumiti. “Ayoko na. Nakakarma ako, eh.”
Tumaas ang kilay niya dahil naiintriga siya sa sagot nito. “Babae. Nakakuha ka na ng katapat mo. Sa dami ng babaeng niloko mo, natural lang na makarma ka.”
Sumandal ito sa tabi niya at tinanaw ang paglubog ng araw. “I’m in love. Matagal na akong in love sa kanya. Wala lang akong sinasabihang iba. Sinabi niya sa akin kanina na mahal niya ako. Pero natatakot ako na hindi ko maibigay sa kanya ang hinahanap niya. Kasal. At may ibang lalaki na nag-offer sa kanyang pakasalan siya. I guess mas bagay silang dalawa.”
Ginulo niya ang buhok nito at inakbayan. Malapit sila ni Linux mula high school. Hindi siya nagbago ng pakikitungo dito kahit nagbago ang pananaw niya sa mga lalaki.
“Martir ka pala kapag na-in love. Pwede ko bang malaman kung sino ang malas na babaeng mahal mo at mas lalong malas dahil in love siya sa iyo?”
Awtomatiko itong ngumiti kahit may bahid na lungkot. “Si…”
May tumigil na kotse sa tapat nila at bumaba si Keith Arnaldo. Nawala sa isip niya na darating ito. Hangos itong lumapit sa kanila ni Linux.
“Pare, nandiyan na ba si Arice?” tanong nito.
Muling lumungkot ang anyo ni Linux. “Nasa loob. Kanina ka pa hinihintay. Siyanga pala, si Brazile Cardenas. Kaibigan din siya ni Arice.”
Kumunot ang noo nito habang nakatingin sa kanya. Pinantayan niya ng matiim na tingin ang ginagawa nitong panunuri sa kanya. Maya-maya’y dumako ang mata nito sa kamay niyang nakaakbay kay Linux.
“Kilala ko na siya, Linux,” sabi ni Keith. “Papasok na ako sa loob. Baka naiinip na si Arice sa kahihintay sa akin. It’s good to see you again, Miss Cardenas.”
“Ano ba ang nagustuhan ni Arice sa lalaking iyan?” tanong niya nang malayo na si Keith sa kanila.
Bumuntong-hininga si Linux. “Kasal. Handa siya mag-offer kay Arice ng kasal.”
“Parang iyong babaeng mahal mo?” tanong niya.
Hindi siya nito sinagot at tumingin lang sa malayo. Nanatili silang walang kibuan hanggang lumabas si Alarice kasama si Keith. Hindi nakaligtas sa kanya ang malungkot na tingin ni Alarice kay Linux at ang pag-iwas ng mga mata ng huli.
”In love ka kay Arice, hindi ba?” sabi niya. “Bakit hindi mo siya ipaglaban? Ikaw ang mahal niya at hindi ang kumag na iyon.”
“Pero hindi ko maibibigay sa kanya ang pamilya na gusto niya. Pangarap niyang maikasal, Brazile. Si Keith ang kayang magbigay niyon sa kanya.”
Pabiro niya itong sinuntok sa balikat. “Tanga ka ba? Hindi siya mahal ni Keith. Madali namang sabihin ng isang lalaki na pakakasalan niya ang isang babae pero sa huli niloloko rin naman. Samantalang ikaw, mahal mo si Arice. Sabihin mo sa kanya na mahal mo siya. Ipaglaban mo ang nararamdaman mo. Maswerte kayo dahil may nararamdaman kayo para sa isa’t isa. Madalang na iyan ngayon.”
Gulat itong tumingin sa kanya. “For a woman who hates men, dapat nga inilalayo mo sa akin si Arice. Kaibigan mo siya, hindi ba?”
Napailing siya. “She loves you. And I know hindi siya magiging masaya kay Keith. Ipakita mo sa kanya na ikaw ang karapat-dapat. Basta tiyakin mo na hindi siya iiyak sa iyo. Kung hindi…” Ini-amba niya ang kamao. “Ako mismo ang gugulpi sa iyo.”
Sa kauna-unahang pagkakataon ay sumilay ang totoong ngiti sa labi nito. “The best ka talaga, Brazile. Tama. Kailangan ko siyang ipaglaban.”
Hindi niya ito ginagawa para lang kina Arice o Linux. Ginagawa niya ito para sa kanyang sarili. Walang karapatan si Keith Arnaldo na sumaya. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit naghihirap ang kalooban niya ngayon. Hangga’t kaya niyang ipatikim dito ang sakit na nararamdaman niya ay gagawin niya.
“NAGYAYAYA si Arice next week. Manlilibre ang loka,” sabi ni Meredith habang naglalagay ng lipstick sa labi. Nasa powder room sila ng Torch Publication. Malapit nang matapos ang lunch break at mamaya lang ay babalik na sila sa trabaho.
“Ano naman ang ia-announce niya?” tanong niya habang itinitirintas ang kanyang mahabang buhok. Sa sobrang busy sa trabaho ay nawala sa isip niya na pabawasan iyon. Kapag may free time siya, pagugupitan niya iyon.
“Magpapakasal na siya!” excited na sabi nito.
Sinimangutan niya ang repleksiyon sa salamin. “Bad news,” sabi niya.
Walang epekto ang moral support at pambubuyo niya kay Linux para bawiin si Arice. Wala na siyang choice. Kailangang mawala sa landas si Keith. Mas mabuti pa siguro kung kukuha siya ng assassin na titira dito. O kaya papainan niya ng babae para magkahiwalay na ang dalawa.