Asociacion de las Solteras Series Chapter 9

“Hindi ko na natatandaan,” matabang niyang sabi. Mula nang ihatid siya ni Keith sa kanilang bahay ay nag-iba ang katauhan niya. Iba na ang tingin niya sa mga lalaki. Walang sinuman ang nagtangkang lumapit sa kanya dahil itinutulak lang niya palayo.

May mangilan-ngilan siyang lalaki na hindi idinamay sa galit niya. Katulad ng mga kaklase niyang lalaki na malapit sa kanya at alam niyang matitino. Subalit ang ibang mga lalaking nakakasalamuha niya ay mga walang kwenta. Hindi niya hinahayaan pang magkaroon ng puwang sa buhay niya. Pare-parehong patapon ang mga ito.

Bago makatapos ng high school ay sumali siya sa Asosasyon ng Matatandang Dalaga sa St. Jerome. Nangako siya sa sarili na hindi siya magiging katulad ng ibang babae na magpapakatanga sa lalaki. Hindi niya kailangan ng lalaki sa buhay niya.

“O, heto na pala si Arice,” sabi ni Gay, ang bestfriend ng bagong dating.

“Nasaan na ang ipinagmamalaki mong lalaki na mag-aahon sa iyo sa pagiging miyembro ng Asosasyon ng Matatandang Dalaga?” salubong ni Pepper kay Alarice. “Bakit hindi ka makasagot? Siguro hindi naman totoong nanliligaw sa iyo si Keith Arnaldo. Suplado iyon noong high school tayo. Baka naman iniilusyon mo lang siya.”

“Katatapos pa lang ng client meeting nila,” sabi nito. “Baka medyo matatagalan siyang dumating dahil traffic.” Nakangiti siyang binalingan ng tingin ni Arice. “O, bakit nakasimangot ka, Brazile? Hindi mo ba ako babatiin?”

“Naiinggit lang iyan dahil ikaw ang nililigawan ni Keith,” sabi ni Pepper.

“Bakit naman ako maiinggit?” inis niyang tanong na lalong nagpahabas sa nguso niya. “Kung alam mo lang kung gaano kawalang-kwentang lalaki ang Keith Arnalo na iyon, pagsisisihan mo na nakilala mo siya. Hindi ko siya gusto para sa iyo.”

“Ikaw, hindi ka lang pinansin ni Keith noon nagwawala ka na,” sabi ni Nancy. “Nagsa-sourgrape ka siguro.”

“Hindi ako nagsa-sourgrape!” kontra niya.

Nakakunot ang noo ni Arice habang nakatingin sa kanya. Gayon din ang iba pa niyang kasalo sa mesa. Kung makatingin ang mga ito ay parang noon lang siya nakita.

“Bakit parang ayaw mo si Keith para sa akin?” tanong ni Arice. “Saka bakit parang napakalaki ng galit mo sa kanya? May nagawa ba siyang masama sa iyo?”

Iniiwas niya ang tingin. “Basta, ayoko siya para sa iyo,” sabi niya. “Babaero siya.”

“Sus! Huwag mo nang pansinin ang babaeng iyan dahil talaga namang galit siya sa mga lalaki. Sinagot mo na ba si Keith?” tanong ni Meredith. “Kapag ikinasal kayo, you’ll make a good cover for my magazine.”

“Huwag kang magkamaling sagutin siya. Magsisisi ka lang,” bulong niya. Hindi siya ang magiging photographer kapag ikinasal ang mga ito. She’ll hire an assassin para hindi na makarating pa sa simbahan si Keith.

Wala siyang pakialam kung magkandarapa ang mga babae kay Keith. Pero hindi siya papayag na makasama ang kaibigan niya sa mga nahuhumaling dito. Kung may iba sanang lalaki na may gusto kay Arice, ipagtutulukan niyang kidnapin nito at itanan si Arice. Huwag lang mauwi kay Keith.

“Hindi pa niya sinasagot,” sabi ni Gay. “Ako na lang ang tanungin ninyo dahil sinasabi rin naman sa akin ni Arice ang lahat. Hayaan muna natin siyang kumain.”

“Sige na nga,” nanghihinayang na sabi ni Nancy. “Excited pa mandin akong malaman kung ano ang sekreto ng lalo mong pagganda at nasilo mo si Keith.”

“Arice, huwag ka munang umalis,” sabi niya. “Kailangang tigilan mo na ang kahibangan mo kay Keith. Hindi ka sasaya sa kanya. Masama ang ugali niya at…”

“Huwag mong pansinin si Brazile,” sabi ni Cyrene. “Intindihin mo na lang ang pagkain mo. Hindi ka mabubusog kapag pinakinggan mo siya.”

Tiningnan niya ng matalim ang lahat ng kasalo habang paalis si Arice papunta sa buffet table. Pinagkaisahan siya ng mga ito. Mas kinampihan pa ng mga ito ang kumag na Keith Arnaldo na iyon kaysa sa kanya.

“Bakit parang mainit ang ulo mo?” sabi ni Meredith. “Kahapon ka pa.”

Sa lahat ng kaibigan niya ay ito ang pinakamalapit sa kanya. Halos magkadikit na ang bituka nila dahil kahit sa trabaho ay magkasama sila. Ito ang editor-in-chief niya sa bridal magazine kung saan siya photograher.

“Huwag mo akong pansinin,” sabi niya. “Makipag-kwentuhan ka na lang diyan.”

“Galit ka pa rin ba dahil palpak ang date ninyo ni Froilan?” tanong nito.

“Huwag ka na ngang babanggit ng pangalan ng lalaki, Meredith,” naiirita niyang sabi at tinakpan ang tainga. “Ayoko nang makarinig ng anuman tungkol sa kanila.”

“Bakit parang may personal kang galit kay Keith Arnaldo?” tanong nito.

Padabog siyang tumayo sa mesa na ikinagulat ng lahat. “Sinabi ko nang ayoko nang makarinig ng kahit ano tungkol sa lalaki lalo na’t pangalan ni Keith Arnaldo!”

Umalis siya sa mesa bitbit ang pagkain. Nagmartsa siya palabas ng gate. Doon na lang siya sa labas magpapahangin. Doon sa wala siyang makakausap tungkol sa kahibangan tungkol sa lalaki. Doon sa walang babanggit kay Keith.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.