Asociacion de las Solteras Series Chapter 11

“Himala kamo,” anang si Meredith. “Sila ni Linux ang ikakasal.”

Umaliwalas ang mukha niya at nabitiwan niya ang itinitirintas. “Really? Naku, sabihin mo sa kanila na ako ang official wedding photographer nila. Hindi na ako makapaghintay na makita silang ikinakasal.”

“Kanina nakasimangot ka diyan. Pero ngayon masaya ka na.”

Muli niyang sinuklay ang buhok. Subalit ipinusod na lang niya iyon dahil malapit nang mag-ala una. Matatagalan siya sa pagtitirintas.

“Natutuwa ako para kay Arice,” aniya. “Alam ko naman na hindi iyong Keith na kumag na iyon ang makakatuluyan niya.”

Nagpatiunang lumabas si Meredith na malungkot ang itsura. “Kaso naaawa ako kay Keith. Kasi nag-offer na siya ng kasal kay Arice pero si Linux ang pinili niya.”

Napaharap siya dito. Abot-tainga ang ngiti niya habang naglalakad paurong. “Nabasted si Keith Arnaldo?” Humalakhak siya. “Mabuti nga sa kumag na Keith na iyon. Akala siguro niya, lahat ng babae mabobola niya. Mabuti nga sa kanya. Basted!”

Iyon naman ang dapat sa mga talunang tulad nito. Hindi lahat ng babae ay pwede nitong makuha sa mga ngiti nito.

Pinanlakihan siya ng mata ni Meredith. “Huwag kang maingay,” sabi nito.

“Bakit ba? Wala namang makakarinig sa akin, ah. Sino ba ang kinatatakutan mo? Iyong basted na iyon?”

Natigilan siya nang bumangga ang likod niya. Dahan-dahan siyang lumingon para makita kung sino ang nakabangga at hindi niya magawang ngumiti nang makita ang matiim na anyo ni Keith. Nakatingin ito sa kanya at parang gusto siyang lamunin nang buo. Mas matangkad ito sa kanya ng anim na pulgada kaya nanliliit siya dito.

“Good afternoon, Miss Garces, Miss Cardenas,” pormal na bati nito nang hindi inaalis ang tingin sa kanya. Narinig yata nito ang pinag-usapan nila ni Meredith.

“Good afternoon, Mr. Arnaldo,” nakangiting sabi ni Meredith na parang hindi si Keith ang pinag-uusapan nila kanina.

Mabilis siyang lumayo kay Keith at nagpunta sa likod ni Meredith. Siguro dahil guilty siya sa panlalait dito. Hindi rin siya katulad ni Meredith na mabilis makabawi. Ni hindi niya nagantihan ang pagbati ni Keith. Manhid ang dila niya sa sobrang kaba.

“Breaktime pa rin ba ninyo?” tanong ni Keith.

“Yes, Sir,” agap na sagot ni Meredith. Ngumiti ito hindi umabot sa mata. Parang takot na takot ito na magkaroon ng masamang impresyon ang binata.

“But Sir, I’m sure Mr. Matthews is waiting for you. Just go straight ahead. His office the last door to the right,” sabi ni Meredith.

“Thank you, Miss Garces,” sabi ni Keith at bahagyang yumukod.

Hindi siya humihinga habang dumadaan ito sa tabi niya. Sana ay umalis na ito agad para maigalaw na rin niya ang mga paa niya. Nanginginig siya. Isang pakiramdam na matagal nang nawaglit sa kanya. Takot.

Nakagat ni Meredith ang labi. “Narinig yata niya ang usapan natin.”

“O, bakit takot na takot ka sa kumag na iyon? Hindi naman natin siya boss. And what is his business here, anyway?” aniya at humalukipkip.

“Hindi na natin masasabi kung ano ang ginagawa niya dito. Pero may posibilidad na siya ang maging bagong boss natin,” sabi ni Meredith. “Siya ang isa sa mga interesado sa share ni Sir Richard dito sa publication.”

Business partners sina Siege Matthews at Richard Raymundo, ang dalawang may-ari ang Torch Publication. Subalit pupunta na ng Amerika ang huli at humahanap ng ibang tao na bibili sa parte nito.

Namula siya sa inis. “Marami na siyang business. Bakit kailangang pati itong publication pag-interesan niya?”

“Dahil pangarap din niyang magkaroon ng publishing business. Magagamit niya ang power ng media sa negosyo niya. Alam mo naman ang takbo sa negosyo.”

“Sana hindi siya ang makabili,” usal niya.

Oras na ito ang maging bagong part-owner ng Torch Publication, nakikita na niya ang pagkagunaw ng kanyang mundo. Subalit bago pa siya mapa-ilalim dito ay magre-resign siya.

HINDI MAIPINTA ang mukha ni Brazile nang hindi makahanap ng parking space para sa kanyang sasakyan sa harap ng Torch Publication. Nakapagtataka dahil alas otso pa lang ng umaga pero puno na ng sasakyan ang parking lot. Pati ang sasakyan ng mga nasa executive level ay naroon din. Samantalang dati ay pagkatapos pa ng lunch saka nagdaratingan ang mga iyon.

Magkasalubong na ang kilay niya nang makakita ng pagpaparadahan. At nasa dulo pa iyon. Nanggigigil siya. Sana ay mas inagahan pa niya ang pasok. Kagagaling lang niya sa Bukidnon nang nakaraang araw para sa exhibit ng mga native costumes ng mga Manobo, isang grupo ng cultural minority. Kaya wala siyang ideya kung may importanteng kaganapan sa publication.

“Good morning, Ma’am Brazile,” bati ng guwardiya. “Nasa pressroom po silang lahat. Tumuloy na po kayo doon.”

“Pressroom? Anong mayroon?” aniya sa pagtataka.

Kung may meeting ang editorial staff, karaniwan ay sa conference room ginaganap ang meeting. Maaring kasama ang iba pang trabahador na nasa printing department at cutting department kaya naroon dahil masyadong maliit ang conference room. Ano ang kailangang I-announce para pagsama-samahin silang lahat?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.